Tumgik
nanupil · 5 years
Text
Blog Post #1 | Batch ‘81 x AKO
Halos apat na dekada na ang nakalipas mula noong ipinalabas ang pelikula ni Mike de Leon sa taong 1982. Ngayong 2019, muling isinabuhay ng Tanghalang Ateneo ang kontrobersyal na pelikula sa isang makapangyarihang dula na pinamunuan ni Guelan Luarca. Sinundan ng pelikulang Batch ‘81 at ng dulang AKO: Alpha Kappa Omega ang initiation ng mga karakter na sina Sid Lucero, Pacoy Ledesma, Pete Magtibay, Santi Santillan, Ding Quintos, Arni Enriquez at Ronnie Roxas. Dahil sa pagnanais makapasok at mapabilang sa dakilang kapatirang AKO, hinarap ng mga karakter ang kalupitan nila Vince at Gonzales, ang mga masters na kailangan nilang sundin.
Bagamat tatlumpu’t pitong taon na ang nakalipas, lumitaw sa parehong produksyon ang tunay na kalikasan ng dahas na pinagdaanan ng mga nagnanais sumali ng frat. Sa ilalim ng lahat ng isyu na pinatutungkulan ng pelikulang Batch ‘81 at AKO, binibigayang tuon ang pagpapatakbo ng karahasan.
Karangalan at kaguluhan. Kapatiran at karahasan. Kapangyarihan at kamatayan.
Bakit nga ba kailangan sumailalim sa kahiya-hiyang mga gawain, malulupit na palo, o peligrosong mga parusa ang mga naghahangad na sumali ng kapatiran?
Kapansin-pansin ang pagkakaiba ng pagtalakay sa pelikula at ng dula sa konsepto ng tanong na ito. Kung paghahambingin ang paningin ng dalawang karakter sa mga pangyayaring naganap, makikita na malaki ang pagkakaiba sa kanilang pag-unawa. Para kay Lucero, isang karangalan ang pagsali sa frat. Hindi mahalaga sa kanyang masaktan kahit sa punto ng labis na kahirapan, sapagkat ginagawa niya ito dahil may makakamit siya sa huli na kadakilaan. Habang ang kaisipan ni Lucero ang nangibabaw sa Batch ‘81, naipakita naman ng AKO ang panibagong pananaw. Interesante ang karakter na si Santillan dahil halos doble ang kanyang edad sa mga binatang kasabayan niya. Naging kritikal ang detalye na ito sa isang partikular na eksena sa dula. Matapos ang alitan ng dalawang frat at pagkamatay ng ilang miyembro, nagkaroon ng masinsinang usapan ang dalawang guro. Sa pag-uusap nila, nabigyang diin ang isyu ng pagkawala ng aksyon, bagamat ilang buhay ang nawala, dahil sa mga nakatataas ang posisyon. Kumpara sa pelikula, labis ang pagsisisi ni Santillian sa huli. Hindi niya magawang ipagpatuloy ang pagsali sa AKO dahil tulad ng sinabi ng kapwa guro niya, hinayaan niya lang ang lahat na mangyari. Kahit na higit siyang nakatatanda, tila bata rin siyang bulag sa katotohanan.
Makapangyarihan ang mensahe ng dagdag na eksena sa dula. Nais ipahiwatig nito na totoong marumi at korupt ang sistema ng mga frat. Ngunit, ito lang ang pang-ibabaw ng problema. Tumatakbo at hindi tumitigil ang sistema dahil may mga taong nagpapairal nito. May potensyal pa ang nais iparating ng dula ngunit isang eksena lang ang inilaan para dito. Bukod sa pagbabago ng tagapagsalaysay sa dula, may oportunidad pa sanang itatag ang nais nilang iparating.
Noon at Ngayon.
