Tumgik
Photo
Tumblr media
Angel Locsin bilang Pirela
Source: (x)
5 notes · View notes
Text
At dahil ikinatuwa ko masyado...
Heto ulit ang kabuuang listahan ng mga tauhan. At ang kanilang naggagwapuhan, at naggagandahang mga Face Claims. :D 
"Mga Tauhan."
Tumblr media
2 notes · View notes
Text
Tuluy-tuloy na :) Salamat!
Heto na ang Chapter 6: Tsambahan Lang. :)
Tumblr media
Sa totoo lang, ikinatutuwa kong nilagyan ko ng Face Claims ang nobelang ito. Kahit pa'no sa ngayon, naglalaro na sina Iza Calzado at Jake Cuenca sa isip ko. At sa chapter na yan ^, Angel Locsin. Kamusta naman. :) Nawa'y ikinatutuwa niyo rin ito kagaya ko. Pero ayos lang. Wirdo lang talaga ako madalas. :D 
4 notes · View notes
Text
Chapter 6: Tsambahan Lang
-6- Tsambahan Lang
            “Handa ka na ba? Mabilis lamang naman tayo dahil dadaan tayo sa himpapawid, hindi ba?” Si Serapin, matapos mag-ipon ng ilang mga prutas at halamang pagkain na ibinalot niya sa isa sa mga tapis na bigay ni Mariposa.
            “At ano, babagsak na lang tayo sa kung saan hanggang sa makarating sa Pinatubo?” Biro ni Serapin.
            “Oo. Sana lang hindi tayo mahulog sa bunganga ng bulkan.” Seryosong tugon ng Manggagaway. Nanlamig bigla ang Lagalag.
            “H—hindi ka nagbibiro?”
            Sa halip na tumugon ay nagtanong si Legana, “Sabihin mo nga, marunong ka bang lumangoy?”
            “Hindi pa ako nakakalangoy sa tanang buhay ko, Legana. Inuulit ko, nagbibiro ka ba? Tsambahan na naman ba ang lakad nating ito?!” Hiyaw ni Serapin. Namula lang si Legana at mahiyaing yumukod ng pagsang-ayon.
            Napakibit-balikat si Serapin at saka idinugtong, “Ganun ba? Sige lang. Mabubuhay pa naman siguro tayo.”
            “Hindi namamatay kaagad ang masasamang damo.” Bulong ni Legana kasabay ng isang ngiti.
            “Hindi naman tayo mga damo.” Nagtaka ang binatang Kampon.
            Napakunot ang noo ni Legana, “Minsan sobrang dunong mo. Minsan naman nakakatawa ka. Tena’t mag-uumaga na.” Tumayo si Legana sa may pampang. “Naipalabas ko na ito nang nakaraan e. Hindi naman siguro ako bibiguin ngayon.” Pumikit siya. Napaatras si Serapin, lalo’t nakaramdam siya ng bahagyang panghihina ng mga kalamnan, habang nag-uumpisang magdilim ang paligid ng Manggagaway. Lumakas ang ihip ng hangin. Muling lumalim ang kaniyang mga mata. Wangis na rin ng mga munting punyal ang kanyang mga kuko. Nag-umpisa ng mangamba si Serapin at para bang nanlalambot, wari'y hinuhugot ni Legana ang kanyang angking lakas sa hindi maipaliwanag na paraan.
Ang tawang yaon. Ang kanyang nakaririnding hagikhik. Ang hindi maunawaang bulong mula sa mga labi ng nagising na Manggagaway na unti-unting bumuo ng mga salitang, “Ang walis ng paglalakbay.” Namulat si Legana. 
Ang totoo’y hindi isang walis ang lumabas sa kanyang mga palad kung isang tungkod na may palamuting pangil at ilang matutulis na bato. Iwinasiwas ito ni Legana at saka sinakyan. “Halika na. Hindi ko maipaliwanag, ngunit sa palagay ko’y mas lumalakas ako habang nandyan ka.”
Bumangon si Serapin mula sa pagkakaluhod. “Marahil ay pinaghahatian natin ang kakarampot na liwanag mula sa buwan, dahil nga hindi bilog ito. Ngayong kapwa pala tayong Kampon, sa palagay ko’y dapat ng umigting ang pagiging magkasangga natin sa bawat pakikipagsapalaran dito sa kapuluan.” Sumakay siya sa likuran ng Manggagaway at muling nagwika, “Mas matino naman ang anyo nito kaysa sa isang walis.”
“Madaldal ka rin pala.” Mabilis ang mga pangyayari. Para bang hinatak sila ng kamay ng langit, napakatulin, at tuluy-tuloy na ang kanilang paglalayag sa madilim na himpapawid.
      SA MINDORO. Madilim pa ay nakabihis na si Pirela, ang Dakilang Babaylan ng mga Mangyan. Nang makuntento sa pagkakataas ng kanyang buhok gamit ang ilang sanga ng makikintab na kahoy, maingat niyang ipinutong ang huling palamuting pinagdugtong-dugtong na makukulay na piraso ng kahoy at bato sa kanyang noo, na siya namang lumalaylay ng masining sa kanyang pisngi at leeg. Tumayo siya at inayos ang pagkakatupi ng kanyang hinabing tapis, hinigpitan ang taling kumakapit sa kanyang baywang bilang sinturon. Nagtungo siya sa kanyang higaan at kinapa sa ilalim ng kanyang papag ang isang pinagtiklop-tiklop na tela. Napangiti siya nang buklatin ang tela, at kuminang ang isang pares ng hikaw, yaong yari sa ginto at ilang brilyante at perlas. Kapansin-pansin ang nangaglawit na malalaking batong resin na magkaparehas ang sukat, lalong kumikinang sa dilaw kapag nadaraanan ng ilaw ng gasera. Ikinabit niya ng maingat ang mga hikaw sa kanyang tainga at muling nasiyahan nang malamang bagay sa kanya ang maharlikang pares. Isinakbat niya ang kanyang arnis—dalawang matibay na patpat na kapwa nababalot ng isang telang sisidlan—at saka hinipan ang gasera at lumabas ng kanilang kubo.
Bagama’t mga dayo mula sa Borneo, ang mga Mangyan ang itinuturing na pamantayan ng lahat ng katutubo sa kapuluan. Kilala man sila noon bilang mga “Malay”, sa kasalukuyan ay niyapos na nila ang ngalang Mangyan, pinaiksing “Marangyang Mamamayan”. Sinusundan sila hindi lamang sa anyo (ang pagkakaroon ng kayumangging balat, tuwid at itim na buhok at katanamang taas), kundi maging ang pagiging matuwid sa anumang nasusulat sa Kodigo. Naninirahan din sila sa sentro ng kalakalan sa buong kapuluan, ang Mindoro. Hindi man sila ang pinakamayamang pangkat sa kapuluan, itinuturing silang marangya dahil sa kanilang dunong at lakas ng puwersa ng kanilang mga mandirigma. Sa Agta nagmula ang Kodigo ngunit mas naging mahigpit ang mga Mangyan sa pagpapalakad ng mga nasusulat dito. Hindi na kataka-takang sa kanila umusbong ang unang soberanya.
