Tumgik
missmae0710 · 2 years
Text
Blog#6:Gender Roles
Tumblr media
     Ang gender ay tumutukoy sa mga katangian ng babae at lalaki sa isang lipunan. Kabilang dito ang mga pamantayan, pag-uugali at tungkuling nai-uugnay sa pagiging isang babae o lalaki, gayundin ang mga relasyon nila sa isa't isa.
Anong pinagkaiba ng gender at sex na madalas pagkalituhan ng mga tao?
     Ang sex o kasarian ay bayolohikal na katangian ng isang tao mula sa kaniyang pagkapanganak. Ito yung male o female. Samantala, ang gender naman ay ang katangian, gampanin at pag-uugali na kaakibat ng pagiging lalaki o babae ng isang tao. Dito ang tinatawag na masculine o feminine, maging lalaki o babae ka man.
Ano ang ibig-sabihin ng gender roles?
Historically, gender role refers to the behaviors, attitudes, and dispositions that are typically associated with either the male or female social role (Money, Hampson, & Hampson, 1955), whereas gender identity refers to the psychological sense of maleness or femaleness (Stoller, 1964).
From: Handbook of Child and Adolescent Sexuality, 2013
     Ang gender roles ay kung paano tayo inaasahang kumilos, magsalita, manamit, mag-ayos, at mag-ugali batay sa nakatalaga nating kasarian. Ito ay tungkol sa pag-uugali na karaniwang itinuturing na katanggap-tanggap para sa isang tao sa lipunan na kaniyang kinikilusan.
     Halimbawa na dito ang mga babaeng karaniwan na inaasahang maging magalang, matulungin, at maalaga habang ang mga lalaki naman ay inaasahan na maging malakas, agresibo, at matapang.
     Ngunit may mga tao pa ring nakakatanggap ng panghuhusga dahil sa stereotypes na binigay ng lipunan kaya ito ay nagdudulot ng hindi pantay at hindi patas na pagtrato sa kasarian ng isang tao.
Tumblr media
Eto ang mga halimbawa ng gender stereotypes na posibleng nararanasan ng bawat isa:
Una, inaasahan ng mga tao na ang mga babae ay mag-aalaga ng mga bata, magluluto, maglalaba, at maglilinis ng bahay, habang ang mga lalaki naman ang nag-aasikaso ng pera o ng mga bayarin, maglilinis o mag-aalaga ng sasakyan, at mag-aayos ng mga sirang gamit sa kanilang tahanan.
Ikalawa, pagdating naman sa mga trabaho, naiisip agad ng ibang tao na ang mga guro, nars, at flight attendant ay mga babae lamang samantalang ang mga drayber ng isang pampublikong sakayan, piloto, doktor, at inhinyero ay mga lalaki.
Ikatlo, sa pisikal na anyo at pananamit ay inaasahang ang mga babae ay payat, maganda, at maayos sa mukha habang nagsusuot ng mga pantaas na may mahahabang manggas na tinernuhan ng pantalon o lagpas-tuhod na skirt. Ang mga lalaki naman ay inaasahang matangkad at matipuno, maikli ang buhok at malaki ang pangangatawan na nagsusuot din ng mga t-shirt na mahaba ang manggas at may ternong pantalon.
     Ito ay iilan lamang sa mga stereotypes na nararanasan ng mga tao sa araw-araw ngunit dapat natin itong iwasan at tayo ay maging sensitibo sa kanilang nararamdaman sapagkat tao din lamang sila.
Paano makikita ang pagkakaiba ng gender roles ng mga kalalakihan at mga kababaihan sa mga sumusunod na aspeto:
Tumblr media
Media
     Sa aking opinyon, maging babae man o lalaki ay parehas mabilis husgahan ng mga tao ang mga pagkakamali(halimbawa sa mga anchor sa balita) dahil ito ay mas madaling nakikita sa pamamagitan ng media. Halimbawa na dito ay kapag ipinapalabas sa telebisyon ang isang babae ay titingnan muna ang ayos nito, ang tindig, ang pananalita, at ang mga kilos niya na inaasahan ng mga tao na bagay sa paggalaw ng isang babae. Ganoon din naman sa lalaki kung kaya ay kapag hindi nagustuhan ng mga tao ay pinupuna nila ito at ibabash sa social media.
     Maaari din na mahusgahan sila sa itsura na ipinapakita nila lalo na sa social media na mabilis napupuna ng mga tao. Halimbawa dito, yung mga pinopost lalo na ng mga artista ay nababash kung masyadong “revealing” ang pantaas na damit na suot ng mga babae ngunit kapag sa lalaki naman ay hahangaan pa ang katawan na meron sila.
Tumblr media
Edukasyon
     Noon ay hindi pinag-aaral ang mga babae at lalaki lamang ang pumapasok sa paaralan. Naiiwan lang sa bahay ang mga babaeng anak at tumutulong sa gawaing-bahay. Nang lumaon ay nagkaroon naman na hiwalay ng paaralan ang mga babae at lalaki. Tapos ngayon sa kasalukuyan ay magkasama na ang babae at lalaki sa pag-aaral. 
