Tumgik
swensational20 · 3 years
Text
MAYNILA-KBAY: Mga Istoryang Pangkabuhayan sa Paglalakbay sa Kamaynilaan
Tumblr media
Halos dalawang taon nang nakapinid sa nakapanlulumong sitwasyon ang bansa sa ilalim ng pandemyang dala ng COVID-19. At kasabay ng mabagal na usad ng pagtugon ng pamahalaan upang solusyunan ang kasalukuyang dilemma, nakikipagsapalaran ang maraming kababayan natin upang mapanatiling may pagkain sa para sa pamilya.
Tumblr media
(Isang ginang ang magtiyagang nag-aayos na ng kanyang puwesto sa isang bahagi ng palengke sa Pritil Market, Tondo, Manila bago pa man sumikat ang araw.)
Kaya naman bilang isang tipikal na mag-aaral na may angkop na pakiki-ayon sa lansangan, nakagawian ko na ring makipagkwentuhan sa kung kani-kaninong makasasalamuha sa daan, umalam ng kanilang kwento, at makibagay sa kanilang mga nararanasan. Isang karangalan palagi sa akin na makipagtalastasan sa mga maliliit na hanapbuhay, higit lalo sa mabilis na galaw sa Kamaynilaan - ang sentro ng komersyo sa buong bansa. Naglakbay ako rito at napagmasdang sa laki ng siyudad, ay hindi na talaga nabibigyang pansin pa ang mga maliliit na tindera't negosyanteng nagtitiyaga sa barya-baryang tinutubo sa kanilang hanapbuhay. Tinuloy ko ang paglalakbay sa mabilis, ngunit magandang siyudad na ito.
Napadpad ako sa makasaysayang bahagi ng Intramuros - isa sa mga pinakatanyag na pasyalan sa Maynila. Dinalaw ako ng uhaw at napagpasyahang bumili ng maiinom sa isang tindahang nakapwesto. Gaya ng dati, bilang isang madaldal na indibidwal at potensyal na mamamahayag sa darating na panahon, nakausap ko ang tinderong mag-isang nagbabantay sa dalawang karitong puno ng paninda. 
Tumblr media
(Nag-aasikaso ng isang kustomer niya si kuya Jerry na bumibili ng paninda sa isa niyang karitong binabantayan sa tapat ng OWWA sa Intramuros.)
Nagpakilala siya bilang si kuya Jerry Gesulga, anim na taon nang tindero sa Intramuros. Napakwento siya kung gaano pinahirapan ng pandemya ang dating malago niyang pagtitinda lang sa isang pwesto sa Intramuros.
"Mga softdrinks, meryenda, at ibang inumin lang ang tinda ko dati pero malakas na kita ko (kasi) laging puno ito(ng kalsada) bago magpandemic. Ngayon napilitan na ko maglako at maglakad ng mga electric fan at charger sa ibang lugar", pahayag ni kuya Jerry. "Maswerte lang pag may kukuha ng ayuda d'yan (sa OWWA) kaya may mga nakakabili din sa akin. Talagang swertihan at kapit na lang talaga", dagdag pa niya.
Tumblr media
(Inihahanda ni kuya Jerry ang mga biniling inumin ng kanyang mga kostumer sa isang kariton pa niya ng mga softdrinks, kendi, at iba pang consumable na produkto, para sa mga namamasyal sa bahaging iyon ng Intramuros.)
Dumating ang iba niyang mga kostumer at napagpasyahan kong pumitik pa ng ilang larawan at nagpaalam. Nagpasalamat siya sa akin at nagawi naman ako sa ibang bahagi ng pook na iyon - sa may San Agustin Church. Tirik ang araw sa lugar na iyon dahil sa bukas na paligid at sandamakmak na taong panay ang pitik ng litrato sa mga kamag-anak o kaibigang kasama sa pamamasyal. Namataan ko ang isang sorbetero at natukso ang aking katawan na bumili ng malamig na tinda niya pangontra sa init.
Tumblr media
( Nag-aasikaso ng mga kostumer niya si kuya Choy habang inaaruga ni ate Julie ang kanilang anak na nakikisali sa trabaho ng ama. )
Dito ko nakilala sina Kuya Choy at ate Julie, kasama ang kanilang anak sa pagtitinda. Magiliw sila sa pagtitinda sa maya-mayang pagdating ng mga kostumer dahil nasa abalang kalye sila ng Intramuros at mismong harap ng simbahan. Napag-alaman kong malayo pala ang agwat ng kanilang mga edad, kung saan 50 anyos na si kuya Choy habang kaka-36 pa lamang ni ate Julie. Naibahagi ni kuya Choy ang kanyang mga karanasan sa paghahanapbuhay simula pagkabata hanggang ngayong may kinakasama na siya.
