Tumgik
norinefabella · 5 years
Text
Repleksyon sa dokumentaryong "Misedukasyon"
Pangarap ng bawat magulang na makitang makapagtapos ang kanilang mga anak. Malaking karangalan para sa kanila kapag nakita na nila ang kanilang mga anak na nakatoga ngunit alam naman natin na hindi nagtatapos sa graduation ang pagharap sa mga hamon ng buhay. Maraming kahaharaping pagsubok paglabas natin sa iskwelahan ngunit ito ang siyang tunay na huhubog sa ating pagkatao.
Ang edukasyon ay ipinakilala sa atin ng mga Amerikano. Ito ang ginawa nilang paraan upang lubos na masakop tayo at nakikita naman natin sa kasalukuyan kung gaano ang impluwensya ng mga kano sa atin. Nandoon pa rin tayo sa kaisipang mas mataas ang mga puti kaysa kayumanggi. Mas tinatangkilik natin magpahanggang ngayon ang mga produktong "isteytsayd". Naniniwala tayo na mas matibay ang mga ito kaysa sa gawa mismo ng mga kababayan natin. Ang mga Amerikano rin ang nagpakilala ng wikang Ingles. Sa mga paaralan mas pinahahalagahan ang pag-aaral nito upang ihanda tayo sa pagpapaalipin sa mga dayuhang bansa. Nakakalungkot ding isipin na ang Ingles din ay naging batayan ng katalinuhan ng isang tao. Mas binibigayang pansin o mas pinaniniwalaan ang isang opinyon kung ito ay binigkas sa Ingles. Ang tingin kasi natin ay mas napag-isipan ng mabuti ng nagsasalita ang kanyang dayalogo kung ito ay binigkas niya sa Ingles. Nawala man ang mga Amerikano ngunit iniwan naman nila sa atin ang kanilabg mga kaisipan na patuloy na nagkukulong sa atin sa kanila.
Isa pa rin sa mga problemang napuna ko ay ang mas pagpapahalaga sa mga pribadong iskwelahan. Piling mga tao lamang ang may kakayahang makapagbayad ng mahal upang makakamit ng dekalidad na edukasyon. Tunay nga namang napagkakaitan ang mga aba sa ating lipunan. Mas pinapaburan pa ng mga ibang kompanya ang pangalan ng iskwelahan kaysa sa mismong tao na nag-aapply. Pinaprayoridad ang galing sa mga pribadong paaralan kaysa sa talinong taglay ng isang aplikante. Nakakalungkot isipin na kahit na sabihing libre na ang ating pag-aaral ay naghihirap pa rin tayo dahil sa kulang kulang na pasilidad ng mga pampublikong paaralan. Ang budget sana para sa kagamitan ng paaralan ay napupunta na lamang sa pagpapagawa nito.
Lagi nating naririnig na ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan ngunit paano nila mahaharap ang kinabukasan kung ngayon pa lamang ay hirap na sila. May kasiguraduhan pa ba sa kinabukasan ng isang kabataan? Nag-aaral ba tayo para sa ating bansa? O nag-aaral tayo para sa mga dayuhan?
May pag-asa pa ang Pilipinas. Ang edukasyon ay dapat na ginagamit upang wakasan ang kahirapan at hindi ang lalo tayong ibaon dito. Matuto sana tayong manindigan para ating mga karapatan at hindi na lamang laging nakatago sa anino ng mga dayuhan.  Malaki man ang naiambag nila sa kung ano tayo ngayon bilang isang bansa, sana magtapos na lang yun hanggang doon at tayo na ang dapat gumawa ng magiging kapalaran na ating bansa.
2 notes · View notes
norinefabella · 5 years
Text
Pananaw sa akdang "The Social Movements and the Current National Political Scene" ni: Antonio Tujan Jr.
"Edukasyon! Edukasyon! Karapatan ng mamamayan! Karapatan ng mamamayan! Edukasyon! Edukasyon!" Ito yung linyang madalas kong marinig sa loob ng sintang paaralan. Sigaw ng mga kapwa ko iskolar ng bayan na lumalaban para sa aming kapakanan.
Aktibista. Ito yung karaniwang tingin ng mga tao sa mga estudyanteng nag-aaral sa mga State Universities gaya na lamang ng PUP. Imbis na mag-aral ay puro rally na lamang daw ang alam naming gawin. Kinakalaban daw namin ang gobyernong nagpapaaral sa amin. Hindi gobyerno ang nagpapaaral sa amin kung hindi ang taong bayan at kaya lumalaban ang mga iskolar ng bayan ay para sa kapakanan ng mga mamamayang walang boses sa lipunan. Sa kanila kami dapat maglingkod at hindi sa gobyernong korap na hindi na nagbago lumipas man ang panahon. May mali kaya tayo lumalaban.
Noon pa man, marami ng mga isyung panlipunan ang kinakaharap ang ating bansa. At ang laging nagigipit ay ang mga taong kasapi ng uring anakpawis. Mga taong mas pipiliin na lamang na manahimik sapagkat mas problema pa nila ang kakainin nila sa araw araw kaysa sa lumaban at isakripisyo ang araw ng kanilang pagtatrabaho. Ang sakit isipin na may mga taong nagtatrabaho ng marangal pero ni hindi man lang nila maranasan ang kaginhawaan na natatamasa ng mga taong kanilang pinagsisilbihan. Sila ang nagtatanim ngunit iba ang kumakain.