Bantog si Pirela sa buong kapuluan, lalo’t isang marikit na dalaga, siya rin ang Dakilang Babaylan, isang bansag sa pinakamahusay na babaylan sa buong kapuluan sa loob ng dalawang taon. Hinirang si Pirela matapos lisanin ng babaylan ng Kagaian ang kanilang lupain, maging ang prestihiyosong bansag.  Si Pirela ay tubong Mindoro, anak ng kanilang datu at isang tunay na maharlika mula pagkasilang. Nakakalungkot man isipin, anumang hangad ng mga binatang makabiyak siya ay hindi pinapayagan ang pag-aasawa sa pinili niyang landas. Dahil dito’y pinaniniwalaang tumigas na ang puso ni Pirela sa pag-ibig at itinuon na lamang ang pansin sa pagiging isang mahusay na Babaylan. Pagkabihasa sa Sinawali sa Arnis ang kanyang pangunahing kakayahan, kasama na doon ang kaalaman na natatangi sa mga Babaylan ukol sa sining, siyensya at kasaysayan. Halos nasa kaniya na ang lahat, ngunit sa tingin niya’y hindi pa niya nakakamtan ang tunay na kaligayahan.
            “Pagaspas mula sa himpapawid.” Napangiting palibak si Pirela at nagpatuloy patungo sa isang gulod. Mula siyang natigilan nang lumakas ang kaluskos sa paligid. “Kiskis ng mga bakal. Ang akala siguro nito’y isa akong hangal.”
            “Yaaaaah!”  Sa paglingon ni Pirela ay nagulat ang kanina pa naghahanda sa pagsugod—isang lalaking may bitbit na kalis. Ang kalis ay isang uri ng espada na balu-baluktot ang hugis ngunit may kakaibang talas na di gaya ng isang payak na patalim. Hindi na nagwika pa si Pirela at tuluy-tuloy na nagpamalas ng kanyang Sinawali. Unti-unting napapaatras ng mga hampas ni Pirela patungo sa mataas na puno ng akasya ang binatang katunggali. Nang masagad sa may puno, si Pirela na mismo ang pabaligtad na tumalon paatras at muling naghanda para sa isa na namang sunud-sunod na pagwawasiwas ng kanyang sandata. Bagama’t kahoy ang arnis, hindi pa rin nagkaroon ng pagkakataong madali ito ng matalas na kalis, dahil sa bilis ng pagkilos ni Pirela sa tuwing magtatagpo ang kanilang mga sandata.
            Hangos na sumugod muli ang may kalis at sa pagkakataong ito’y naging mas matulin ang kanyang pagbabalik ng mga hampas ng sandatang kahoy ng Babaylan. Naging nakagigiliw ang pagsunod ng tunog ng mga palamuti ni Pirela sa lawiswis ng kawayan at malakas na hangin. Ang dalagang Mangyan naman ang napapaatras at sa huli’y nasagad sa isa na namang puno. Subalit nang makabuwelo’y inilakad ni Pirela ang kanyang mga paa sa mataas na punungkahoy at lumapag ng masining sa magabok na lupa sa likuran ng binata. Inilibot ng babae ang kanyang mga braso sa dibdib ng binata at iniharang ang pares ng kahoy na sandata sa leeg upang hindi na makapalag pa. Saka lamang naging kapansin-pansin ang hingal ni Pirela nang matahimik na ang magkatunggali.
            “Bagay sa’yo.” Bulong ng may kalis. Bahagyang lumuwag ang kapit ng kahoy na sandata sa dibdib nito.
            “Ang alin?” Usisa ni Pirela.
            Ngumiti ang binata at tumugon, “Ang mga hikaw. Bagay sa’yo.”
            Tuluyan ng kumawala ang dibdib ng binata mula sa arnis at saka ikinulong ang Babaylan sa kanyang mga bisig.
            Namula si Pirela, “Ang akala ko’y hindi ka na darating, Ayman.”
            “Nalalaman mong basta kagustuhan mo, kahit bawal ay susuungin ko, aking Babaylan.” Pinakawalan niya si Pirela. Sinikong pabiro ni Pirela ang sikmura ng binata at saka kapwa nila nilakad ang madilim na pusod ng gubat. Sarisari ang kanilang pinag-usapan at lubos na kaligayahan ang laman ng bawat kataga nila para sa isa’t isa.
            Kaila sa nakararaming Mangyan, ang puso ng kanilang Dakilang Babaylan ay matagal ng nabihag ng isang binatang malayo pa ang pinagmulan, si Ayman na isang Moro. Tubong Magindanaw ang binatang ito na may taglay na husay sa paggamit ng kalis. Minsan lamang siya napadayo sa bandang Luson subalit binago ng paglalakbay na ito ang kanyang buhay. Nakilala niya si Pirela at agarang napaibig ng dalaga. Halos limang taon na silang magkasintahan at mapalad sila sapagkat wala pang nakakahuli sa ikinukubli nilang pag-iibigan. Mahirap din ang kanilang kalagayan sapagkat minsan na nga lamang sila magtagpo sa isang taon, nagkukubli pa sila sa karimlan kapag may pagkakataon. Pakiramdam nila’y tutol ang buong mundo sa kanilang pagmamahalan, subalit ang pagiging bawal nito ang nagpaigting ng kanilang kagustuhang makaisang-dibdib ang isa’t isa.
            “Nakakagiliw ang iyong handog na mga hikaw, Ayman, subalit hindi mo naman ako kailangang bigyan ng mga mamahaling palamuti o ng ano pa man.” Mahiyaing saad ni Pirela, kaiba sa matatag at palabang Babaylan kamakailan lamang. “Ngunit napakaganda, salamat.”
            “Ibinigay ko iyan sa’yo upang hindi mo ako makalimutan. Baka kasi isang araw ay dumayo ako dito at masaksihang umiibig ka na sa inyong daranganan.” Biro ni Ayman na para bang sa kanya rin humampas pabalik ang sakit.
            “Si Uryaki? Magtigil ka nga. Hindi mo lang alam kung gaano ako naaalibadbaran sa tuwing nagdididikit sa akin ang nilalang na yaon. Nakakainis lamang at kailangang kasama ko siya madalas dahil sa pesteng tungkulin.” Ani Pirela. Bahagyang napangiti si Ayman subalit inggit pa rin siya kay Uryaki sapagkat nakakasama nito ang kanyang iniirog kahit pa araw-araw at sa harap ng madla. Hindi na lamang niya sinabi yaon dahil ayaw niyang maging malungkot ang kanilang muling pagkikita.