Ginawa ang Batch ‘81 noong huling taon ng Martial Law sa ilalim ni Marcos. Kung titingnan ang kabuuan ng pelikula, masasabing isang malaking alusyon at kritisismo ng awtoritaryan na rehimen ang kapatiran. Mismong pagkatao ang inaatake at sinasamantala sa inisiyasyon na nagtulak sa ilang mga karakter na pagdudahan, pagsisihan, at bawiin ang kanilang desisyon na sumali. Ngunit, hindi madaling makatakas o umayaw sa kapatiran. Malalaman ito ng mga neophyte nang igapos si Ronnie sa electric chair. Malakas ang ipinahihiwatig ng pangyayaring ito, lalo na ang pagtanong kay Ronnie ng “Ang martial law ba ay nakasama o nakabuti sa Pilipinas?” Sa huli, matapos ipaliwanag na isang malaking pakana lang ang nangyari, sinambit ng ama ni Ronnie sa mga neophyte ang katagang “Hindi naman hinihingi ng fraternity ang hindi niyo kayang ibigay. Just trust your fraternity.” Ngunit, sa kalaunan, walang nagawa ang kapatiran para pigilan ang pagkamatay ni Arnie at Ronnie. Sa kabila ng pangako ng  pribilehiyo at proteksyon, dahas na umuwi sa kamatayan parin ang kinahantungan ng dalawang karakter. Dito, nais ipahiwatig ng Batch ‘81 na mapanlinlang, nakakasakal, at mapang-abuso ang sistema ng isang fraternity, tulad ng rehimeng Marcos noon.
Makikita naman na ginamit sa AKO ang kasalukuyang konsepto ng mabilisang pagtamo ng impormasyon. Susi dito ang paggamit ng makabagong smartphones sa pagtatanghal. Maraming eksenang nagpapakilala ng mga tauhan, kung saan pinakita ang kanilang personalidad at relasyon, sa mga usapang naganap gamit ang smartphone.
Tuwing tumutunog ang mga class bell, nag-iiba ang eksena kung saan makikitang dumaraan ang iba't ibang grupo ng mag aaral na abala sa kanilang smartphones. Ipinakitang naipatupad ang kagustuhan ni Lucero na makilala bilang miyembro sa isang kailalang frat sa pamamagitan ng mga mausisang sulyap ng mga kaligirang tauhan, matapos ang masisining na paglipat eksena. Maaaring mahinuha dito na ang kumalat ang chismis at impormasyon tungkol sa kaniyang pagkalahok sa isang frat yung mismong pinagkaabalahan ng mga grupo ng magaaral na ito.
Naging tulong ang smartphones sa mabilisan at masining na pagpalit ng eksena na hindi ginagambala ang daloy ng kwento at pagtutok ng manonood. Bilang dula, mayroon lamang nakatakdang oras para sa buong presentasyon, kaya't makikita rin sa eksena ng pag-uusap ng dalawang frat ang gamit ng smartphones para sa dayalogong nagaganap sa dalawang tagpuan.
Hindi lamang smartphone ang teknolohiyang ginamit sa mabilisang pagpapairal ng impormasyon. Matapos dalhan ni Pacoy Ledesma ng bulaklak ang isang babae, may eksenang nakipagtalik siya sa babaeng ito, na kasabwat pala ng mga master. Kumalat itong pagpapahiya dahil sa paggamit ng live streaming, isang paraan para mapanooran ng madla ang isang pangyayari habang ito'y nangyayari, habang nakatagong kamera lamang ang ginamit sa  Batch ‘81. Mas malalim ang kahihiyang bigay ng  live streaming na pinakita sa AKO dahil mas malawak ang posibleng saklaw nito. Sabay na pinagkaaliwan at hinusgahan ng mga manonood nito ang bawat inaakalang pribadong gawain, emosyon at nararamdaman ni Ledesma.
Hindi ginamit sa palabas na Batch ‘81 ang mabilis na pag-iral ng impormasyon dahil wala itong pamamaraan noong panahon nito.
Sa mismong presentasyon ng AKO, isinaalang-alang ang mga kalayaan na binigay ng kasalukuyan at ang limitasyon ng magagamit na oras ng isang dula. Nagkaroon ng epekto sa kinalabasan na produkto ang kaligirang kasaysayan ng panahon. Subalit, nanatili ang pangunahing kuwento na hindi nasisira ng mga kaligirang iniba.
Ang Simula at Wakas. Ang Simula ay Wakas.
Napapanahon ang pagbabagong ginawa sa materyal ng orihinal na pelikulang Batch ‘81 dahil totoong nagpapatuloy ang walang saysay at hindi makatarungan na karahasan sa kontemporanyang panahon.