     Sa panahon ngayon ay pantay na ang pagtuturo sa babae at lalaki at parehas ay nabibigyan na ng oportunidad na makapasok sa eskwelahan upang mas umunlad sila bilang isang mamamayan ng lipunan, kaya napakahalaga na dito pa lamang ay natuturuan na sila kung paano ang pagpapahalaga ng mga gender roles sa lipunan ng walang bias.
Tumblr media
Trabaho
     Pagdating sa usaping trabaho noon, ang kalalakihan ay kinukuha sa mga trabahong mas nangangailangan ng lakas samantalang ang mga kababaihan naman ay mas nakukuha sa trabahong nangangailan ng ingat at alaga sa paggawa. Itong mga nabanggit na katangian ang kadalasang dahilan kung bakit napagkakamalan ng karamihan na ang mga tiyak na trabaho ay para sa babae o lalaki lamang.
     Ngunit, ang mga kababaihan ay hindi na ngayon inaasahang manatili sa bahay at asahan ang lalaki sa paghahanapbuhay. Ngayon, madami na ang mga babaeng nagtatrabaho upang buhayin ang kanilang pamilya. Minsan ay kahit nangangailangan ng lakas ang trabaho na pinapasukan ng isang ina upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
     Ang mga kalalakihan naman ay hindi na rin inaasahan na magtrabaho lamang. Ang iba ay sa bahay naman namamahala tulad ng ginagawa ng isang ina kaya marami na ngayon ang itinuturing na "stay-at-home dads".
Tumblr media
Pamilya
     Bilang haligi ng tahanan, kadalasan ang ama ang magtatrabaho upang may maipakain at may maibigay na pera para sa pang-araw araw na gastusin.       
    Bilang ilaw ng tahanan, ang ina naman ang nagsisilbing unang guro ng mga anak upang paghahanda sa pagpasok nila sa paaralan pagdating sa tamang edad. Kadalasan din silang gumawa ng gawaing-bahay sa loob ng isang tahanan.
     Ang babaeng anak naman ay inaasahan na maging masipag at matiyaga. Siya ay may tungkuling mag-aral ng mabuti upang ikaw magkaroon ng magandang kinabukasan. Siya din ay inaasahang tumulong sa gawaing-bahay.
     Sa anak na lalaki naman ay tulad ng sa anak na babae ay tungkulin nitong mag-aral ng mabuti para sa magandang kinaukasan at tumulong sa mga gawaing-bahay o pagtulong sa tatay kung may kinakailangan i-repair sa bahay..
Tumblr media
Lipunan
     Ang ibang pagkakaiba ng babae at lalaki sa lipunan ay nabanggit ko na sa unang bahagi ng blog na ito, ngunit merong iba pang roles sa lipunan na nakararanas ng diskriminasyon.
     Kung dati ay meron lamang tayong dalawang "gender", babae at lalaki, sa kasalukuyan ay kinikilala na ang pagkakaroon pa ng ibang pananaw at pangatlong gender.
     Dahil dito, ang mga tinatawag natin na miyembro ng komunidad ng LGBT ay nabigyan ng oportunidad na maging malaya sa ating komunidad, ngunit sa kasamaang palad ay hindi pa rin ito natatanggap ng buo ng bansang Pilipinas o buong mundo.
Paano ka personal na naaapektuhan ng mga gender role stereotypes sa ating lipunan?
     Hindi naman madalas na mangyari sakin ito ngunit hindi pa rin maiiwasan na makaranas ako ng mga ganitong bagay sa maliit na paraan lamang. Ilan dito ay hindi malayang pagsusuot ng damit na nais kung suotin. Minsan ay hindi kumportable sa pakiramdam na magsuot ng damit na gusto ko dahil sa hindi magagandang tingin ng mga tao sakin.
     Dahil din sa pamantayan sa lipunan ay ipinaparamdam nito sa akin na dapat gawin ko lahat ng mga dapat gawin ng isang babae dahil mahuhusgahan ako sa paggawa ng panlalaking bagay.
Konklusiyon:
     Hindi pa man tuluyan nawawala ang pagkakaroon ng diskriminasyon dahil sa mga gender roles ngunit dapat pa rin natin pahalagahan ang opinyon at nararamdaman ng bawat isa. Kung maaaring ito naman ay sa ikabubuti ng isang tao ng wala namang natatapakan na iba, hindi naman magiging masama kung susubukin na gawin ng babae ang gawain ng isang lalaki at vice-versa. Paalala lamang po na ang mga nabanggit dito ay opinyon lamang. Yun lamang po at maraming salamat sa pagbabasa.
1 note · View note
missmae0710 · 2 years
Text
Blog#5: Political Dynasties
Tumblr media
Sa mahabang panahon ay meron nang political dynasties na makikita sa ating bansa tulad ng kilalang mga pamilya na Aquino, Marcos, Magsaysay, Binay, Duterte, Roxas, at iba pa. Ating tatalakayin sa blog na ito ang ilang katanungan ukol sa Political Dynasties. Pero bago iyon ay gusto ko muna sabihin sa ating mga mambabasa na lahat ng nakasulat dito ay sariling opinyon lamang. Maraming salamat sa inyong pag-unawa.
Ano nga ba ang Political Dynasty?