            Ipinasok na lamang niya bigla ang isang magandang balita. “Sa palagay ko’y magkikita tayong muli sa susunod na buwan.” Mapapangiti na sana ng buo si Pirela ngunit idinugtong kaagad ni Ayman ang malungkot na bahagi ng balita, “Ngunit kailangan kong lumisan bagong lumubog ang araw mamaya.”
“Uuwi ka na mamaya? Ang akala ko’y makakasama kita sa aking kaarawan bukas?” Bakas na sa mukha ni Pirela ang pilit na pag-iintindi ng kalagayan ng kanilang pagsasama. Iniisip sana ng dalagang tatakas siya sa pagdiriwang bukas at sasama kay Ayman upang magliwaliw sa gubat at makapagtampisaw sa sapa.
“Yaon din ang inakala ko, mahal. Hindi ko rin inaasahang may pagdiriwang bukas sa balangay. Bukas na pala ang huling pagsamba sa taong ito.” Paliwanag ni Ayman. “Nalalaman mong mahalagang naroon ako sa piging. Kagagalitan ako ni Ama kapag nagkataon.”
“Nauunawaan ko. Panghahawakan ko na lamang ang iyong pagbabalik sa susunod na buwan.” Ani Pirela.
Ngumiti si Ayman. “Talagang magkikita tayo sa susunod na buwan. Yaon ang araw ng pagtitipon ng mga pinuno ng bawat pangkat ng kapuluan hindi ba?”
“Ang araw kung kailan tayo unang nagkatagpo.” Saglit na binalikan ni Pirela ang nakaraan at namula. Matapos mapag-isipan ang sinaad ng binata’y napalalim ang hinga ng Babaylan sa gulat. “Ang ibig mong sabihi’y—”
“—oo, Pirela. Pagkatapos ng pagtitipon bukas ay igagawad na nila sa akin ang pamunuan ng Sultanato.” Nasa tamang edad na nga naman si Abdul H’ad Aiymann, ang Prinsipe ng Magindanaw, upang manahin ang hinahawakang bansag ng kanyang butihing ama, ang pagiging Sultan ng Magindanaw.
“Binabati kita!” Punung-puno ng tuwa ang mga mata ni Pirela. Ang mga matang yaon ang hinahabol ng mga kalalakihan sa Dakilang Babaylan. Tila ba kasi nagwiwika ng tunay na nadarama ang mga mata ng dalaga, kumikislap kapag labis ang ligaya, nababasag kapag labis ang lungkot.  Niyapos niya ng mahigpit ai Ayman na ikinagulat at ikinangiti ng binata. Subalit habang humihigpit ang yakap ni Pirela sa mga bisig ng binata, nararamdaman ng Moro ang pagbilis ng tibok ng puso ng dalaga. Pagkuwa’y basa na ang sedang balabal ng binatang prinsipe.
“Umiiyak ka ba?”
Pinigil ni Pirela ang kanyang mga hikbi.
“Sa tuwa.” Hindi naman niya naikubli ang pagsiyap ng kanyang puso. Batid ni Ayman na may lungkot sa tinig ng kanyang minamahal.
“Pirela?” Marahan niyang niluwagan ang yakap sa kanya ng dalaga at mahigpit na hinawakan ang mga bisig nito, habang inilalapit ang mga mata niya sa mga mata ng Dakilang Babaylam.
“Sabihin mo, ano ang dahilan?”
Napatingin sa lupa si Pirela, bahagyang nadiligan ng kanyang luha ang magabok na lapag. “Naisip ko lamang ang aking ama. Nag-umpisa siyang maging punong abala sa lahat ng bagay nang pamunuan niya ang Mindoro. Labis yaong ikinasawi ng aking ina. At ngayo’y mas mahalaga sa kanya ang pamunuan at ang Kodigo, kaysa sa nararamdaman ng kanyang anak.”
Agad na nabasa ni Ayman ang nais na iparating ng dalaga. “Nangangamba ka bang mauulit sa atin ang gayong pangyayari?  Ngayon pa lamang ay matindi na ang pagsira natin sa Kodigo, pansin mo ba?” Nakangiti si Ayman at marahang ngumisi pa. “Pangako kong hindi kita—”
Pinutol ni Pirela ang mga kataga sa pamamagitan ng paglapat ng sariling palad sa bibig ng Moro. “—huwag kang mangangako kailanman, Ayman. Ang siyang abala ay walang kakayahang panghawakan ang kaniyang mga pangako.” Lalong pumatak ang luha ng dalaga.
“Dahil ba nangako akong makakasama kita sa iyong kaarawan bukas at hindi ko naman matutupad?” Napailing si Ayman sa biglang bigat ng kanyang puso. “Pinipilit kong maging maligaya ang araw na ito, Pirela, pakiusap, huwag ka namang lumuha ng ganyan.”  May pait na sa tinig ng binata. Hindi pa rin magawang tumigil sa pag-agos ang talon ng lungkot mula sa mga mata ng Babaylan. Hindi na rin ito makatugon ng wasto. Minabuti na lamang ng dalaga na manahimik at umuwi sa kanilang kubo.
“Pirela,” pigil ni Ayman.
“Ayman. Malapit ng sumikat ang araw. Makikita ba kita mamayang gabi?” Hindi na rin niya magawang harapin ang kasintahan ng may ngiti sa kanyang mga labi.
Napatingin si Ayman sa langit. Unti-unti na ngang binabasag ng liwanag ang karimlan habang lumulusot ang mga hibla ng araw sa malalabay na punung-kahoy. Hindi alam ni Ayman ang itutugon.
“Marahil. Ang sabi mo’y ayaw mo ng pangako.”
Kapwa nila nilisan ang madilim na gubat ng hindi man lang nagkaroon ng malambing na paalaman sa isa’t isa.
    “HINDI AKO MAKAKAUWI NGAYON KASABAY MO.” Saad ni Ayman nang makalayu-layo sa kabihasnan. Kausap niya ang isa ring maharlikang gaya niya, marikit at may nakakaakit na anyo. Makulay ang mga seda at organsang bumabalot sa kanyang maarkong katawan, kumikinang ang perlas na nangaglawit mula sa koronang ginto’t pilak sa kanyang bumbunan hanggang sa laylayan ng kanyang balabal. Mamahalin. Mistulang diyosa sa karangyaan.
            “Sa wari ko’y may suliranin kayo ni Pirela.” Mataas na malambing ang kanyang tinig. Tila ba nagmamakaawa ang kanyang tono, anumang kataga ang kanyang sabihin. “Subalit kapatid, bilib ako sa iyo. Kung maiba-iba ‘yan, nilisan na natin ang Mindoro ngayon din.”