Kung titingnan nang masinsinan ang pagtatanghal, makikita na maraming napapanahong isyu ang nakakalat sa dula. Isa sa mga isyung mas pinakita sa dula kaysa sa pelikula ang problema tungkol sa droga. Sa panahon natin ngayon, sa termino ni pangulong Duterte, laganap ang isyung tungkol sa Oplan Tokhang ng PNP. Sa pagkamatay ni Arni, nakita natin kung gaano kadali ang pagtatanim ng droga at paggamit nito bilang panakip sa mga mas malaking problema sa lipunan. Kahit inosente ang isang tao, masama na siya sa mata ng iba sa sandaling makitaan lamang siya ng droga.
Sa kasalukuyan, isang pang isyu sa ating lipunan ang peminismo. Binigyan din ito ng plataporma sa dula ngunit ipinakita lang ito ng sandali sa alitan ng dalawang magkasintahan habang nagtatalik. Hindi ba karapat-dapat na bigyan ng maayos na usapan ang peminismo? Nauwi bilang kaligirang tauhan lang ang mga babae sa dula. Kung tutuusin, maaaring bigyan ng mas malakas na paglalarawan ang mga babae sa dula, dahil kahit sa pelikula, hindi sila mahiyain. Sa pelikula, malakas ang karakter nina Mariel at Pearl, mulat sila sa kawalan ng katarungan na nangyayari sa loob ng fraternity, ngunit imbis na bigyan sila ng kasangkapan at pagkakataong tumayo laban sa karahasan, ang problema nila ay umiikot lamang sa pag-ibig.
Isa pang interesante na detalye sa dula ang eksenang puro magkasintahan ang nasa entablado. Nandoon si Vince at Pearl na nagbigay ng pagkakataon para sa ‘usapan’ tungkol sa peminismo, si Sid at Mariel na nag-aaway sa kasangkutan ng nauna sa fraternity, si Santillan at ang kaniyang asawa na kaniyang pinaghihinalaan na may ibang lalaki, at nandiyan din si Gonzales at Ding sa gilid ng silid. Maaaring pagkakataon o pangpatawa lang ang eksena pero maaaring may inihahatid din na mensahe ang presensya nilang dalawa. May posibilidad na ang eksenang ito ay komentaryo sa sekswalidad ng tao. Lalaking-lalaki ang karater ni Gonzales, ngunit sa eksenang ito, mapapaisip ka na lang kung ang rason ba sa likod ng kaniyang aksyon ang pagtago ng kaniyang sekswalidad.
Sa huling eksena naman, pinakita ng parehong produksyon ang matagumpay na pag-angat nina Lucero bilang master. Pagkatapos maging neophyte sa ilalim ng mga naunang master, ngayon, sila naman ang may karapatang gumamit ng dahas. Sa ganitong paraan, nagiging kasangkapan--tulad ng paddle na inihahampas tuwing initiation--ang kapangyarihan na maaring abusuhin nang paulit-ulit. Kung ano ang pinagmulan ay siyang magiging katapusan. Alpha Kappa Omega. Ang simula at wakas ay kapatiran, ika nga. Naipakita ang usapin na ito sa dula ngunit hindi ito nagawang talakayin ng lubusan.
0 notes
nanupil · 5 years
Text
Blog Post #2 | Memepunan
Bago ang bahid ng kolonyalismo sa Pilipinas, may sarili na tayong kalipunan ng mga salaysay o katha – ang panitikan [1]. Layunin ng panitikan ang magpahayag ng kaisipan, damdamin, karanasan, hangarin, at diwa ng mga mamamayan [2]. Mayroong iba’t ibang dahilan sa pagbuo at mensahe na nais ipaabot sa madla ang teksto. Isa itong uri ng sining na maaaring ituring bilang salamin ng ating lipunan: ang kultura at bawat kasapi nito. Sa kasalukuyang panahon, malaki ang naging tatak ng teknolohiya sa ating lipunan sa pagbubuo ng bagong uri ng panitikan at sa paghuhulma ng wika, kultura, at mga paniniwala [3]. Iba’t iba na ang nagiging paraan ng pagpapahayag ng mga palagay sa lipunan at isa na rito ang memes.