Sa araw araw na pagpasok ko sa sintang paaralan, nasanay na rin ako sa ingay na ginagawa ng mga grupo ng mga aktibista na gustong kalampagin ang katahimikan ng mga naghaharing uri. Itong mga kilusang panlipunan na ito ang dahilan kung bakit mas marami tayong karapatan na natatamasa sa ngayon. Sila ang dahilan kung bakit hindi tayo lubos na napapasailalim ng maling sistema. Sinasakripisyo nila ang kanilang mga buhay para sa kapakanan ng mga taong walang ginawa kung hindi maliitin sila. Hindi man binibigyang halaga ang mga ginagawa nila para sa bayan ay patuloy pa rin silang lalaban sapagkat naniniwala sila na may pag-asa pa rin ang ating bayan. Hanggat may nakikita silang butas, hindi sila titigil makumpuni lamang ito.
Inaamin ko na noon isa ako sa mga taong hindi maintindihan kung ano ang mga ipinaglalaban nila. Bakit ba sila nagrarally? Bakit laging sa Mendiola? Ngayon laking pasasalamat ko na sa PUP ko napiling mag-aral. Ipinaintindi nito sa akin ang mga bagay na hindi basta basta matututuhan sa ibang iskwelahan. Mga aral nagbukas sa aking kamalayan. Tinuruan ako nitong magmalasakit sa aking kapwa at magkaroon ng sariling opinyon batay sa isang isyu. Dito ko ipapasok ang transformative education na isinulat din ni G. Antonio Tujan Jr. Konektado ang dalawa sapagkat kung ang isang indibidwal ay nakakamit ng transformative education ay mas malawak ang kanilang pag-iintindi sa mundo at ramdam nila ang sakit at hirap ng mga taong pinagkaitan ng mga karapatan at dito nabuo ang social movement o mga kilusang panlipunan.
Ang mga kilusang panlipunang ito ang nagsisilbing boses ng mga api. Nais nilang mapakinggan ang kanilang mga hinaing at makita ang kanilang mga paghihirap. Ang mga kilusang ito ay may layuning sugpuin ang mga bagay na patuloy na nagpapahirap sa atin. Kung hindi man natin kayang intindihin ang kanilang mga ipinaglalaban, sana ay matuto man lang tayong respetuhin sila bilang kapwa nating Pilipino na wala namang gusto kung hindi tunay na lumaya ang Pilipinas sa kamay ng mga naghaharing uri.
0 notes
norinefabella · 5 years
Text
Pagmumuni-muni sa "Transformative Education" ni: Antonio Tujan, Jr.
Bata pa lamang mulat na ako na ang edukasyon ang tanging susi sa pagkamit ng aking mga pangarap. Ito ang gagawa ng daan patungo sa aking tagumpay kaya naman hindi ko rin masisisi ang aking mga magulang kung paano na lang nila igapang ang pag-aaral namin ng aking kapatid. Naniniwala sila na ang edukasyon ang magbibigay ng magandang buhay at karera sa akin. Ganoon din ang paniniwala ko habang ako ay lumalaki ngunit sa paglipas ng panahon, sa dami ng mga nangyari, sa pagpasok ko sa sintang paaralan, nabago ang aking mga pananaw.
Nagsimula akong pumasok sa PUP noong senior high school. Wala ang sintang paaralan sa mga iskwelahan na pinagpilian kong pasukan ngunit siguro nga kapag nakatakda na ang isang bagay, mangyayari at mangyayari talaga. Pumasok ako sa PUP na walang ibang dala kung hindi ang sarili ko pero lumabas ako na punong puno ng kaalaman ang isip ko. Mga propesor ko sa Filipino ang lagi kong inaabangan kapag pumapasok ako. Sila kasi yung mga tipo ng guro na hindi base sa mga libro ang ibinabahagi sa amin. Totoong buhay. Totoong pangyayari. Mga pangyayaring nagaganap sa paligid natin pero hindi natin pinapakialaman kasi akala natin hindi naman tayo apektado. Sa araw araw na pagpasok ko sa sintang paaralan, hindi ko namamalayan na unti-unti pala nitong hinuhubog ang pagkatao ko. Nagkakaroon na ako pakialam sa iba. Nakikita ko na ang mga mali sa sistema at naiintindihan ko na kung bakit kailangang lumaban ng mga kapwa ko iskolar ng bayan. Ito yung edukasyon na dapat taglayin ng lahat. Edukasyong mapagpalaya. Edukasyong hindi limitado. Edukasyong hindi nakukulong sa apat na sulok ng silid-aralan. Ito ay ang Transformative Education.
Aminin man natin o hindi, ang sistema ng edukasyon sa ating bansa ay atrasado. Bulok na pero patuloy pa rin na ginagamit sapagkat ito ang nakasanayan na. Walang pagbabago. Kung paano natuto ang mga henerasyong nauna sa'yo, ganoon rin ang paraan ng pagkatuto mo. Noon hindi ko kinukwestiyon ang mga ganitong bagay kasi akala ko nga normal ito. Cycle kumbaga. Paulit ulit. Ginagamit ang edukasyon upang makapagproduce ng mga bagong Pilipinong magpapaalipin sa mga dayuhang bansa at iskwelahan mismo ang humuhubog sa atin na maging alipin. Kailan ba masasabing tama ang edukasyon?