            “Sari, ang sabi mo’y nais mo ring maging Sultana, hindi ba? Bakit hindi natin imungkahi kay Ama na ikaw na lamang ang mamuno sa Magindanaw?” Biglang sabi ni Ayman sa kapatid. Si Abdul H’ad S’ariaya ang nakababatang kapatid ni Ayman at Prinsesa ng Magindanaw. May kakaibang dunong si Sari na wala ang karamihan sa mga kababaihan sa kanilang pulo. Itinatangi ng lahat ang kanyang taglay na kariktan, pagkapino at matalas na pag-iisip.
            “Ano na namang kahibangan ito, Kuya?” Natawa pa si Sari sa sinaad ng kapatid.
            “Tama, magandang imungkahi natin kay Ama na magkaroon ng isang Sultana sa unang pagkakataon.” Nakangiti naman si Ayman at tila pa matibay ang paniniwala sa kanyang mga sinasabi.
            “Kuya, hindi pa ako isinisilang ay nakaukit na sa bato ang iyong kapalaran. Mapuwera mamatay ka, saka lang ako magiging Sultana.” Sinundan ito ni Sari ng isang hagikhik.
            “Sabihin mo nga, ayaw mo bang maging Sultana?”
            “Ang sigurado dun, ayaw kitang mamatay. Alam mo, tena’t humanap ng umagahan sa kabihasnan.” Anyaya ni Sari. Agad namang sumunod si Ayman. Maliwanag na ang langit. Masarap ang mainit na sabaw sa mahalumigmig na umaga.
    “SAAN KA NANGGALING?” Usisa ng Datu nang makitang papasok pa lamang ng kanyang silid ang Dakilang Babaylan.
            “Namitas po ng mga prutas, Ama. Nais niyo ba ng kaymito?  Pihadong matamis ang aking nakuha.” Tugon ni Pirela habang iniaabot ang ilang piraso ng bilog na prutas.
Ngumiti lamang ang kanyang ama at saka tumugon, “Mayroon tayong mga alipin, sana’y sa kanila ka na lamang nagpakuha ng mga prutas na yan.”
“Hindi naman po ako isang baldado, Ama. Papasok na po ako sa aking silid.” At itinabing niya ang kurtina sa kanyang likuran pagkaraang makapasok sa kanyang silid. Nabigla siya nang mapansin ang sarili sa salamin, suot pa pala niya ang hikaw na handog ng kasintahan.
“Pirela,” Malagong na tinig ng kanyang ama na nagpabilis ng tibok ng puso ng dalaga.
“Ama?” Hindi niya mawari kung dali-dali ba niyang tatanggalin ang mga hikaw o kung magbubuhol na lamang ng panibagong kasinungalingan.
“Saan mo nakuha ang maririkit mong palamuti?” Hindi batid ni Pirela kung saan nakatingin ang matanda.
“Ang alin, Ama?” Nginig na tugon ni Pirela.
“Ang iyong kuwintas. Maganda.” Bati ng datu.
Napangiti si Pirela at mabilis na pumakli, “Handog ng mga katutubo sa daan nung isang araw, Ama. Kay ganda hindi ba? Magbibihis na po ako. Pinagpawisan ako sa pagkuha ng mga kaymito.”
Yumukod ang datu. “Sige. Sumunod ka sa liwasan. Mag-aalmusal tayo ng sabay.”  Kumaway pa si Pirela at saka naipinid sa wakas ang kanyang silid. Agad niyang tinanggal ang mga hikaw. Muli niyang ibinalot ang maharlikang pares sa isang seda at inipit sa ilalim ng kanyang unan.
    MATAAS NA ANG ARAW nang masanghap ni Sari ang nakakahalinang sabaw. Hinatak niya si Ayman patungo sa pinagmumulan niyon. Isang matandang katutubo ang nagluluto ng isang malaking tapayan ng sabaw, may ilang piraso ng gulay at masarap na karne ng manok.
            “Ginulay na manok. Kuya, mukhang masarap na agahan ang isang ‘yan.” Ani Sari sabay lapit sa katutubo. Ngumiti ang katutubo sa kanya at nagwika, “Ang sabaw na ito ay para sa mga maharlika. Maghahain ako ng agahan sa Datu at sa anak niyang Babaylan.”
            Nagkatinginan ang magkapatid. “Anong oras?” Sabay na tanong nila sa nagluluto.
             Isinara ng katutubo ang tapayan at binuhat ito gamit ang isang makapal na uri ng tela. “Ngayon. Sa katunaya’y nariyan na ang mga magpipiyesta sa aking ihahain. Hayun sila sa may liwasang bayan.” Inginuso ng katutubo ang mag-amang maharlika na nagtatawanan sa gitna ng maraming mandirigmang nakapalibot sa kanila bilang bantay.
            “Masarap ang sabaw. Tena’t makisabay tayo.” Kasabay ng ngiting may kindat mula kay Sari. Nabigla si Ayman, “Hindi—parang—ano bang iniisip mong—”
            Huli na yata ang lahat. Mabilis na hinatak ni Sari ang kapatid patungo sa liwasan. Nang marating nila ang hadlang ng pulutong, mariing hinampas ni Sari ang sikmura ng kapatid na siyang nagpatibay ng tindig nito.
            “Tila ba may hindi inaasahang panauhin.” Ang magaralgal na tinig ng datu ay labis na nagtaas ng pangamba sa puso ng binatang Moro.
            “Malayo ang aming nilakbay, Mahal na Datu ng Mindoro, Dakilang Babaylan ng mga Mangyan.” Magalang na yumukod si Sari. Nakakagiliw ang paghahalo ng makulay niyang kasuotan sa mataas na sinag ng araw. Para bang bumaba ang mga Diwata mula sa kanilang paraiso. “Narito kami ng aking kapatid upang manaliksik.”
            “Manaliksik?” Bulong ni Ayman ng may pakubling taas ng kanyang kilay.
            “Mananaliksik ukol sa pamumuno. Kung inyong mamarapati’y makikisabay kami sa almusal ng pinakamahusay na pinuno sa buong kapuluan.” Magiliw ang ngiti ng Prinsesa.
            “Siyang tunay.” Si Ayman naman ang nagwika habang nakatingin sa iniirog niyang babaylan. Biglang-bigla si Pirela subalit hindi niya magawang magwika ng anuman. “Hayaan ninyo kaming magpakilala. Abdul H’ad Aiymann, ang susunod na Sultan ng Magindanaw.”
            “Abdul H’ad S’ariaya, Prinsesa ng Magindanaw.” Kapwa yumukod ng paggalang ang magkapatid na Moro. Nagulat naman sila nang yumukod pabalik ang kinikilalang mataas na pinuno ng Mindoro. Sumunod na rin sa pagyukod si Pirela.
            “Maupo kayo, mga panauhing Moro. Masarap ang ihahain  ngayong umaga.” Dumating na ang malaking tapayang dahilan ng paghaharap na ito. Halos mabubo ng katutubong alipin ang malaking tapayan nang masaksihan ang dalawang dayong kausap niya kanina lamang. Kumindat si Sari sa katutubo at nagwika, “Ginulay na manok.”