Ano ba ang meme?
Isa itong nakaaaliw na larawan, tao, hayop, at iba pa na nagpapahayag ng isang ideya o konsepto sa internet [4]. Bilang bahagi ng kulturang popular, nagbibigay katayuan sa memes ang pagbabahagi nito sa malaking bilang ng tao. Maliban sa kapangyarihan nitong magbigay ng kasiyahan at sa bisa nitong makipag-ugnay sa tao, may kakayahan rin ang memes na maging instrumento ng propaganda na madaling pumupukaw sa paniniwala ng mga gumagamit ng internet. Sa higit na kalahating dekadang pagsirkula ng memes sa internet, nagkaroon na ito ng positibo at negatibong kontribusyon sa paghubog at pagbago sa lipunang ginagalawan natin ngayon.
Nagbibigay ang memes ng positibong epekto sa lipunan, dahil sa loob lamang  ng ilang minuto, maaari nang makita ng madla sa kanilang social media accounts ang isang meme na nangungutya tungkol sa isang isyung panlipunan. Minsan nang nagamit ang memes bilang pag-uyam o uri ng protesta [5]. Nagsisilbing instrumento ang meme sa pagpapahayag ng saloobin tungkol sa problemang laganap sa bansa. Nagbibigay-daan ito sa mas malalim na talakayan ng mga netizen tungkol sa suliraning kinakaharap ng lipunan na layuning maipakita ng meme. Laganap sa Pilipinas ang memes na may kinalaman sa mga miyembro ng pamahalaan na maaaring magsilbing panawagan upang kumilos ang taong-bayan. Matatagpuan sa ibaba ang ilang halimbawa.
Tumblr media
Meme na may kinalaman kay BIR Commissioner Kim Henares at ang tax [6].
Tumblr media
Inihalintulad si Pangulong Rodrigo Duterte sa kalabang si Thanos, dahil sa kanyang masidhing kapangyarihan na kaya lamang mapigilan ng mga Pilipino [7].
Isa namang halimbawa ng meme na tungkol sa kasalukuyang isyu na hinaharap ng lipunan ang meme na ito tungkol sa teritoryo ng bansa:
Tumblr media
Maliban sa kakayahan nitong magsimula ng pagtalakay, naaapektuhan din ng memes ang lipunan sa pagpapalaganap ng globalisasyon. Sa simpleng pagpindot ng ‘SHARE’ sa isang meme, pinapahusay ng lipunan ang komunikasyon hindi lamang sa ating mga kababayan kundi sa mga tao sa ibang bansa, sapagkat may mga memes na gawa ng Pilipino na hindi limitado sa kapwa Pilipino ang dala nitong pabilin. Nagdudulot ito ng malakas na ugnayan ng iba’t ibang tao na gumagamit ng internet.
Sa kabila ng magagandang naidulot ng mga meme sa iba’t ibang aspeto, mayroon rin itong negatibong epekto. Noong nakaraang taong 2018, ilang meme ang lumaganap sa internet na halaw sa magkakaibang interview sa balita ng mga nahuling kriminal.
Tumblr media
‘Wala na finish na’ meme na mula sa isang kriminal na nakapanayam sa balita [8].
Tumblr media
‘Advance akong mag-isip’ meme mula sa lalaking nakapanayam sa balita ukol sa droga [9].
May mga taong nakakita at ipinamahagi pa sa kanilang sariling timeline sa Facebook at Twitter ang mga litratong ito nang hindi nalalaman kung saan nagmula ang mga meme. Minsan pa’y hindi na hahanapin kung saan ito nanggaling. Dahil dito, isinasawalang bahala ang mga isyung kinabilangan ng taong ginawang meme, ang iba’y iniidolo pa sila, at di kalaunang nanonormalisa ang ganitong pag-iisip at pag-uugali.
Ngunit, taliwas din dito, dahil sa mataas na popularidad ng mga meme, mas nabibigyang pansin ang mga isyung pinagmulan ng ginawang meme at ang mismong isyu ng paggawa nito bilang meme. Dahil sa pagsirkula nito sa internet, naaabot nito ang mga taong mayroong ibang pananaw sa mga meme na ito. Hindi man nabibigyan ng pangmatagalang solusyon, nagkakaroon ng kamalayan ang nakararami ukol sa problemang nanormalisa, lalo na at mabilis nang nagagawa ang pag-share sa mga kaibigan at kapwa Pilipino dahil sa internet.