-Ito ay karaniwang nailalarawan bilang pamilya na nagtatag ng kanilang pampulitika o pang-ekonomiyang pamumuno sa isang lalawigan at patuloy na tumatakbo sa politika sa mga lokal o nasyonal na posisyon sa gobyerno.
Ano ang epekto ng pagkakaroon ng mga political dynasties sa pamahalaan?
Nawawalan ng “checks-and-balances” sa gobyerno. Nawawalan ang pagkakataon na maitama ang mga pagkakamali ng ibang miyembro ng pamilya sapagkat maaaring pagtakpan lamang nila ito upang mapanatiling malinis ang pangalan ng kanilang angkan.
Isa pa dito ang pagkawala ng oportunidad ng ibang tao na tumakbo na posibleng may mas magandang hangarin sapagkat ang mga opisyal na mula sa politikal na dinastiya ay mahirap nang tapatan para sa iba pagdating sa kapangyarihan, impluwensiya, kayamanan, at iba pa.
Saan nag-uugat ang pagiging laganap ng political dynasties at political families sa Pilipinas?
Una, ito ay dahil sa paghangad ng kapangyarihan, impluwensiya, kayamanan, at teritoryang nasasakupan ng mga angkan. Gusto nilang mas maging malawak ang kanilang sakop na pagmamay-ari maging sa pagkakakilala ng mga tao sa kanila o kaya sa koneksiyon at bagay na meron ang kanilang pamilya.
Ikalawa, maaaring nagbunga ito mismo sa kasaysayan natin na ang mga mayayaman o kilalang pamilya na din ay tumatakbo o may taglay na kapangyarihan. Halimbawa na dito ang mga Ilustrado sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, Elite sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at sa panahon ngayon na tinatawag na Oligarchs(o pamumuno ng mga mayayamang pamilya).
Ikatlong ugat naman ay ang bunga ng lipunan na may hindi pantay na paghati sa kayamanan. May mga pamilya na gusto ang pera at ginagamit ito sa pamumuno nila kung kaya ay hindi nabibigyan ng oportunidad na magkaroon ng impluwensiya ang wala namang pera.
Ikaapat, ang pagkagusto na mag-iwan ng legasiya ng isang angkan at nang makilala ang kanilang pangalan sa mahabang panahon. Maaaring gusto lang talaga nila makatulong at magkaroon ng malaking pagbabago sa pamumuno ng isang lugar o kaya ay mapaganda ang pamumuhay ng kanilang nasasakupan.
Ano ang mga positibo at negatibong epekto ng political dynasties sa ikauunlad ng bansa?
Positibo
Una, maaaring ituloy ng mga miyembro ng pamilya o anak ng isang politiko na mula sa isang political dynasty ang proyekto na kanila nang nasimulan. Sa paraang ito ay maipagpapatuloy nila ang kanilang legasiya na may tiwala na mula sa mga mamamayan.
Ikalawa, mas nahihikayat ang mga miyembro ng pamilya nila na nasa posisyon na magbigay ng mabuting serbisyo sa iba upang mapanatili ang tiwala ng pamahalaan at ng taong-bayan.
Ikatlo, may kontrol na sila sa malalaking kompanya ng industriya dahil kilala at tiwala na ang kanilang pamilya kung kaya ay hindi sila mahihirapan na maghanap ng tulong ng iba dahil may koneksiyon na silang maaasahan. May mga investors na din na magtitiwala sa kanila na makatutulong sa ating ekonomiya.
Negatibo
Ang negatibong epekto nito ay kung sakali na kilala na ang kanilang pamilya sa pagiging corrupt, maaaring maipagpatuloy pa ito ng ibang miyembro ng pamilya habang may kapangyarihan sila at nasa posisyon. Maaaring may impluwensiya at manipulasyon din sila sa opinyon ng komunidad kung kaya ay gustuhin man ng ibang tao na tanggalin na sa posisyon ang isang politikong mula sa political dynasty ay mapagtatakpan pa rin nila ang dumi na posibleng itinatago ng kanilang pamilya.
Sa iyong personal na opinyon, mawawala pa ba sa sistema ng lipunan ang political dynasties?
Para sa akin ay hindi pa sa ngayon pero kung sakali ay sa matagal na panahon pa bago tuluyang mawala ang mga political dynasties. Ito ay dahil sa marami ang nasa gobyerno na nagmula sa political dynasties kung kaya ay mas palalaguin pa nila ang kapangyarihan at impluwensiya sa mga susunod ng henerasyon sa paraan ng pagpapasa-pasa sa kanilang mga anak. Kung sakali din na mawawala ito ay posibleng hindi isang bagsakan lamang ang pagtatanggal ng mga miyembro ng political dynasties dahil babagsak ang sistema ng gobyerno sa Pilipinas.
Ano ang iyong opinyon tungkol sa bahaging ito ng ating 1987 Constitution: Article II Section 26: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”
Sa aking palagay ay hindi pa rin ito nasusunod sapagkat marami pa ring miyembro ng politikal na dinastiya ang makikita natin sa gobyerno. Hindi pa ito maaaring matanggal dahil maraming nakapuwesto sa gobyerno na miyembro ng political dynasty na maaaring tutol sa batas na ito. Ngunit dapat ay nabibigyan pa rin ng oportunidad ang iba dahil posible na sila ang makapagpabago sa sitwasyon ng Pilipinas at hindi dapat tayo laging nandoon sa kung ano ang nakasanayan.