Tama ang edukasyon kung nagagamit ito upang mabuksan ang kamalayan ng mga kabataan sa isyung panlipunan na kinakaharap ng ating bayan. Magiging tama ang edukasyon kung natututo ang isang indibidwal na mag-analisa ng mga sitwasyon at nakakapag-isip ng tamang solusyon sa problemang inilatag sa kanya. Magiging tama ang edukasyon kung pagtutulungan itong ituwid ng mga institusyon, mga guro at ng curriculum. Mga institusyong may mga guro na alam ang kapasidad nila hindi lamang kung paano sisimulang baguhin ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas kung hindi paano nila huhubugin ang kamalayan ng kanilang mga estudyante at kung paano nila matuturuan ang mga ito na maging produktibong mamamayan na patuloy na ipaglalaban ang ating bansang Pilipinas. Ang tatlong ito ang may pinakamalaking ambag sa pasulong na pagbabago ng edukasyon.
Mahalaga ang edukasyon sa buhay nating mga Pilipino ngunit nawawalan ng saysay ang halaga nito kung ito ay hindi nagagamit ng wasto. Hubugin sana natin ang kamalayang natutuhan natin upang sa gayon ay maging mas malinaw ang tutunguhin landas ng ating bansang Pilipinas.
0 notes
norinefabella · 5 years
Text
Opinyon sa "Literatura ng Uring Anakpawis" ni: Rogelio L. Ordonez
Pagsulat. Ito ang naging sandata noon ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Gamit ang papel at panulat, ibinunyag niya ang kalapastanganang nararanasan nating mga Pilipino noon laban sa mga mapang-aping mga prayle. Ang kanyang mga isinulat ay naging daan upang mabuksan ang kamalayan ng mga Pilipino na lumaban sa mga maling patakaran at sa pagpapahirap ng mga Espanyol. Namatay man siya ng maaga ngunit hindi nito napigilan ang pag-aalab ng damdamin ng mga Pilipino na labanan ang maling sistemang pinapairal. Ang maling sistemang magpahanggang ngayon ay umiiral. Nagbago man ang namumuno ngunit hindi ang hirap na patuloy na nararanasan nating mga Pilipino lalo na ng mga uring anakpawis.
Mahirap maging mahirap. Mahirap mapagkaitan ng karapatan. Mahirap kumawala sa kulungang pinagsadlakan sa atin ng mga taong may kapangyarihan. Mahirap lumaban kung alam mong sa huli ay wala kang laban. Mahirap makamtan ang kalayaan. Mahirap makamit ang katarungan. Mahirap sapagkat tayo ay mahirap. Ngunit hahayaan ba nating ang kahirapan ang humadlang sa ating inaasam asam na kaginhawaan? Patuloy ba tayong magbubulag bulagan at magbibingi bingihan? Kontento na ba tayo na palaging api at inaapakan ng mga naghaharing uri sa ating bayan? Dahil sa mga karanasang ito, maraming mga manunulat ang namulat at nag-umpisang gumawa ng paraan upang tayo ay matulungang umahon sa balong pinaghulugan sa atin ng lipunang akala natin ay sasagip sa atin.
Sa pamamagitan ng mga tula, sanaysay, nobela, dula at iba pang uri ng literatura, ipinakita sa atin ng mga manunulat na nagmula sa uring anakpawis ang kabusabusabos na kalagayan ng ating bansa. Patuloy tayo na inaalipin ng mga mapribilehiyo't makapangyarihang mga tao sa ating lipunan. Binubulag tayo sa kanilang mga proyektong tanging sila lamang ang kumikita at yumayaman. Buhay tayo pero mistulang mga robot na gumagalaw base sa kanilang pagkokontrol. Hindi nakakamit ang hustisyang nararapat lamang sa atin sapagkat ang kalaban ay kayang bilhin maski na ang ating mga karapatan. Saan tayo lulugar sa isang bayan na tanging naghaharing uri lamang ang binibigyang halaga? Dapat na tayong magkaisa at tuluyang wakasan ang sistemang matagal ng nagpapahirap sa atin.
Ito ang mensaheng gustong ipahatid sa atin ng mga manunulat ng uring anakpawis. Ang kanilang mga akda ay hindi para lamang mabuksan ang ating mga kaisipan kung hindi para tayo ay hikayatin na lumaban. Lumaban sa mga kapitalismo. Lumaban sa mga korporasyong nagbaon sa atin sa kahirapan. Lumaban para makamit ang mga karapatang dapat ay tinatamasa natin. Hindi dapat huminto sa pagdikit ng tinta ng bolpen sa papel ang laban natin tungo sa kalayaan. Matuto tayong magpumiglas sa higpit ng kapit nila sa atin. Patuloy nating hanapin ang susi na bubukas sa kandadong kinalawang na sa tagal nitong nakakabit sa atin. Sa dami ng mga taong naghihirap sa ating bansa, hindi imposible ang pagbabago. Ang pagbabago na dapat ay magsimula sa atin.
Tayo lamang ang tunay na nakararanas ng hirap at kung hindi mapuputol sa kasalukuyang henerasyon ang bulok na sistemang ito, kailan pa ang tamang panahon? Kailan tayo magkakaisa at haharapin ang reyalidad? Hihintayin pa ba nating ipamana sa ating mga magiging mga anak ang laban na dapat ay tapos na? Pag-unlad ang hangad nating lahat at makakamit lamang ito kung tutulong tayong masupil ang mga naghaharing uri na matagal ng bumubusabos sa atin.
0 notes
norinefabella · 5 years
Text
Kaisipan tungkol sa "Ang Kabastusan ng mga Filipino" ni: Isagani R. Cruz
Lahat ng tao ay may kanya-kanyang papel sa ating lipunan. Ang mga babae ay inaasahang magsilang ng mga sanggol na siyang bubuhay sa susunod na henerasyon. Ang mga lalaki naman ay inaasahang magtustos sa mga pangangailangan ng pamilya. Ngunit sino nga ba ang lumikha ng papel na ito? Maaari kaya nating mapunit ang papel na bumalot na sa ating mga sistema?