            “Paano mo nalaman?” Usisa ni Pirela.
            “Sanghap na sanghap ko.” Tugon ng sabik na si Sari.
            “Bihasa si Sari, basta ukol sa manok.” Ngiti ni Ayman.
            Nagpatuloy ang masarap na usapan, kasabay ng mainit na sabaw. Ang totoo’y hindi mawari ni Pirela ang kanyang nadarama ngayong katabi niya si Ayman, habang narito sila ngayon sa harap ng kanyang ama. Si Sari talaga, anang Babaylan sa kanyang sarili.
            “Maaari bang magtagal kayo rito hanggang bukas? Kaarawan ng aking anak at magkakaroon ng malawakang pagdiriwang sa buong isla. Pihadong magiging masaya ang piging na yaon.” Anyaya ng Datu. Lihim na napangiti si Pirela. Hindi naman mahugot ni Ayman ang kanyang itutugon.
            “Ikinalulungkot namin, magiging masaya sana ang piging bukas, subalit mayroon ding pagdiriwang sa aming balangay sa naturang oras. Ang huling pagsamba at ang siyang paghirang sa aking kapatid bilang Sultan.” Paliwanag ni Sari sa kanyang nagmamakaawang punto.
            “Nakakapanghinayang subalit hindi ko naman magagawang pigilan ang naunang nakalaan. Ayaw ko namang kagalitan ng Magindanaw ang Mindoro dahil lamang sa magkatapat na piging.” Nakangiti ang datu. Muling humingi ng paumanhin ang magkapatid.
            “Ama, iminumungkahi kong magkaroon ng munting piging ngayong araw, para lamang sa ating mga maharlikang panauhin.” Ani Pirela pagkahigop ng mainit na sabaw.
            “Sang-ayon ako. Kahit mamayang hapunan, maaari ba? Labis kong ibinibida ang mga pagdiriwang dito sa aming lugar. Tiyak na masisiyahan kayo kung mananatili kayo kahit hanggang mamayang gabi lamang.” Para bang hindi na maaaring tumanggi ang magkapatid. Kung tutuusin, labis ang kaligayahan ni Ayman, itinatago lamang niya ito dahil yaon ang nararapat gawin sa kasalukuyan. Ngumiti si Sari sa kanyang kuya at humigop ng mainit na sabaw.
    MALAKAS ANG HAMPAS NG HANGIN. Wari’y hinahatak ang mga mukha nina Serapin at Legana palayo sa Isla ng Panay. Nakakapangilabot ang sarap na kanilang nadarama sa pagyapos sa kanila ng mga naglalakihang ulap sa kalangitan.
            “Ang langit, hindi ko inakalang ganito yumakap ang langit. Parang tinutunaw ang aking mga kalamnan ng labis na kapayapaan.” Saad ni Serapin sa Manggagaway. Napangisi lamang si Legana. Kahit papaano’y napasaya niya si Serapin. Nagdulot na rin ito ng kaligayahan sa kanyang puso.
            “Sabihin mo nga, Legana. Ikaw ba’y umibig na?”
            Bahagyang gumewang ang tungkod. Kapwa nabigla ang dalawa sa hindi inaasahang pagbaba ng kanilang paglipad. Pagkuwa’y umaangat na silang muli. “Masyado ka ‘atang nabigla sa aking pag-usisa.” Ani Serapin ng may panlibak na ngiti.
            Hindi tumugon si Legana. Nagtaka si Serapin. “Anong ibig sabihin ng katahimikan? Huwag mong sabihing hindi mo kilala ang pag-ibig?”
Nginig na tumugon si Legana. “Hindi sa ganoon. Wala lang akong panahon.”
            “Hindi naman kailangang agawin ng pag-ibig ang iyong buong araw. Kapag naman nahulog na ang loob mo sa isang nilalang, hindi naman kailangang magkadikit kayo maghapon.”
            “Dumadaldal ka na naman, Lagalag.” Nais ng isara ni Legana ang usapan ngunit hindi matahimik ang binatang Kampon.
            “Hindi ka man lamang nahulog sa kahit kanino?” Muling pag-uusisa ng binata.
“Wala ka ng pakialam dun.” Matigas na pakli ng Manggagaway. Napakunot ang noo ni Serapin at maya-maya’y tumawa. “Dalawa lang ‘yan, Manggagaway. Maaaring minsan kang inayawan ng minamahal mo, o minsan mong inayawan ang nagmamahal sa’yo.”
“Hindi mo ako mapipiga ukol sa bagay na ‘yan. Nagsasayang ka lang ng oras, iba na lamang ang pag-usapan natin.” Muling pagsasara ni Legana sa usapan ukol sa pag-ibig. Ngunit sadyang makulit ang binatang Kampon. “Ako kasi, umiibig magpahanggang ngayon.” Inalala ni Serapin ang larawan ng Musa, kahit pa lumuluha ito sa kanyang isipan, labis pa rin ang kanyang kariktan.
Natawa lang si Legana.
            “Bakit ka naman natatawa?”
            “Wala naman.” Kibit-balikat ang dalaga.
            “Bakit? Sa palagay mo ba, hindi ako kaibig-ibig?” Inilapit ng binata ang kanyang mukha sa nabiglang si Legana. Nawala ang ngiti ng Manggagaway. Bumilis ang tigidig ng kanyang dibdib sabay ng paglunok sa kabila ng panunuyo ng kanyang lalamunan.
            Hindi na nakatugon si Legana. Hindi niya mawari ang salamangkang naganap ngunit para bang kuminang ang mukha ni Serapin nang itanong nito ang, “Sa akin, hindi ka ba maaaring mahulog?”
            “Mahulog?” Napalunok muli si Legana.
            Tuluyang nawalan ng pagtuon si Legana sa pagpapatakbo ng tungkod. Mabilis. Bumulusok sila pababa. Sinubok ng dalaga na muling iangat ang sinasakyan subalit hindi na niya maibalik ang kaninang pokus. Kinabahan na rin si Serapin.
            Ang yapos ng langit ay tuluyang bumitaw. Lumilinaw na ang lupa, nagiging mas kilala na sa mata ang mga kubo at halaman. Babagsak sila. Tiyak na mahuhulog sila sa matigas at masukal na lapag ng kagubatang hindi nila tiyak kung saan.
            Kapwa sila nagsisigaw. Umalingawngaw ang kanilang mga hiyaw hanggang sa tuluyan ng lumapat ang butuhing likuran ng binata sa maputik na pusod ng gubat, kasunod si Legana na sakto ang pagkabagsak sa tiyan ng binatang Kampon. Ang tungkod na kanilang sinakyan ay mabilis na nagbagong-anyo bilang isang kuwintas na may bilugang kahoy na pumapalibot sa isang puting pangil. Agad na sinalo ni Legana ang kuwintas nang marating nito ang kanyang kumakabog na dibdib.