0 notes
missmae0710 · 2 years
Text
Blog#4: 100% Filipino
Tumblr media
Hindi na lingid sa ating kaalaman na tayo ay huling sinakop ng ibang bansa ilang dekada na ang nakararaan. Ang pinakamatagal na sumakop sa atin ay ang mga Espanyol na umabot ng mahigit 300 na taon. Sumunod ang mga Amerikano at mga Hapon, hanggang sa tuluyan na tayong naging malaya pagkatapos tayong ipaglaban ng ating mga bayani.
Ngunit kung ating mapapansin sa panahon ngayon ay wala na masyadong makikita na tatak ng pagiging isang tunay na Pilipino dahil maagang nasakop ang ating bansa at hindi masyado napanatili ang mga tradisyon at kultura ng mga sinaunang Pilipino subalit naimpluwensiyahan na tayo ng ating mga mananakop.
Sa blog na ito ay ating aalamin kung mayroon pa nga ba tayong ginagawa na tatak Pinoy, o kung lahat ba ay ating natutunan mula sa ibang bansa.
Tumblr media
Ang globalisasyon ang isa sa mga dahilan kung bakit tayong mga Pilipino ay naimpluwensiyan na ng ibang mga kultura, ngunit ano nga ba ito? Ang Globalisasyon ay internasyonal na integrasyon dulot ng pagpapalitan ng mga pananaw, produkto, ideya, at kultura ng iba’t ibang bansa. 
Ngayong alam na natin ang kahulugan ng globalisasyon, tanungin natin ang ating mga sarili ukol sa epekto ng paksang ito:
Paano nakaaapekto ang Globalisasyon sa iyong personal choices sa buhay?
Tumblr media
Nagbabago ang ating mga pananaw o pamantayan ukol sa mga bagay. Halimbawa na dito ang ating pinapakinggan na mga kanta kung saan sa halip na nakikinig ang mga Pinoy sa Original Pinoy Music o OPM, nauso na ang pakikinig sa mga Korean o Japanese Pop Music. 
Tumblr media
Maging ang pinapanood ng iba ngayon ay anime na mula sa Japan o kaya ibang Asian at American movies/dramas sa halip na mga teleserye kung saan mga Pilipinong artista ang gumaganap. 
Tumblr media
Pagdating sa pagkain, may mga putahe pa rin na nagmula sa atin tulad ng adobo at sinigang. Ngunit dahil sa globalisasyon ay nakilala natin ang iba pang mga uri ng pagkain na naging parte ng pagkain natin sa araw-araw o kaya ang iba ay paborito pa ang mga ito.
Tumblr media
Sa paraan ng pananamit, kilala ang mga Pilipino noon bilang mga konserbatibo dahil sa mahahabang suot nila maging sa palda, pantalon, o mga manggas ng damit. Subalit sa pagtagal ay mas nakakuha ng atensyon ng ibang mga Pinoy ang istilo ng iba pang mga bansa kung kaya sa paningin ng lipunan ay ito na ang naging depinisyon kung paano ipinapahayag ng isang tao ang kaniyang pagkatao.
Mayroon pa bang bahagi ng iyong buhay na maituturing mong 100% Filipino?
Tumblr media
Una na dito ang katangian kung saan kilala ang mga Pilipino na “Hospitality”
-Ito ay tungkol sa ating mabuting pagtanggap sa bisita at paghatid ng serbisyo sa kanila. Pinaparamdam natin na sila ay maaaring maging kumportable na parang sila ay nakatira sa kanilang tahanan. Ang ganitong katangian ay atin ding naipapakita sa ating mga turista. Mayroong mga serbisyong panturista sa ating bansa mula sa kanilang mga tinutuluyang hotels at ang kanilang gagamitin na transportasyon. 
Ikalawa ang mga pamahiin na naipasa-pasa mula sa mga Sinaunang Pilipino hanggang sa mga susunod na henerasyon
- Halimbawa na dito ang “Bawal magwalis kapag gabi dahil mamalasin ka”. Ito ay walang siyentipikong paliwanag ngunit dahil sa ito ang pinaniniwalaan nating mga Pilipino ay patuloy itong isinasabuhay ng mga tao.
Ikatlo ang paggamit ng “Po at Opo”
-Ito ang salitang ginagamit ng mga bata sa mas nakakatanda sa kanila bilang pagtugon dahil ito ay nagpapakita ng respeto sa mga mas matatanda sa kanila.
Paano mo naiimagine ang Pilipinas kung wala itong bakas ng impluwensiyang resulta ng globalisasyon?
Maaaring may mga pagkakaparehas pa rin ang Pilipinas mula sa mga sinaunang Pilipino, ngunit may konti nanaman na pagbabago dahil ang bawat bansa ay umaangkop sa sitwasyon sa kasalukuyan hanggang sigurado ito na  kaya pa nila ng walang suporta mula sa ibang mga bansa.
Pahabol na Salita: Muli, ito pong paksa na ating tinalakay sa blog ay mula sa sarili kong mga opinyon lamang. Yun lamang po at maraming salamat sa pagbabasa.