Babae ako. Hindi ako babae lang. Babae ako na may mahalagang tungkulin sa lipunan. Babae ako na kayang pumantay sa kayang gawin ng mga kalalakihan. Babae ako na hindi na muling papayag na matanggalan ng mga karapatan na tanging lalaki lamang noon ang nakatatamasa. Babae ako na may boses na dapat mapakinggan. Babae ako at malaya ako.
"Women’s suffrage is about feminism, but feminism is about fairness. Suffrage is not simply about the right to vote, but also about what that represents: the basic and fundamental human right of being able to participate in the choices for your future and that of your community.” Bahagi ito ng talumpati na binitawan ng Duchess ng Sussex na si Meghan Markle sa New Zealand. Humanga nga siya dahil ito ang unang bansa na nagbigay ng karapatan sa mga kababaihan na makaboto at makapagdesisyon sa kung sinong karapatdapat na mahalal sa pwesto. Naging hakbang din ito upang magkaroon ng lakas ng loob ang mga babae noon na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at hindi na muling magpakontrol sa lipunang kanilang ginagalawan.
Matagal na panahon ng nakikipaglaban ang mga babae sa pagkakaroon ng pantay na karapatan gaya ng natatamasa ng mga kalalakihan. Noon pa man ay umiiral na ang seksismo. Ito yung mababang pagtingin ng tao sa kasalungat niyang kasarian. Ang mga babae noon ay tinitingnan lamang bilang maybahay. Maglinis, maglaba, magluto, mag-alaga ng mga anak at magsilbi sa kanyang asawa ang tanging tingin ng lipunan na dapat lamang gawin ng isang babae. Bukod sa walang karapatang bumoto, napagkaitan din sila ng karapatang makapag-aral at magkaroon ng boses na ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Wala rin silang karapatang magtrabaho at tumustos sa pangangailangan ng pamilya dahil ang tungkuling ito ay nakaatang na sa balikat ng mga kalalakihan. Napakahirap sumalungat sa paniniwalang pinagtibay na ng panahon ngunit hindi ito naging hadlang upang makamtan nating mga babae ang kalayaang natatamasa na natin ngayon.
Unti-unti na tayong kumakawala sa sistemang patriyarkal. Sistemang patriyarkal na kinagisnan na nating mga Pilipino. Sistema na nagsasabi na ang pamumuno ay para lamang sa mga lalaki at nagkakaroon ng kaisipang panglalaki. Masyadong mataas na pagtingin sa katayuan ng isang lalaki sa lipunan na nagiging sanhi upang tingnan natin sila bilang isang halimbawa at sinusundan ang mga yapak nila. Umaalpas na tayo sa mapagkulong na bisig nito. Lumalaya na tayo sa diskriminasyong dinala nito sa atin.
Tayo na ang mga makabagong Pilipina. Bumuo na tayo ng pangalan sa ating lipunan. Hindi na tayo basta na lamang asawa o anak. Guro, doktor, inhinyero, sundalo, may paglalagyan na tayo sa ating bansa. Hindi na tayo basta babae lang na mananahimik sa isang tabi at maghihintay ng ating mga kapalaran. Tayo na mismo ang gagawa ng daan patungo sa pagbabago. Hindi na tayo muling pasisiil sa sistema. Sasalungat na kung kinakailangan. Walang takot na na lalaban. Suportahan ang peminismo dahil ito ang lubos na makakapagbibigay ng ganap na kalayaan sa ating mga kababaihan.
1 note · View note
norinefabella · 5 years
Text
Pananaw sa akdang "Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang "Idolo": Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino" ni: Nicanor G. Tiongson
Ang mundo ay isang malaking entablado. Ikaw ang bida at gagawa ng sarili mong kwento. Maraming pwedeng mangyari sa istorya mo ngunit hindi nito mapipigilan ang pagdating ng sukdulan ng kwento maging ang katapusan nito. Ang katapusan na maaaring magdulot ng kasiyahan o kalungkutan sa mga manonood na sumubaybay sa kwento mo.
Ganito ko gustong simulan ang sulatin na ito. Inihambing ko ang mundo sa isang entablado sapagkat nais kong pukawin ang atensyon ninyo. Gaya ng pagpukaw ng pelikula sa atensyon nating mga Pilipino.
Noon pa man mahilig na tayo sa mga bagay na nakapagpapasaya o nagbibigay ng aliw sa atin. Aliw na pansamantalang pumapawi sa ating kalungkutan at problemang kinakaharap sa araw-araw. Hilig natin ang magliwaliw at ang isa sa mga bagay na gustong-gusto nating gawin ay ang panonood ng mga pelikula. Drama, komedya, horror o kahit ano pa, patok sa atin yan. Lokal o internasyonal, pinipilihan at pinagkakagastusan. Ganito tayo kahumaling sa mga pelikula na hindi natin napapansin ang epekto nito sa atin. Hindi natin nararamdaman kung paanong para itong lason na unti-unting kumakalat at pumapatay sa atin. Pumapatay sa ating mga kaisipan at paniniwala. Ang alam naman nating mali ay nagiging tama. Mga negatibong kaisipan na itinarak sa atin ng mga nanakop sa atin.