Tumblr media
Isa sa maraming ‘You’re road’ meme na ginawa [10].
Tumblr media
Isang reaksyon sa meme na lumaganap sa internet na ‘You’re road.’ [11].
Ayon kay Lilio Carreon, maaaring idinadaan ng mga Pilipino sa katatawanan ang pagkalimot sa kanilang problema: isang eskapismo mula sa hindi kaaya-ayang reyalidad na nararanasan ng mga Pilipino sa pang-araw-araw na buhay [12]. Kinukuha ng mga Pinoy ang mga suliraning lumulutang at binibigyan ito ng panibagong anyo; anyong mas nakapagpapagaan sa kanilang likod at nakapaglalagay ng ngiti sa kanilang mga mukha sa kabila ng malalagim na karanasan.
Sa panahon ngayon ng Digital Age, inaasahang mabilisan ang lahat ng bagay. Bawal ang loading. Kaya tamang-tama lang ang mga meme sa paghahatid ng mga emosyon at ninanais na sabihin ng mga tao nang maiksi at mabilisan. Ngunit ang hamon nito sa lipunan ay kung paano nila ito tatanggapin at gagamitin. Ang papel ng tao sa pagbabago sa lipunan gamit ang meme o anumang sining ay pagbubukas ng kaniyang isip dito.
Hindi magiging meme ang isang meme kung walang magsasabing ito ay meme. At mawawalan ng saysay ang sining kung hindi nito maipapakita ang kanyang mensahe o kabuuang kakayahan dahil wala itong pagtatanghalan. Na sa tao na ang desisyon kung susuriin niya nang mabuti ang mga ipinepresenta sa kaniya ng kasalukuyang panahon—sa pagkakataong ito, ang mga meme—at kung sa paanong paraan niya ito gagamitin.
Walang pag-uugatan ng kapangyarihan ang mga meme at ibang pang uri ng sining kung hindi sa lipunan. Walang magbibigay kahulugan sa mga ito kung hindi ang lipunan. Ang lipunan ang simula at wakas ng kapangyarihan ng sining. Ang lipunan ang simula at wakas ng sining.
Talababa
[1] Julio F. Silverio, Bagong Diksiyunaryong Pilipino-Pilipino, Lungsod Mandaluyong: National Book Store, 2009. 296.
[2]  Alma M. Dayag, Ailene G. Baisa-Julian, Mary Grace G. Del Rosario, and Nestor S. Lontoc, Pinagyamang PLUMA 8 (K to 12), Quezon: Phoenix Publishing House, 2013.
[3] Ibid.
[4] Elise Moreau, "Everything You've Ever Wanted to Know About Internet Memes." Lifewire, April 10, 2019, Accessed April 28, 2019, https://www.lifewire.com/what-are-internet-memes-3486448.
[5] Iris Duong, "Why Do Memes Matter? A Look at the Good, the Dank, and the Viral," Google, Accessed April 28, 2019, https://www.google.com/amp/s/m.yp.scmp.com/n ews/features/article/107044/why-do-memes-matter-look-good-dank-and-viral?amp=1.
[6]  Aya Tantiangco,"10 Funny Pinoy Political Memes That Infected the Internet,” SPOT.PH, Accessed April 28, 2019, https://www.spot.ph/newsfeatures/57248/10-political-memes.
[7]  Jade Mark Capinañes, "How Not to Make Fun of Rodrigo Duterte," New Mandala, July 17, 2018, Accessed April 28, 2019, https://www.newmandala.org/not-make-fun-rodrigo-duterte/?fbclid=IwAR1gT0XqPrhhiIeLO3KqdMUbJ9K70uIkSFfy8fMdipuqYgCphEYAzFqWwp4.
[8] Tyne Villan, “LOOK: Lit Pinoy memes that have not disappointed so far this 2018,” INQPOP, Accessed April 28, 2019, https://pop.inquirer.net/55999/look-lit-pinoy-memes-that-have-not-disappointed-so-far-this-2018.