0 notes
missmae0710 · 3 years
Text
Blog#3: “Tatlong Araw” Dokumentaryo ng Rappler
youtube
Tatalakayin natin sa blog na ito ang isa sa pinakamabibigat na isyung panlipunang kinakaharap ng ating bansa-ang unemployment o kawalan ng trabaho. Ano nga ba ang unemployment? Ito ay tumutukoy sa mga indibidwal na walang trabaho, ngunit kasama lamang sa bilang nito ang mga aktibong naghahanap ng mapapasukan.
Sa pamamagitan ng documentary ng Rappler na “Tatlong Araw”, sasagutin natin ang mga sumusunod na tanong:
1. Anu-ano ang mga isyung panlipunan na kinakaharap ng pamilya sa documentary?
Tumblr media
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral- Ayon sa sinabi ng nanay na si Geraldine Buenaflor, noong walong-taong gulang pa lamang siya ay pumunta siya ng Maynila. Wala na siyang mga magulang at hindi na din siya nagpatuloy sa pag-aaral, hanggang sa napagdesisyon niya nang mag-asawa na lamang. Dahil sa kakulangan din nila sa kaalaman ay hindi sila makakuha ng trabaho lalo na habang tumatagal ang panahon ay mas maraming kaalaman ang kanilang kinakailangan kung kaya ay mas mahirap nang makapaghanap ng trabaho ngayon.
Kawalan ng Trabaho- Dahil hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral dulot ng kahirapan ay hindi din sila makahanap ng trabaho dulot ng kakulangan sa kaalaman kung kaya ay hindi sila nakakakita ng pera para sa pang araw-araw na pangangailangan ng buong pamilya. 
Tumblr media
Kahirapan -Dahil walang pera na mapagkukuhanan ang pamilyang nasa dokyumentaryo ay wala silang access sa mga bagay na kinakailangan ng paggamit ng pera tulad ng maraming pagkain, magandang tirahan, maaayos na damit, magandang kalidad ng edukasyon, at iba pa.
Tumblr media
Kagutuman -Nakakaranas ng kagutuman ang pamilya dahil una, walang trabaho pareho ng magulang, ikalawa ay walang kumikita ng pera sa kanila, at ikatlo, hindi sila makabili ng pagkain kung kaya ay nagkakataon na isang beses lamang sa tatlong araw sila kumakain.
Isyu sa Kalusugan-Ang nanay ay may sakit din na epilepsy kung saan mas naging hadlang ito upang magtrabaho at para sa mag-asawa ay matanda na sila para makapagtrabaho. 
Makikita natin sa mga isyu na ito na lahat ay magkakakonektado, kung saan ang kakulangan sa mga mahahalagang bagay na dapat parte ng ating buhay (tulad ng edukasyon) ay makakaapekto ng iba pang oportunidad na dapat nating nakakamit.
2. Ano ang aking saloobin sa cycle ng poverty > lack of education > unemployment sa bansa.
Tumblr media
Mahirap na masama sa loob ng cycle na ito sapagkat ang pagiging mahirap tulad nga ng nasabi ko sa unang parte ng blog na ito ay parang kawalan din ng access sa maraming bagay, at kasama na dito na mawawalan din sila ng pagkakataon na makapag-aral. Dahil hindi din sila nagkaroon ng oportunidad sa tamang edukasyon ay hindi sila makakapag-apply sa mga trabaho dahil wala silang requirements na maibibigay sa kanila. Ito ay magiging resulta ng unemployment sa ating bansa kung saan hindi sila makakikita ng pera nila pambili ng pang-araw-araw ng pangangailangan at dahil dito ay mauulit lamang ang ikot ng paghihirap, hindi pagtatapos sa pag-aaral ng kanilang mga anak naman, at hindi pagkakaroon ng trabaho.
Sa pamamagitan din ng pagiging unemployed ay nawawalan din ang mga tao ng pag-asang matupad ang kanilang pangarap. Madadamay na dito ang kanilang anak kung saan ang mga gusto nilang bilhin para sa sarili nila o mismo sa kanilang mga anak ay hindi na makukuha dahil walang pagkukuhaan ng pambayad. 
Nawawalan din sila ng mga karapatan na makamit ang mga dapat para sa kanila tulad ng pagkain o maayos na damit. Minsan ay umaasa na lamang sila tulad ng pamilyang nasa dokyumentaryo sa mga charity o pamahalaan upang matulungan sila ng mga ito dahil yun na lamang ang natitirang nilang opsyon upang makapagpatuloy sa araw-araw na buhay.
Ang pamahalaan ay isa din sa mga rason kung bakit nagkakaroon ng unemployment. Nagkakaroon ang mga tao ng panatag na loob at kampante sila na makakakuha sila ng tulong mula sa iba sa pamamagitan ng mga welfare program, kung kaya ay hindi na sila nagsisikap na maghanap ng trabaho at kumita ng pera lalo na at mahirap ang sitwasyon ngayong pandemya. 