Maganda ang maputi. Isang basehan ng kagandahan noon pa man ay ang pagiging maputi na resulta ng mga pagtatanghal na ang tanging mga bumibida ay ang mga mapuputi. Kutis labanos nga kung tawagin. Nadala natin ang kaisipang ito magpa-hanggang ngayon kaya naman humaling na humaling ngayon ang mga kababaihan sa mga produktong pampaputi na iniendorso ng mga iniidolo nating mga artista na siya ring mga bumibida sa mga pelikulang pinanonood natin. Mga artistang nagtanim ng insekyuridad sa atin nang hindi natin nalalaman. Insekyuridad na pumipigil sa atin na maging bida sa sarili nating kwento. Nagiging maliit ang tingin natin sa mga taong may hindi kaputian o kaya naman ay kayumanggi ang balat kaya pilit nating inaabot ang kulay na hindi naman natural sa atin. Hindi man direktang sinasabi ngunit mahihinuha natin na may diskriminasyong nagaganap.
Masaya ang may palabas. Iyakan, tawanan, takutan at kung anu-ano pang mga emosyon ang pinararamdam sa atin ng mga palabas. Iiyak tayo kapag inaapi na ang bidang babae ng kanyang madrasta. Tatawa tayo kapag nagbitaw na ng nakakatawang linya ang komedyanteng bida. Matatakot tayo kapag bumalik mula sa kabilang-buhay ang taong nais maghiganti sa pumatay sa kanya. Mga takbo ng istorya na paulit-ulit na lamang nating napapanood pero hindi pa rin natin matigilang hindi panuorin. Mga istoryang mahihinuha mo na ang kasunod na mangyayari ngunit susubaybay ka pa rin. Hindi naman masamang mahumaling sa mga palabas sapagkat nakakaaliw naman talaga ang mga ito ngunit sana hindi natin ito gamitin upang takasan ang kasalukuyan at alam pa rin sana natin kung ano ang realidad sa kathang-isip lamang.
Mabuti ang inaapi. Hindi kailanman magtatagumpay ang kasamaan sa kabutihan. Kasabihang nakuha ko sa panonood ko ng mga pelikula. Anumang sama ng antagonista sa palabas, kailanma'y hindi niya matatalo ang protagonista sapagka't ganoon na nakasistema ang mga palabas. Ang bida ay lalaking apiapihan ngunit hindi ito kailanman lalaban at ang katapusan ay mapapaamo niya ang antagonista dahil sa kanyang angking kabutihan. Sa panonood ng mga ganitong klaseng palabas tayo nakakakuha ng mga ideya na huwag lumaban kahit tayo na ay natatapakan at dapat na manaig pa rin sa atin ang pagpapatawad. Ang tingin natin ay okey lang pahirapan tayo sapagkat sa dulo ay ginhawa naman ang ating mararating. Kasinungalingan isinaksak sa atin ng mga pagtatanghal. Hindi tayo natutong magtanong kung bakit tayo mahirap bagkus ay tanggap lamang tayo ng tanggap. Wari ay kuntento na tayo sa pagiging mahirap at pinanghahawakan lamang natin ay ang ginhawang binuo lamang natin sa ating mga kaisipan. Maganda man ang maging mabuti ngunit sana alam natin ang limitasyon natin.
Maganda pa ang daigdig. Sinasalamin ng mga pelikula kung paano natin tingnan ang mundo sa ngayon. Sa pagkahumaling natin sa mga palabas na ito ay nagpaghahalo na natin ang realidad sa kathang-isip lamang, ang totoo sa hindi. Binubulag tayo nito sa tunay na kalagayan ng lipunang ginagalawan natin. Ipinapakita lamang nito ang nais na makita ng mata. Patuloy lamang tayong nagpapadala sa agos ng buhay at hindi natin sinusuri ang tunay na kalagayan nito. Gaanoman kaganda ang isang palabas, mayroon at mayroon pa rin itong kapintasan at lalabas at lalabas ang baho nito kahit ano pang pagtatakip ang gawin natin.
Napakalaki ng impluwensiya ng pelikula sa kung paano tayo umaakto sa lipunang ginagalawan natin ngayon. Mas kaaya-aya siguro kung ang mga pelikulang tinatampok sa mga sinehan ay nagpapakita ng tunay na kalagayan ng ating bansa nang sa gayon ay hindi masayang ang daan-daang perang winawaldas natin sa panunuod ng mga pelikula at sa halip ay makakatulong pa ito upang mabuksan ang ating mga isipan na matagal nang pilit sinasarado ng kolonyang may hawak sa atin.
0 notes
norinefabella · 5 years
Text
Opinyon sa "Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet" ni: U Z. Eliserio
"The only constant in life is change." Sinabi ito ng isang philosopher na si Heraclitus. Lahat ng bagay ay nagbabago. Anumang pilit ang gawin natin ay hindi na mananatili ang mga bagay na nakasanayan na natin. May mga taong aalis sa buhay mo at may mga bagong taong darating at wala kang pagpipiliian kung hindi tanggapin na lamang ang mga pagbabagong ito.
