Tumgik
witheredhues · 8 months
Text
An Open Letter to Save Our Local Heritage
Tumblr media
Matagal ko nang alam ang mga balita ukol sa mga petisyon na iligtas at pag-ingatan ang legasiyang iniwan ng nakaraan. Subalit sa katigasan ng puso, sumulyap lamang ako at nagpatuloy na parang bingi sa hinagpis nilang humihingi ng saklolo at bulag sa sumasalubong na trahedya. Masyado akong naging abalang mabuhay sa punto na aking nakaligtaan ang importansiya ng kakilanlang nagbibigay karakter at lakas nang loob, nagbubuklod, at kumokonekta sa akin sa lipunan at mundong aking kinabibilangan - siyang mismong tulay sa progreso at tagumpay na nais kong kamtin.
Ngayong nasaksihan ko ang kabiguan, isang sampal sa aking mithiin at pagkatao ang kapabayaan. Maalikabok, umiiyak sa pamamagitan ng malulutong na langitngit, at nilulunod ng lumot at karupukang hatid ng paglipas ng panahon - ang mga gusaling gaya nito ay patunay sa unti-unting pagkalas sa pising nagkakabit sa ating kasarinlan. Hindi nga sila nagkamali, ang pagtangis ay maaaring singlakas ng dumadagundong na kulog pagkatapos ng kidlat o singtahimik ng atake sa puso sa gabi - parehong nakasisindak at kasuklam-suklam. Kaya hangga’t maaari, habang ako - tayo - ay may kakayahan, tapusin na natin ang kalapastanganang ito.
Huli na bang mapagtantong ang pagtalikod sa pagsaludo sa nakaraan at mga pamana nito ay nangangahulugang pagsunog sa sariling tahanan? Nais ba nating mawalan ng mauuwian dahil sa pang-unawang mababaw at pagpapahalagang kulang? Pumapayag ba tayong buwagin ang pundasyon at bunuting tila ligaw na damo ang pakiusap na kaligtasan ng kasaysayan sapagkat hindi natin nakadaupang-palad ang mga nagwika’t humiling? Sagot ko’y hindi.
Hihintayin ko ang iyong tugon - ang lagda sa mga petisyon, ang boses na umaalingawngaw, at ang lakad-protesta. Magtagpo sana tayo at sabay na manindigan.
Maghihintay,
K.
5 notes · View notes