Sa pagtagal din ng panahon ay nagkakaroon ng tinatawag natin na inflation kung saan mas tumataas ang ating presyo ng mga bilihin at mas kumokonti ang mga bagay na ating nabibili. Ito ay isa din sa mga rason kung bakit habang tumatagal ay mas mahirap bumili ng mga pangangailangan lalo na at ang ating bansa ay hindi pa lubos na umuunlad kung kaya ay mas makakatulong sa ating ekonomiya kung bababa ang unemployment rate ng bansa.
Muli ang lahat ng ito ay opinyon ko lamang at hindi ko intensyon na impluwensiyahan ang paniniwala ng bawat isa ngunit sana ay may matanto ang mga mambabasa ukol sa mga isyu na ating natalakay dito. Yun lamang po at maraming salamat.
0 notes
missmae0710 · 3 years
Text
Blog#2: “Climate Justice”- Dokumentaryo ni Howie Severino
youtube
Ang “Climate Justice” na ating tatalakayin sa blog na ito ay tungkol sa dokumentaryo ni Howie Severino, isa sa mga tagapagbalita ng I-Witness na isang documentary show sa Pilipinas. Ipinakita sa bidyo kung ano talaga ang naging epekto ng Climate Change hindi lamang sa ating bansa na Pilipinas, kundi pati na rin sa iba pang mga bansa o maliliit na isla na nakakaranas na din ng pagbabago ng kalamidad. Climate Justice ang panawagan ng mga tao upang maisakatuparan ang tamang pag-alaga sa kalikasan at nang mabawasan na ang pagbabago ng ating kalamidad.
Tumblr media
Bago natin suriing mabuti ang nilalaman ng bidyo ay alamin muna natin kung ano nga ba ang CLIMATE CHANGE?
Ito ay ang pagbabago ng klima dahil sa mga greenhouse gases na pumapalibot sa ating mundo.
Ayon sa mga pag-aaral, may dalawang sanhi ng climate change:
Natural na pagbabago ng klima sa pagtagal ng panahon. Ito ay sama-samang epekto ng enerhiya mula sa araw, sa pag-ikot ng mundo, at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa na nagpapataas ng temperatura o init sa hangin na bumabalot sa mundo.
Mga gawain ng tao na nagbubunga ng pagdami o pagtaas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases. Ang mga carbon dioxide ay maaaring magmula sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina, pagpuputol ng mga puno na nakatutulong makapaglinis ng ating hangin, at pagkabulok ng mga bagay na nagbubunga ng methane(isa ding uri ng greenhouse gas).
Tumblr media
May mga epekto din ang pagbabago ng kalamidad sa ating mundo:
Una, nagkakaroon ng matinding bagyo o storm surges. Halimbawa ang Typhoon Haiyan o mas kilala bilang Super Bagyong Yolanda noong taong 2013. Iba’t ibang bahagi ng Timog-Silangang Asya ang natamaan ng bagyong ito, ngunit pinakamalakas na tumama ito sa Pilipinas kung saan nasa 6,300 ang buhay na nasawi.
Ikalawa ang pagtaas ng lebel ng dagat. Habang umiinit ang dagat ay nagdudulot ito ng pagkatunaw ng mga sea ice na nagpapalawak ng kabuuan ng dagat at mas nagbibigay ng mataas na tsansa ng kapahamakan sa mga nakatira sa tabi ng katubigan, lalo na sa mga nasa isla.
Ikatlo ang sobrang pag-init ng panahon o tinatawag na El Niño kung saan ang ibang katubigan ay natutuyo o kaya ang mga halaman ay hindi nabubuhay sa mga sakahang sobrang nakakaranas ng tagtuyot.  Kapag tumaas din ang temperatura ng mundo, dadami ang mga sakit tulad ng dengue, diarrhea, malnutrisyon at iba pa.
Tumblr media
Ngayon, sa pagnood natin ng dokumentaryong ito ay ating sagutin ang ilang mga katanungan:
Ano ang ibig-sabihin ng Climate Justice?
Ito ay tungkol sa paghingi ng mga mamamayan ng hustisya dahil sa mga naidudulot ng pagbabago ng kalamidad sa kanilang bansa o sa buong mundo. Ito ay mula sa boses ng mga tao na gusto labanan ang mga pangyayari na nagdulot ng pagkasawi ng kanilang mga mahal sa buhay o pagkawala ng mga mahahalagang ari-arian nila.
Ano ang ginagawa ng mga bansa upang labanan ang climate change?
Ito ay isang maikling bidyo na nagpapaliwanag tungkol sa “Paris Agreement” na napagkasunduan ng halos 200 bansa noong 2016:
youtube
Sila ay nagkaroon ng pagpupulong na tinatawag na 21st Conference of Parties o mas kilala bilang “COP21″ noong 2016 sa Paris kung saan ito ang sinasabing huling pag-asa ng mga tao upang magawan ng solusyon ang pagbabago sa kalamidad ng ating mundo. Mga opisyal mula sa iba’t ibang bansa ang nagsama para sa pagpupulong na ito para labanan ang climate change.
Isang petisyon na inihain ng Greenpeace Southeast-Asia and Philippine Rural Reconstruction Movement ay naaprubahan kung saan inimbestigahan ang 50 multinasyunal na kumpanya sa Pilipinas na gumagamit ng mga fossil fuel. 
Tumblr media
Ano ang ginagawa ng mga tao upang labanan ang climate change?