Noong bata ako may naging kaibigan ako na nagngangalang "Chuchay". Kasabay ko siyang lumaki at ang bahay nila ay malapit lamang sa amin kaya naman naging matalik kaming magkaibigan. Lahat ng nangyayari sa akin sa iskwela pati na kapag pinapagalitan ako ng aking ina ay kinukwento ko sa kanya. Siya ang aking naging "human diary". Lahat ng sikretong pinakatatago ko ay alam niya at ganoon din naman siya sa akin. Halos araw-araw kaming magkasama. Pagkauwi pa lang galing sa iskwela sa kanila na ako dumideretso para makipaglaro at magkwento ng mga bagay na kung anu-ano lang. Ganoon nga siguro kapag bata pa, mas mahalaga ang kung ano ang mayroon sa ngayon at hindi gaanong iniisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap kaya siguro hindi ko rin napaghandaan noong lumipat sila ng bahay at hindi na muling nakita pa siya. Ang "human diary" ko ay nawala na. Kanino ko na sasabihin na may bago akong laruan? Sino na ang sasabihan ko kapag inasar na naman ako ng bwisit kong kaklase? Sino na ang magtatago ng mga sikreto ko? Ito ang mga naisulat ko sa diary ko noon. Hindi ko na namalayan na yung dating simpleng kwaderno lamang na sinusulatan ko ng mga gusto kong sabihin kay Chuchay ay naging diary ko na pala. Gamit lamang ang papel at panulat ay napalitan ang pangungulila ko sa aking kaibigan. Na hindi pala sa lahat ng pagkakataon kailangang maisatinig ang mga nararamdaman para mapakinggan.
Noon pa man ang mga tao ay may kanya-kanya ng paraan upang mailabas ang kanilang mga nararamdaman. Maaring ito'y masaya, malungkot, nakakakilig o kaya nama'y nakakatakot. Kung isa kang taong parang isang bukas na aklat sa iba, mas komportable kang magsabi ng iyong nararamdaman sa ibang tao nang walang halong takot o ano naman pa man. Malaya mong naipapahahatid ang iyong mga opinyon. Ngunit hindi lahat ng tao ay ganoon. Ang iba, kung hindi nahihiya'y natatakot naman na masabihan ng mga masasakit na salita kaya imbes na magsalita ay nananahimik na lamang at kinikimkim ang nilalaman ng kanilang mga isip. Sa pagsusulat sila nakahanap ng kakampi na maaaring isatinig ang hindi nila kayang bigkasin sa harap ng tao.
Sa paglipas ng panahon, sa pagbabago ng mundo, kasabay nitong nabago ang perspektibo ng mga tao. Kung noon ay tila mga takot na daga na nagtatago, ngayon ay hayagang naipahahayag na ang kanilang mga sarili at ito ay sa pamamagitan ng isang blog. Ang blog ay isang makabagong talaarawan na pwedeng maaccess ng lahat ng gumagamit ng internet. Ang dating ginugugulan ng mahabang oras sa pagsusulat sa isang simpleng kwaderno ay maaring matipa na sa iilang minuto. Ang dating pribado, ngayon ay naisasapubliko na. Ang dating ikaw lang ang nakakabasa, pinagpipiyestahan na ng lahat. Pwede itong magamit ng lahat pero piling tao lamang ang may lakas ng loob na iladlad ng buo ang kanilang pagkatao. Kung isa kang pribadong tao, hindi ito para sa'yo.
Facebook ang isa sa mga midyum na ginagamit ng mga tao ngayon upang maging kanilang talaarawan. Mula sa pinakasimpleng post gaya pagkagising sa umaga, OOTD (Outfit of the Day) hanggang sa isyung panlipunan na nangyayari sa ating bansa. Karaniwang ganito ang mga nababasa natin sa mga "friends" natin sa Facebook o kahit saang social media sites. At nakakalungkot lamang ding isipin na mas may panahon ang mga tao sa ngayon na gamitin ang kanilang kaalaman sa teknolohiya sa mga bagay na wala namang kwenta kaysa pagtuonan ng pansin ang mga bagay na dapat talagang bigyang pansin gaya na lamang ng mga magsasakang napagkakaitan ng kanilang mga karapatan, mga jeepney drivers na lalong binabaon sa kahirapan ng ating gobyerno o kaya naman ang patuloy na pagrepress sa mga kabataang iskolar ng bayan.
Mas magiging makabuluhan sana ang pagsusulat sa isang blog kung ito ay nagiging daan upang mabigyang kaalaman ang mga taong patuloy na nagpapabulag sa mga taong walang ibang inihatid sa atin kung hindi paghihirap. Kung ang lahat lang sana ay may malalim na pag-iintindi sa mga nangyayari sa atin bansa, hindi sana tayong mga taong pinapahirapan ang nag-aaway away para sa mga mapang-aping uri at mas magiging malinaw sana ang hinaharap para sa ating bansa. Kung ang mga blogs na nagsusulputan sa ngayon ay magagamit sa tama, mas maraming mga tao ang magiging edukado pagdating sa mga isyung panlipunan na kinakaharap ng ating bansa.
0 notes
norinefabella · 5 years
Text
Reaksyon sa akdang "Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng  Kapangyarihan" ni: Conrado de Quiros
Filipino. Walong letra, isang salita. Maikli man kung babasahin ngunit ito ang sumasalamin sa atin.
Bata pa lamang ako Filipino na ang kinamulatan kong wika. Ito ang paraan namin ng pakikipagkomunikasyon sa aming pamilya. Mas nagkakaroon kasi ng pagkakaintindihan kung malinaw na naipahahayag ang saloobin ng bawat isa at ang pagkakaroon ng wika ang isang mabisang paraan ng pagkakaroon ng matiwasay na samahan ng isang pamilya. Mas maayos ang magiging daloy ng usapan kung iisang wika lamang ang gagamitin. May pag-unlad na magaganap sapagkat may pagkakaisa at pagkakaintindihan. Uulitin ko, bata pa lamang ako may umiiral na na wika sa ating bansa at ito ay ang Filipino ngunit bakit patuloy na isinisiksik sa atin ang iba pang mga wika na gusto nilang matutuhan natin? Hindi pa ba sapat ang wikang mayroon tayo at kailangan pa nating mag-aral ng ibang wika upang masabi lamang na may pag-unlad na nangyayari?