            Natigil ang mga sigaw. Nangibabaw ang lawiswis ng kawayan at awit ng mga ibon. Makaraan ang ilang sandali’y dumaing na si Serapin. Kay bigat pala ng Manggagaway. Pakiramdam niya’y nabali ang ilan sa kanyang mga buto. Para bang hindi niya ito maibabangon ng ilang araw sa sobrang tindi ng kirot.
            Yamot din namang sumiyap si Legana nang madama ang sakit ng kanyang kasukasuan. “Hayan at nahulog na ako sa’yo, masaya ka na ba?”
  ~…~
0 notes
Text
Sa wakas. :)
Chapter 5: Aminan, narito na. :D
Tumblr media
0 notes
Text
Chapter 5: Aminan
            “L—legana? Legana!” Hiyaw ni Serapin. Iginala ng binatang Kampon ang kanyang mga mata sa paligid. Walang sinuman ang naroroon ngunit batid niyang hindi maglalaon at maaabutan din sila ng Anak-Araw. Paulit-ulit niyang tinapik at niyugyog ang dalaga ngunit hindi pa rin ito nagmumulat ng mga mata.
            “Pakiusap, Legana, gumising ka!”
            Mangiyak-ngiyak na ang binata. Sa pagkakataong ito’y hindi niya nalalaman ang dapat gawin. Ang pagnanais niyang mabuhay si Legana ay mukhang gaya ng pagnanais niyang mabuhay sa mundong ibabaw.
Hindi, hindi ako magiging mag-isa muli. Ayoko.
“Hindi ko inisip na ganito ang magaganap. Patawad. Dahil sa pagiging walang silbi ko sa umaga’y ikaw naman ang napahamak. Mahalaga ka sa akin, sana’y sapat na yaon upang gumising ka.” Pabulong niyang saad habang pinipigil ang pagpatak ng sariling luha. Itinuring na niyang kasangga ang dalaga sa kapuluang hindi niya kilala. Ganoon na kalaki ang kaniyang tiwala dito, sa kabila ng maiksi nilang pagsasama bilang magkaibigan.
Tanging lawiswis ng kawayan ang tumugon sa kanyang pagsusumamo. Ngayon nama’y binuhat niya si Legana, pinatibay ang kaniyang mga bisig upang kayanin ang paghahanap ng tulong habang karga ang dalagang walang malay. Ang inakala niyang lawiswis kanina lamang ay kaluskos pala.
            Batid na niya ngayon na may nagmamasid sa kanila, “Alam kong nariyan ka.” Nilaksan ng binata ang kaniyang tinig. “Hindi ko alam kung paano kita haharapin sa kalagayan naming ito,” inilapag niya ng marahan ang dalaga sa buhangin at tumindig sa gitna ng dalampasigan.
Huminga ng malalim si Serapin at nagwikang muli. “Ang nalalaman ko lamang ay hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa kaniya.”
“Isa kang Lagalag, walang tuwid na landas. Anong mapapala sa iyo ng itinatanging babaylan?” Si Liyab, nananatiling lisik ang mga mata habang nagwiwika. Sinundan niya ang pangungusap ng malutong na halakhak. “Nasisiyahan ako, dahil malamig ang simoy ng hangin sa banda rito.”
Napaigtad si Serapin nang sugurin siya ng nagbabagang apoy mula sa kamay ng Anak-Araw. Kinabahan siya, lalo’t baka mahagip ang natutulog niyang kasangga.
Gumising ka na, Legana, utang na loob.
Nag-isip ng malalim ang binata.
Kung gayon, lumalakas ang apoy sa tuwing nag-iisip siya ng malamig.
“Malamig sa banda rito?” Anang binata.
Tumugon si Liyab, “Nakapanginginig.” Lalong lumakas ang apoy.  Napangiti ang binatang Kampon. Maya-maya’y humagikhik na siya. Nagtaka naman si Liyab sa biglang asal ni Serapin.
“Bakit ka tumatawa?” Nagtatakang usisa ng Kalasag ni Ayo.
“Wala.” Lalo pang lumakas ang tawa ng binatang Kampon.
“Dahil ba sa ikinukubli mong kakayahan pagsapit ng gabi? Tanghali pa lamang, binata.” Hula ni Liyab.
Tumawang muli ang kausap. Halos hindi niya mabuo ang “hindi” dahil sa katatawa.
“Kung gayon, ano?!” Nagalit si Liyab. Maya-maya’y pinagpapawisan na siya.
“Ang iyong kaanyuan, ang iyong naisin, lahat yaon ay nakakatawa.” Paliwanag ni Serapin na halos maubusan ng hininga sa paghalakhak.
Inis na inis na si Liyab. Napipikon siya kapag hindi siya sineseryoso ng ibang tao. Ang pagpapanting ng kanyang tainga ay nagdulot ng pag-init ng kaniyang ulo. Mainit na mainit.
Bakit, Anak-Araw? Nag-iinit ka na ba sa inis?
Patuloy na tumawa si Serapin. Napawi ang apoy.
“Tapos, hinahabol mo ang babaeng ito?”
“Layunin ko ang kaligtasan ng lahat ng babaylan!” Galit na giit ni Liyab. “Ang mga babaylan ay dakila, may angking kariktan at katalasan ng isip na walang ibang makahihigit!”
Lalong tumawa si Serapin.
“Lapastangan ka.” Pikon na si Liyab.
“Pasintabi lang ha. Ang babaeng ito? Marikit at matalas ang isip?” Halos maiyak na sa katatawa ang binatang Kampon.
“A—anong ibig mong sabihin?”
“Payak lang. Isa nga siyang babaylan ngunit hindi gaya ng iniisip mo. Masdan mo!” Lumapit pa si Serapin kay Legana upang hawiin ang nakatabing na talukbong sa mukha nito.
Nanlisik ang mga mata ni Liyab.
Idiniit pa ni Serapin ang kanyang punto habang sinasabayan ng nakapang-iinsultong tawa. Lumapit siya kay Liyab at bumulong sa tainga nito. “Kita mo? Bukod sa mabagal mag-isip ang babaeng ito, nangungulubot pa sa kunot ang kaniyang balat na parang matandang hukluban.” Hagikhik.
“—kulubot? Tinawag mo siyang matandang hukluban?!” Galit na bulalas ni Liyab.
“M—matandang hukluban?” Nginig na bulong ni Legana. Nagmulat ang kanyang mga mata at nang makita ang pinagmulan ng malakas na bulalas, bumangon ang dalaga at galit na galit na lumapit sa Anak-Araw.
Bakas na bakas ang inis sa mukha ng Manggagaway at hindi na napigilan ang kanyang paghiyaw. “Hinayupak ka, sinong tinatawag mong MATANDANG HUKLUBAN?!” 