Tumblr media
(Si Kuya Choy na magiliw na nagkukuwento ng kanyang mga naging karanasan sa akin habang inaayos ng asawang si ate Julie ang sisidlan ng kanilang mga kinita.)
"Bata pa lang ako nagtitinda na ko sa kung saan-saan. Iba't-ibang raket na yung nasubukan ko para kumita kaya talagang marami akong diskarteng nagawa na. Ngayon may kasama na ko, kayod pa rin, lalo may anak na kami", malumanay at magiliw na saad ni kuya Choy. May mga baon pa siyang biro pagkatapos ng pagbabahagi niya ng kanyang mga nakaraan sa paghahanapbuhay, hanggang sa tumagal ay lumipat sila ng pwesto kasabay na rin ng aking pamamaalam sa kanila.
Tumblr media
(Kalesa - isa sa mga tradisyunal na sasakyan-transportasyon sa Intramuros para sa pamamasyal sa iba't-ibang bahagi ng pook. )
Dala ng tiyaga sa paglalakad, nadala ako ng aking mga paa palapit sa kilalang abala ring bahagi ng Maynila - ang Quiapo. Dito ko nasaksihan ang mas nakakapanawang dami ng mga naghahanapbuhay na nakikipagsapalaran sa mainit at siksikan kalsada na iyon; na tila hindi alintana ang panganib na dala ng pandemya.
Tumblr media
Nagtaka akong napadaan sa isang mahabang pila na hindi ko alam kung saan patungo. Hanggang sa nalaman kong pila pala ito sa mga nagnanais makapasok sa punuan nang harapan ng Quiapo Church na malayo pa mula sa pila. Sa paglilibot ay tantiya kong libo-libong deboto kada Linggo ang patuloy na pumupunta rito upang manalangin sa Maykapal. Nakita ko ang samu't-saring mga nagtintinda ng mga alipores na halaw sa Kristiyanong paniniwala, hanggang sa nakaagaw ng atensyon ko ang isang tinderang tinawag ako upang bumili sa kanyang tindahan.
Tumblr media
(Si Aling Tess at ang kanyang mga panindang rebulto at ibang kagamitang may simbolo ng Kristiyanong pananampalataya. )
Sa Aling Tess Escarmosa, 63 taong gulang, at nagmamalaking deboto ng Señor Nazareno - isa sa mga pinakadinadayong santo na nakalagak sa Quiapo. Tinanong niya ko sa aking mga paniniwala paglapit ko pa lamang sa kanya, hanggang sa patuloy na siyang nagbahagi ng kanyang sariling pananampalataya.
"Ako, hindi ko na hinahangad pa na makapasok d'yan eh (sa Quiapo church). Delikado. Kasi para sa'kin, hindi na 'yon kailangan, dahil nasa puso ko ang Panginoon, at sasabayan ko ng panalangin sa Kaniya. Pwede ka naman manalangin sa kahit saan, kahit anong oras, at sapat na iyon sa aking pananampalataya sa Kaniya", masayang pagbabahagi ni Aling Tess.
Tumblr media
(Iniaayos ni Aling Tess ang mga rebultong tinda niya pagkatapos ng pagbili ng isang maliit na rebulto sa kaniya ng isang turista sa lugar)
Inilako niya sa akin ang mga rebultong tinda niya, sabay pagmamalaking napagtapos niya ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng hanapbuhay na ito. Kaya naman malaki ang pagpapasalamat niya sa Diyos sa paggabay niya at sa kaniyang pamilya. Dahil sa hindi ko naman kayang bumili ng rebultong medyo may kamahalan, binili ko na lamang ang isa sa mga polseras na may krus na itinitinda niya sa halagang P20. Nagpasalamat siya hindi lamang sa pagbili, kundi pati sa mayasing kwentuhan. Napagpasiyahan ko na ring magpaalam pagtapos noon maging ang tuluyang pag-uwi dala ng pagod.
Umuwi akong dala-dala ang mga kwento ng pagsubok, pag-angat, at tagumpay ng mga maliliit na naghahanapbuhay na nakita, nakasalamuha, at nakakwentuhan ko sa kalakhang Maynila. Patuloy kong paghuhugutan ng inspirasyon ang mga kwentong ito. Masasabi kong isang tagumpay ang aking Maynila-kbay.
1 note · View note