Simula nang dumating ang mga Amerikano ay namulat tayo sa wikang Ingles. Ito ang isa sa mga pinamana nila sa atin at isa ring naging kasangkapan nila kung bakit hindi natin naramdaman ang unti-unti nilang pananakop sa atin sapagkat naniwala tayo na ang pagkatuto ng wikang Ingles ay pag-unlad mo bilang isang indibidwal. Matagal nang nakaalis sa ating bansa ang mga Amerikano pero hanggang ngayon umiiral pa rin ang Ingles at nakakalungkot isipin na mas pinahahalagahan ito kaysa sa sarili nating wika. Dito pa lang makikita natin kung gaano kamakapangyarihan ng wika. Inaalipin tayo nito sa paraang hindi natin mawari.
Hindi ko rin alam kung bakit ang "big deal" sa ating mga Pilipino kung marunong bang magsalita ang isang tao ng Ingles? Bakit nagiging batayan na natin ng katalinuhan ang wikang ito? Na mas pinaniniwalaan ang isang tao kung mas naipapahayag niya sa wikang Ingles ang kanyang nais na iparating sa iba? Hindi na ba umikot ang mundo pagkatapos tayong sakupin ng mga Amerikano? Tila kasi parang hindi tayo nakaalis sa panahong sakop pa nila tayo.
Naiintindihan ko naman na kailangan nating matutong magsalita ng Ingles dahil sabi nga ni Conrado de Quiros sa kanyang sanaysay, ito ang connect natin sa mundo. Ito ang paraan ng ating pakikipagkomunikasyon at magiging gabay natin sa pag-unlad. Ngunit bakit natin iaasa sa wika sa kabuuan ang ating pag-unlad? Hindi ba't isa lamang naman itong gabay at tayo mismo ang dapat na umakto upang magkaroon ng kaunlaran? Hindi ang wika ang magsasabing uunlad tayo, tayo dapat ang maging dahilan ng pag-unlad ng ating wika. Hindi pa nga natin gaanong napapalakas ang ating kaalaman sa sarili nating wika pagkatapos sisiksikan pa ulit tayo ng panibago? Bago natin palakasin ang wika ng iba, palakasin muna natin ang sariling atin.
Hindi ako tutol sa pag-aaral ng mga bagong wika sapagkat naniniwala rin naman ako na magagamit din natin ito sa hinaharap. Ang nais ko lang ay itatak sa kukote ng mga kapwa ko Pilipino na hindi nagtatapos sa Ingles o sa kahit na anong wika ang kaalaman ng isang tao. Ang taong tunay na matalino ay may kritikal na pag-iisip at marunong sumalungat sa kung anong mali ang nakikita niya sa lipunan at hindi yung tanggap ng tanggap lang.
1 note · View note
norinefabella · 5 years
Text
Opinyon sa "Edukayon Para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita" ni: Bienvenido Lumbera
"Edukasyon lamang ang maipamamana namin sa'yo." Ito yung linyang madalas kong marinig sa mga magulang na kapos sa buhay na pinipilit na pag-aralin ang kanilang mga anak. Ang tingin nila sa edukasyon ay isang susi sa pag-unlad ng kanilang mga buhay. Daan patungo sa tagumpay. Hirap man sa paglaban sa buhay pero kung may edukasyon kang taglay ito ang magiging armas mo upang lumaban. Lumaban laban sa mga mapang-aping uri sa ating lipunan. Ngunit ginagamit nga ba natin ang edukasyon upang masupil ang mga mapang-aping uri o nag-aaral tayo upang sumunod sa yapak nila?
Noon pa man, bago tayo masakop ng mga mapang-abusong mga bansa, ay pinahahalagahan na natin ang edukasyon. Hindi man ito pormal na edukasyon pero mayroon tayong sariling paraan ng pagkatuto. Mas nabigyang importansya lamang ito nang dumating ang mga Amerikano na kung saan ipinakilala sa atin ang kanilang wika na Ingles. Simula noon ang edukasyon ay nagkaroon na nang napakalaking impluwensya sa buhay ng bawat Pilipino. Tila tinuring natin itong natatanging yaman na kailanman ay hindi mananakaw sa atin.
Ngunit nakakalungkot lamang ding isipin na imbis na pag-isahin ng edukasyon ang isang bansa ay nagsanhi pa ito ng paghahati ng isang lipunan. Ang sistema ng edukasyon na umiiral sa ating bansa ay pabor lamang sa mga taong may kakayahang makapagbayad ng mahal sa mga pribadong paaralan. Mayroon silang magandang pasilidad at mataas ang antas ng edukasyong nakakamtan nila na pwedeng makipagsabayan sa edukasyon sa ibang bansa. Hindi nabibigyang importansya si Pedrong Maralita na pinipilit na gumapang upang matustusan ang pag-aaral at hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ang kaniyang pangangailangan. Kaya't hindi ko rin masisisi kung bakit mas pipiliin ng isang magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak sa mga pampribadong paaralan dahil alam nila na sigurado na ang hinaharap ng kanilang mga anak kung makapagtatapos sila isang prestihiyosong paaralan.