[9] Ibid.
[10]  T&J Desserts, “Sock Laugh!...” Twitter, Twitter, 11 April 2018, twitter.com/tjdesserts/status/983902577510305792.
[11]  Ellie Centeno, “These ‘You're Rode/Road’ Memes Really Don't Sit Well with Me...” Twitter, Twitter, 10 April 2018, twitter.com/ElliceCenteno/status/983596245770842112.
[12]  Lilio T. Carreon Jr., “The funny in the Filipino,” Rappler, Accessed April 28, 2019, https://www.rappler.com/move-ph/ispeak/91057-the-funny-in-the-filipino.
Talasanggunian
Bondoc, Jomae. “12 Best Pinoy Memes That Left Us Weak and Crawling on the Floor This 2018.” One Meg. Accessed April 28, 2019. https://meg.onemega.com/2018-pinoy-memes.
Capinañes, Jade Mark. "How Not to Make Fun of Rodrigo Duterte." New Mandala. July 17, 2018. Accessed April 28, 2019. https://www.newmandala.org/not-make-fun-rodrigo-duterte/?fbclid=IwAR1gT0XqPrhhiIeLO3KqdMUbJ9K70uIkSFfy8fMdipuqYgCphEYAzFqWwp4. 
Carreon, Lilio T. Jr. “The funny in the Filipino.” Rappler. Accessed April 28, 2019. https://www.rappler.com/move-ph/ispeak/91057-the-funny-in-the-filipino.
Centeno, Ellie. “These ‘You're Rode/Road’ Memes Really Don't Sit Well with Me...” Twitter, Twitter, 10 April 2018, twitter.com/ElliceCenteno/status/983596245770842112.
Dayag, Alma M., Ailene G. Baisa-Julian, Mary Grace G. Del Rosario, and Nestor S. Lontoc. Pinagyamang PLUMA 8 (K to 12). Quezon: Phoenix Publishing House, 2013.
Duong, Iris. "Why Do Memes Matter? A Look at the Good, the Dank, and the Viral." Google. Accessed April 28, 2019. https://www.google.com/amp/s/m.yp.scmp.com/n ews/features/article/107044/why-do-memes-matter-look-good-dank-and-viral?amp=1.
 Losa, Rogin. “On millennial humor and what makes it so weird.” Scout. Accessed April 28, 2019. https://www.scoutmag.ph/lifestyle/millennial-humor-weird-roginl-20180621.
Manglinong, Dan. “‘You’re road’ meme at the center of debate on regional accents, Filipino migration.” Accessed April 29, 2019. http://www.interaksyon.com/breaking-news/2018/04/11/124459/your-road-meme-regional-accents-filipino-migration.
Mayuga, Kat. “The memes and the sad stories behind them.” WE THE PVBLIC. Accessed April 28, 2019. https://wethepvblic.com/the-memes-and-the-sad-stories-behind-them/#.XMWxvWgzbb1. 
Moreau, Elise. "Everything You've Ever Wanted to Know About Internet Memes." Lifewire. April 10, 2019. Accessed April 28, 2019. https://www.lifewire.com/what-are-internet-memes-3486448. 
Silverio, Julio F. Bagong Diksiyunaryong Pilipino-Pilipino. Lungsod Mandaluyong: National Book Store, 2009. 296.
T&J Desserts. “Sock Laugh!...” Twitter, Twitter, 11 April 2018, twitter.com/tjdesserts/status/983902577510305792.
Tantiangco, Aya. "10 Funny Pinoy Political Memes That Infected the Internet." SPOT.PH. Accessed April 28, 2019. https://www.spot.ph/newsfeatures/57248/10-political-memes.
TLC. “Larry's Family Warns Jenny: Don't Come to the US With An Attitude Like That!” YouTube, YouTube, 3 November 2017, www.youtube.com/watch?v=qxeue5DXUQI---.
Villan, Tyne. “LOOK: Lit Pinoy memes that have not disappointed so far this 2018.” INQPOP. Accessed April 28, 2019. https://pop.inquirer.net/55999/look-lit-pinoy-memes-that-have-not-disappointed-so-far-this-2018.
0 notes