Napabuwal si Serapin sa biglang pag-angat ng mga siit at buhangin sa paligid. Lumakas ng lumakas ang hangin. Umiling-iling ang Anak-Araw, lalo na’t kapansin-pansin ang ginintuang sinag sa mga mata ng dating babaylan.
“H—hindi, ako’y nilinlang lamang ng—”
“Hindi mo na mababawi ang iyong mga kataga, hangal!” Galit na galit si Legana. Hindi naman malaman ni Serapin kung matatawa siya o kung ano pa. Subalit nang mapaisip muli ang binatang Kampon, bumulong na lang ito, “Ay, patawarin. Pinaypayan niya ang ningas. Magbabaga na ang apoy. Hay, bakit ba naman kasi ako naipit sa kabuktutang ito!?” Umiwas na si Serapin. Batid niyang hindi na niya mapipigil ang galit ng dalawang kampo. Hangin laban sa apoy.
“Sana lang manalo ka, Legana.” Hindi na naririnig ang kaniyang tinig. Sinamsam ni Liyab ang lakas ng hangin at saka muling nagbaga ang apoy. “Kay sarap ng hangin, babaylan.” Nagliwanag naman ng pula ang mga mata ng katunggaling Anak-Araw.
“Hindi na ako Babaylan.” Malagong na ang tinig ni Legana.
“Hindi ko layunin ang saktan ka.” Ani Liyab.
“At hindi ko layunin ang buhayin ka!” Ang bawat pagsulpot ng ningas ng apoy ay agad na hinahawi ng malakas na ipuipo mula sa kalangitan. Hindi magkamayaw sa pagkapit ang binatang Kampon sa mga punungkahoy upang hindi mabitbit ng malakas na hagupit ng bagyo ni Legana.
Hindi naman nagpadaig ang walang singkad na pagsabog sa paligid ni Legana at ng mga punungkahoy sa paligid mula sa kumukulong apoy ni Liyab. Kapwa sila hindi papayag na maging talunan sa tunggaliang ito.
Ngunit kapansin-pansin ang pagiging kalat ng tirada ng bawat isa. Labis na nakalalamang si Legana, sapagkat bawat apoy na ibinabato ni Liyab ay hinihipan ng ipuipo ng dalaga pabalik sa kaniya. Hindi na kataka-takang sugatan na si Liyab, at wasak na ang kapaligiran nila.
Grrr~
Kumakalam na ang sikmura ng binatang Kampon. Matagal-tagal na rin ang walang pagod na labanan ng dalawa. Matagal-tagal na rin siyang walang kinakain mula nang gawing abo ng sumpaing Anak-Araw ang kanilang pananghalian.
“Nagugutom na’ko~” Yamot na si Serapin. Kasalanan ko ito eh. Sa bagay, gising na rin ang babaeng ito. Kailangan na lamang naming malayuan ang hangal.
“Legana, utang na loob, itigil mo na iyan. Nagugutom na’ko.” Sigaw ng gutom. Nakaangat pa rin si Legana sa ere at panay ang hampas ng kaniyang mahabang buhok sa mukha ng kalangitan.
“Tinawag niya akong matandang hukluban!” Isa na namang malakas na hampas ng hangin ang sumalubong sa kumukulong pagsugod ni Liyab.
Bumuntung-hininga si Serapin. Pagod na rin ang dalawang naglalaban. Umikot ng pairap ang kaniyang mga mata at saka muli siyang nagwika, “Ako ang nagsabi niyon. Ngayon, maaari bang tumigil ka na?”
Natigil ang hangin. Natahimik ang dalampasigan. Naglaglagan sa buhangin ang abong dahon at siit. Nawala ang matunog na pagniningas ng apoy. Humihingal sina Liyab at Legana.
“Anong sinabi mo?” Hangos na tanong ni Legana.
“Ako ang nagsabing—” Hindi na natapos ni Serapin ang kaniyang pakli. Isang ulo ng niyog ang hinipan ni Legana na siyang bumagsak ng walang awa sa ulo ng binatang Kampon.
Inilapat ni Legana ang kaniyang mga paa sa tabi ng binatang Kampon at niyapos ito mula sa kaniyang bisig sabay saad sa Anak-Araw, “Hindi ito ang huli nating pagkikita.” Muli siyang kumumpas at sa pagkakataong ito, malayu-layo na ang narating nila ng kinaiinisang kasangga.
Napaluhod si Liyab sa magabok na dalampasigan. Minasdan niya ang tubig. Halos itim na ito sa dami ng abong dulot ng kanilang labanan. Maya-maya pa’y narinig na niya ang pagaspas ng pakpak ng Nimpa.
Mahinhing tawa ang tanging sabi ni Mariposa pagdating.
“Husto siya. Kung hindi kumalam ang sikmura ng binatang yaon, marahil ay patay na ako.”  Pag-amin ni Liyab.
“Binalaan na kitang hindi mo ikatutuwa ang kaniyang kalagayan.” Nakangiti pa si Mariposa na bahagyang ikinapahiya ni Liyab.
“Hindi ko naman akalaing—”
“Binabati kita, Liyab. Nakatunggali mo ang dating babaylan ng mga Pintados, tagapagmana ng Kalasag ni Hora at huling Manggagaway, si Legana ng Maragundon.” Sabay tumawang muli ang masayahing Nimpa.
Napabuntung-hininga si Liyab. “—at matandang hukluban.” At saka niya binitbit si Liyab pabalik sa paraiso upang paghilumin ang mga tinamong sugat nito.
    “NAKAKAINIS KA TALAGA.” Ani Legana nang marating nilang dalawa ni Serapin ang pusod ng kagubatan. Halos hindi sila nasisinagan ng araw sa bandang gitna ng kakahuyan kung kaya’t nadama ni Legana ang sapat nilang kaligtasan. Nanatiling nakahandusay sa magabok na lupa ang binatang Kampon.
            Maya-maya’y namulat na ang mga mata ng baguntao at inaasahang sumalubong sa kanya ang busangot na mukha ng matandang hukluban—este—Manggagaway pala. 
            “Umayos ka nga, Impo.” Agad na saad ng bagong gising.
            “Aba, kung di ka ba naman—!?”
            “Patawad. Ginawa ko iyon upang banasin ang walang-dugong hangal. Pero nakakatuwang isipin na ang pang-iinis ko pa ang gumising sa’yo.” Napangisi si Serapin. Nagtaka si Legana sapagkat hindi niya nawari ang pagkawala ng kaniyang malay kamakailan lang.
            “Anong ibig mong sabihin?”
            “Basta. Huwag ka ng mawawalang muli, kaibigan.” Namula si Legana sa tinuran ni Serapin. Hindi niya inakalang gayon ang kahalagahan niya sa binatang sing-gaspang ng buhanginan ang pagturing sa kanya.