May mga taong nagkaroon ng martsa o “pilgrimage” upang makahikayat at mas makapagmulat ng ibang tao sa mga nangyayari sa ating bansa pati na rin sa buong mundo. Base sa dokyumentaryo, halimbawa na lamang ang magkapatid na si AG at Yeb Sanio na nagkaroon ng martsa mula Roma hanggang Paris sa kalagitnaan ng taglamig o winter. Sa kanilang paglalakbay ay nag-iiwan sila at ang mga kasamahan nila ng mga paintings o murals upang maipakita sa ibang tao ang nangyari sa mga nabiktima ng Bagyong Yolanda sa Pilipinas, tulad ng nangyari sa kanilang kaibigan na si Agit Sustento. 
Ang sigaw para sa hustiya ng mga pinoy noon pagkatapos ng Yolanda ay umabot sa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Paris, kung saan naganap ang COP21 upang malabanan ang climate change. Isa din sa mga ipinaglalaban ng mga mamamayan ay hustisya laban sa mga carbon majors o mga korporasyon dahil sa naidudulot nito na matinding polusyon ng hangin sa Pilipinas.
Ano ang mga epekto ng climate change sa indibidwal? Sa isang bansa? Sa mundo?
Para sa isang indibidwal ay nawawalan sila ng mga mahahahalagang tao sa buhay nila. Naaapektuhan din ang normal na pamumuhay nila at nawawala ang mahahalagang posesyon nila.
Sa isang bansa ay nagdudulot ito ng pagbabago ng ekonomiya sapagkat maraming tao ang naaapektuhan maging sa agrikultura man ito, sa mga estruktura o maging sa mga mamamayan nito kung kaya kailangan tugunan ng pamahalaan ang pagtulong sa tao at sa pagpapaayos ng mga nasirang gusali o kabahayan, o kaya ang mga sakahan para sa pagkain ng mga mamamayan. 
Sa buong mundo naman ay nagkakaroon ng iba’t ibang sakit sa mga bansa at tumataas ang lebel ng mga karagatan.
Tumblr media
Ano naman ang maaaring nating gawin upang masolusyonan natin o maiwasan ang paglala ng climate change?
Isa sa mga solusyon ang geothermal plants dahil ang enerhiya dito ay renewable at kakaunti lang ang mga carbon dioxide na lumalabas sa usok nito kumpara sa mga coal plants. Mas malinis ang enerhiya mula sa mga renewable resources ng ating mundo ngunit kulang parin para suportahan ang ating bansa. Naniniwala ang mga mananaliksik na kung susuportahan lamang ng pamahalaan, matutugunan ng renewable energy ang mga pangangailangan ng buong mundo.
Ating Pagnilayan (Konklusyon):
Sa pagtatapos ng ating talakayan ay nalaman natin na napakahalagang alam natin ang climate change sapagkat malaking pagbabago ang naidudulot nito hindi lamang sa isang indibidwal kundi sa buong mundo. Dapat alam natin ang mga uri ng sakuna upang may kaalaman tayo sa gagawin sa oras na tayo ay nasa kapahamakan. Ito rin ay upang maiwasan ang mga pinsala na maidudulot sa bawat isa pati na rin sa buong bansa.
Karagdagang Impormasyon:
Ito ay isang Orihinal na Musikang Pilipino na pinamagatang “Masdan mo ang Kapaligiran” na kinanta ng bandang Asin kung saan makatutulong ito sa pagmulat sa atin ukol sa kalikasan.
youtube
0 notes
missmae0710 · 3 years
Text
Blog#1: Once Upon A Tune
youtube
Ang “Once Upon A Tune” ay kanta ni Gary Granada, isang Pilipinong musikero at manunulat ng mga kantang kadalasan tungkol sa pulitika, kung saan ang mga nursery rhymes na ating naririnig noong bata pa lamang ay pinalitan niya ng liriko ukol sa mga isyung panlipunan na kinakaharap ng Pilipinas. Highlight na dito kung paano tumatakbo ang ating gobyerno mula sa kanilang mga pwesto, hanggang sa paano nila pinamumunuan ang ating mga mamamayan. Tatalakayin natin ang ilan sa mga bahagi ng kantang ito ngunit bago magsimula, gusto ko munang ipaalam sa inyong mga mambabasa na hindi ko nilalahat ang mga nasa gobyerno at ang aking mga babanggitin dito ay sariling opinyon lamang. 
youtube
Tumblr media
Mula sa kantang “Sampung mga Daliri”, ang bersyon ni Gary Granada ay patungkol sa hindi magagandang ginagawa ng ibang politiko tulad ng pandidikta kung saan may iba na inaabuso ang kanilang kapangyarihan at inuutusan ang mga taong mas mababa sa posisyon nila na gawin ang hindi magagandang bagay upang maging maganda ang reputasyon nila bilang isang tagapaglingkod sa publiko. Nangungurakot din ang ibang mga politiko kung saan nakabuo man sila ng magandang pangalan sa kanilang mga nasasakupan ay may mga dumi pa rin sila na ginagawa upang makarating sa kinaroroonan nila ngayon. Dahil sila ay nasa mataas din na posisyon, ginagamit nila ang pera ng bayan para sa kanilang pansariling kagustuhan tulad ng paggastos nito sa kanilang mga luho at bisyo na hindi naman pinakikinabangan ng sambayanan.