Ang ganitong kaisipan ay umiiral sa ating lipunan. Masyadong mataas ang tingin natin sa mga pampribadong paaralan kung kaya naman natututo na si Pedro na mag-isip gaya ng mga nasa itaas. Nag-aasal mayaman na si Pedrong Maralita. Nakalimutan na niya kung saang putik siya nanggaling. Tinapakan niya ang lahat ng mga humaharang sa kanyang dinaraanan maging ang kanyang mga kapwa maralita na dati ay kasama niya lamang na nangangarap. Natututo na siyang mangarap at makatuntong sa gintong kinasasadlakan ng mga mayayaman. Naghahangad na rin si Pedro ng kapangyarihan. Kapangyarihang mapakinggan ang kaniyang mga hinaing at pansinin ang kanyang mga adhikain. Ito na ang isa mga epekto ng pagiging edukado. Nag-iisip ka para sa ikauunlad ng sarili mo at hindi ang sa ikauunlad ng bansa mo.
Ang edukasyon ay dapat na nagbubukas sa ating mga kaisipan na lumaban laban sa mga mapang-api at hindi ang maging mapang-api. Ito ay dapat maging armas laban sa mga uring mapang-api at hindi laban kay Pedrong Maralita. Ang matalinong tao ay nag-iisip para sa ikauunlad ng lahat at hindi ang ikababagsak ng kapwa marating lamang ang itaas. Tayo dapat ay sabay-sabay na aangat dahil ang tunay na pag-unlad ay makakamit lamang kung ang bawat isa ay may pagkakaisa at hindi naghahatakan pababa.
0 notes
norinefabella · 5 years
Text
Pananaw sa akdang "Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkakaalipin" ni: Bienvenido Lumbera
Edukasyon. Isang salita na pinaniniwalaang makakapagpabago o makakapagpaunlad ng ating buhay. Salita na malaki ang epekto sa buhay ng bawat Pilipino. Tunay nga bang makakamit ang buhay na matiwasay gamit ang pagkakaroon ng edukasyon? O isa lamang itong pain upang mas lalo pa tayong malugmok sa kamay ng mga taong may mithiing tayo ay alipinin? Minumulat nga ba tayo sa reyalidad o patuloy tayong binubulag sa katotohanan?
Hindi lingid sa ating kaalaman ang pananakop sa atin ng mga banyagang bansa. Sinakop tayo ng Espanya nang mahigit tatlong daang taon at ng Amerika nang higit sa isang daang taon ngunit bakit mas malaki ang naging epekto sa atin ng mga Amerikano kaysa sa mga Espanyol? Bakit hanggang ngayon ay napakataas ng tingin nating mga Pilipino sa mga Amerikano? Marahil ito ay epekto ng edukasyong ibinigay nila sa atin. Edukasyong ginamit nila upang tayo ay lubos na masakop, na kahit na umalis na sila sa ating bansa ay patuloy pa rin natin silang nararamdaman.
Ang Pilipinas ay matagal nang nakawala sa tanikalang iginapos dito ngunit bakit parang hanggang ngayon nandoon pa rin ang sugat na iniwan nito? Nakawala nga ba tayo o niluwagan lamang ang pagkakagapos sa atin upang sa gayon ay hindi natin maramdaman na patuloy tayong inaalipin ng mga Amerikanong ang tingin natin ay tagapagligtas natin?
Sinasabi ko ito dahil ito ang nakikita ko. Maraming mga bata ngayon ang mas magaling pang magsalita ng Ingles kaysa Filipino na akala mo ay ipinanganak at lumaki sila sa ibang bansa at kapag tinanong mo sa ating wika ay hindi ka sasagutin dahil hindi ka naman nila naintindihan. Hindi ko naman din sila masisisi sapagkat bunga lamang sila ng kanilang mga magulang na marahil ay sa ganoong paraan din pinalaki o nagkaroon na lamang nang ganoong kaisipan habang sila ay lumalaki.
Maraming mga tao rin ang naniniwala na kapag magaling kang mag-Ingles ay ikauunlad mo ito at kung hindi ka marunong, mananatili ka sa lugar kung saan ka nakasadlak. Nakakatawang isipin na sa Ingles na rin binabatay ang katalinuhan ng isang tao ngunit sa kabilang banda ay nakakalungkot din. Bobo ang tingin sa'yo kapag hindi ka nakakapagsalita nito. Hindi ka nila kilala ng lubos pero minaliit ka na nila dahil sa isang rasong hindi ka nakapagsasalita ng Ingles. Isa rin ito sa batayan bago ka matanggap sa isang trabaho. Kailangang matatas kang magsalita ng Ingles bago ka nila tanggapin. Maganda man ang records mo, olats pa rin kasi nga hindi ka magaling sa Ingles.
Nasa kaisipan na nating mga Pilipino na nasa Amerika ang pag-unlad at wala rito sa Pilipinas. Nasa Amerika ang buhay na hinahangad ng lahat. Ang Amerika ang ating magiging superhero na kung tutuusin hindi naman talaga dahil sa likod ng maskara ng itinututuring nating "hero" ay nakaukit ang kagahaman at pang-aalipin nila sa atin na patuloy pa rin nating nararanasan pero patuloy rin naman tayong nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan.
Tayo nga ba ay may sarili ng pagkakilanlan o patuloy tayong nakatago sa anino ng mga taong hanggang ngayon ay kumokontrol sa atin? Malaya nga ba tayong lubos o nakagapos pa rin tayo sa tanikalang kinalawang na ng panahon sa tagal ng pagkakagapos nito sa atin? Hindi man ngayon, pero sana dumating ang panahon na ganap ng malaya ang Pilipinas sa hawlang pinagkulungan dito.
1 note · View note