youtube
Tumblr media
Sa madaling salita, ang ikalawang berso naman ay tungkol sa mga politiko na nagmula sa hirap at nang mahalal sa kanilang posisyon ay tila naging maginhawa ang pamumuhay. Bilang mga public servants, kumikita na sila ng pera sa pamamagitan ng buwis ng mga tao at dahil sa posisyon nila sa pamahalaan ay may kakayahan na silang gumawa ng iba’t ibang bagay na hindi magaganda tulad ng pagsusugal at pag-inom. May mga bisyo din silang pinapasukan tulad ng pagsisigarilyo at babae. Gamit ang pera ng bayan, nakabibili naman sila ng grocery para sa kanilang pansariling pangangailangan.
youtube
Tumblr media
Sa ika-apat na berso, ipinapahayag dito na kung kailan nai-atas na ang opisyal sa kaniyang posisyon ay bigla na lamang ito nawawala at sa pagkakataon pa na kinakailangan siya ng kaniyang nasasakupan. Ngunit sinabi na lamang ni Granada sa bahaging ito ng kanta na sayang lang ang boto niya dahil nga sa nawawala na lamang ang mga nasa posisyon, at nag-enjoy na lang sana siya habang nililibang ang sarili sa mga artista.
youtube
Tumblr media
Mula naman sa kantang “My toes,my knees,my shoulders,my head” o sa tagalog ay “Paa,tuhod,balikat,ulo”, pinalitan ni Gary Granada ang lyrics nito na nangangahulugang ang mga miyembro ng kaniyang pamilya ay parte ng gobyerno. Sa aking palagay, hanggang ngayon ay nangyayari pa ito dahil sa may magandang pundasyon na nabuo ang pangalan ng isang pamilyang nasa gobyerno, kung kaya patuloy ang pagboto ng tao sa mga kandidatong ito. Alam din ng mga tao na naging maganda ang ginawa ng mga nakaraang henerasyon ng pamilyang iyon kung kaya ay patuloy ang pagtiwala ng sambayanan sa mga politikong ito. Ngunit nasa desisyon pa rin ng bawat isa sa atin ang pumili ng bago dahil ang iba sa mga tumatakbong kandidato ay may magagandang hangarin ngunit hindi nabibigyan ng pagkakataon, sapagkat natatakot silang pumili ng bago sa kadahilanang hindi nila kilala ang mga ito at natatakot silang magtiwala dito.
Tumblr media
Sa aking pagkakaintindi, ang bahaging ito ng kanta ay nagsasabi tungkol sa ginagawa ng mga politiko kung saan binibili nila ang boto ng mga botante o kaya ay binabayaran nila ang mga tao upang iboto sila. May pagkakataon pa na  pinapalitan nila ang boto ng mga tao kung saan ginagawa lamang nila ito upang manalo sila at maging mas mataas ang kanilang posisyon kesa ordinaryong tao. Sa mga pagkakataong ito ay naloloko ang mga botante dahil sa huli, hindi pa rin sila nakikinabang dahil nga sa pagpili nila sa kandidato sa ganyang mga kadahilanan lamang. Tandaan natin na ang bawat isa ay may kalayaan upang bumoto ng ating mga nais maging pulitiko dahil sa atin nakasalalay ang ikagaganda ng ating ekonomiya pati na rin ng buong bansa.
Tumblr media
Ito ang huling bahagi ng kanta na ating tatalakayin, at ito ang ikalawa sa huli na berso ng kantang “Once Upon A Tune”. Dito pumapasok ang usapan kung saan may mga pagkakataon na ang mga mamamayan ay nangailangan ng tulong mula sa pamahalaan, ngunit hindi nasasagot ang kanilang mga pangangailangan o hinaing sapagkat tila nagiging bingi at bulag ang gobyerno.
Konklusyon: Dapat lamang na isaisip ng bawat isa sa atin na piliin ang tama at nararapat na mga politiko kung tunay na hinahangad natin ang pagbabago. Bilang mamamayan din ng Pilipinas ay dapat matuto tayo na sumunod sa kanila dahil hindi laging nasa kanila ang problema ngunit bilang mga nasasakupan nila, matuto pa rin tayong umintindi ng kanilang sitwasyon at alamin ng kabuuan ang pinagmulan ng problemang iyon dahil may mga politiko pa rin na ginagawa ang kanilang makakaya pero lagi na lang natin silang pinangungunahan. Huwag muna natin silang husgahan dahil tulad natin ay mga ordinaryong tao din lamang sila. 
Sana sa talakayang ito ay may napulot kayo at natulungan nitong buksan ang inyong mga mata at isip sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. Bago ko tapusin ito ay tanungin muna natin ang ating mga sarili. Dapat ba na isisi natin ang lahat ng problema ng bansa sa pamahalaan? Nagagampanan ba natin ang ating mga tungkulin bilang isang mamamayan? Muli, dito nagtatapos ang ating ebalwasyon sa kanta ni Gary Granada na “Once Upon A tune”, at maraming salamat sa pagbasa nito.
Tumblr media
1 note · View note