            Huwag kang magpakabuti sa akin, Serapin, pakiusap. Mas lalo akong nahihirapan, kung nalalaman mo lamang. Bumangon si Legana at nagmasid sa di-kalayuan. Mukhang tinanggap na ng Anak-Araw ang kanyang pagkatalo at hindi na sila sinundan pa. Subalit batid niyang hindi pa tapos ang pakikipagsapalaran, lalo’t nariyan pa ang mga Pintados na abot-langit ang pagkamuhi sa kanila ni Serapin.
            “Saan tayo magtutungo ngayon?” Tanong ng binata.
            “Sa Pinatubo, isang delikadong bulkan sa Sambales.” Tugon ni Legana, habang inaalala ang kaniyang mga nalalaman ukol sa kasaysayan ng lahi. Kahit papaano’y nagagamit niya ang kaniyang napag-aralan bilang dating babaylan ng pangkat na umampon—at tumakwil—sa kaniya.
            “Lumayo tayo sa nagbabagang si Liyab upang pumunta sa isang delikadong bulkan? Saan mo pa balak pagkatapos? Sa tabi ni Haring Araw?” Umiral na naman ang panlilibak ng Kampon.
            Umirap si Legana at saka nagpaliwanag, “Naroon ang mga Agta. Doon natin malalaman ang sagot sa ating mga katanungan. Naroon ang mga Tableta ng Katotohanan.”
            “Saan mo naman nakuha ang batis na iyan?” Usisang may pagdududa.
            “Nag-aaral naman ako. Para saan pa’t naging babaylan ako ng Hamtik?” Saad ni Legana ng may pagmamalaki.
            “Ni hindi ka pa nakapagpapaliwanag ukol sa bagay na iyan. Isa kang babaylan ngunit may angkin kang salamangka na tila mala-Kampon. Alam mo ring isa akong halimaw mula sa piitang yaon. Kay gulo. O sige, sabihin na nating sumasang-ayon ako. Paano tayo makakarating sa lugar na iyon?”
            Pinilit ni Legana na huwag pag-usapan ang tungkol sa kaniyang tunay na katauhan. Inalala na lamang niya ang lugar kung nasaan ang nasabing pangkat. Ang Sambales ay nasa bahaging gitna ng Luson. Nasa Panay sila ngayon, sa may baybayin ng Hamtik. Kinakailangan nilang tumawid ng dagat. Nang ipaliwanag yaon ni Legana, nabigla si Serapin. Malawak pala ang kapuluan ng Lahing Kayumanggi.
            “Ngunit inaamin ko, hindi sapat ang aking anino upang makarating tayo doon.” Sabay buntung-hininga. “Pero ang aking ina, dinala niya ako dito mula sa Maragundon gamit ang isang lumilipad na walis. Sa palagay ko’y may kakayahan din akong gaya niyon kung aking susubukang sanayin ang aking sarili. ”
            Natawa si Serapin. “Walis? Nasisiraan ka na ba ng bait—walis?!” Nag-umpisa ng maguluhan ang binata. Napaatras siya at napailing. “Hindi, hindi maaari. Labis na akong naguguluhan, babae.”
            Saka lamang napansin ni Legana ang hindi sadyang pagkabunyag ng ilang detalye ukol sa pagiging Manggagaway.
            Huminga ng malalim ang dalaga. Halos hindi niya matingnan ang mapangdudang mukha ng binatang Kampon. “Serapin.”
            “Ano pa ba ang hindi mo sinasabi sa’kin?” Nahalata na rin ng binata ang itinatago ni Legana sa kaniya. Ang aking panaginip, unti-unti nang nagkakaroon ng saysay. Nginig itong nandiin, “Sa palagay ko nga’y mayroon kang ikinukubli sa likod ng, ng iyong, ng iyong talukbong!”
            Pilit na pinakalma ni Legana ang binata, kasabay ng pagpapakalma sa kaniyang sarili. “May aaminin ako sa’yo.”
            “Hindi na kagulat-gulat yun.” Kampon. Ngatal na sabi ng binata.
            Ikinubli ng dalaga ang kaniyang bahagyang pamumutla sa mga matitigas na tugon ni Serapin. Hindi siya gaanong sigurado kung handa na ba siyang aminin ang dinadalang mabigat na lihim.
Siguro, kaunti lamang. Utay-utay.
Dinaan niyang muli sa busangot ang lahat. “Kung tutuusin, ang bagal mong makuha, samantalang nasasaksihan mo na ang aking itim na anino.” 
            Hindi mawari ni Legana kung napahiya o nagalit ang Lagalag. Basta na lamang natahimik ito. Kaya hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa. 
“Makinig ka. Isa akong Kampon.”
            Nanuyo ang lalamunan ni Serapin sa kaniyang narinig kahit pa alam na niya ng bahagya ang katotohanan.
            “Isa akong Manggagaway.” Paglilinaw pa ni Legana.
May ideya na si Serapin mula pa sa unang pagkadulas ng dalaga ngunit labis pa rin niyang ikinagulat ang pag-amin ni Legana. Kilala ni Serapin ang mga Manggagaway. Kinakatakutan pa nga niya ang mga ito noon sa loob ng piitan sapagkat mapanlinlang ang kanilang magagandang mukha. Batid din niyang malakas ang kakayahan ng mga takwil na Diwata. Subalit isang Manggagaway? Anong kinalaman ng isang Manggagaway sa Kuta? Mayroon pang kakulangan sa mga sinasabi ng isang ito.
Parang nakaramdam siya ng bahagyang pagtatraydor. Subalit siya man ay may ikinukubling lihim. At ngayong nagkatagpo na ang dalawa sa mga nasa labas ng piitan, nakaramdam siya ng pagkapawi ng pangungulila. Subalit lalong nadiin ang katotohanang kalat ang Kuta sa paligid. Nariyan na si Liyab, at isa pa yaong nakasalakot. At ngayon si Legana na pihadong humahawak sa isa sa lima. Hindi niya malaman kung ikatutuwa ba niya ito.
            “Hindi ko maunawaan, ang akala ko’y isa kang babaylan.” Tanging nasabi ng binata. Naisip niya rin kung alam ba ni Mariposa ang ukol dito. At ngayo’y bahagyang malinaw na kung bakit hinahabol ng mga katutubo si Legana nang gabing nakaraan.  
            Nagpaliwanag ng maigi ang dalaga. Matamang nakinig si Serapin sa kaniya, habang pilit iwinawaksi ang nakakapanghilakbot na itsura ng mga Manggagaway sa loob ng piitan. “Oo, isang babaylan—dating babaylan. Ngunit isinilang akong Manggagaway. Nang lisanin namin ng aking ina ang Maragundon, iniwan niya ako sa Hamtik. Inampon ako ng mga Pintados at di naglao’y hinirang na babaylan ng pangkat. Buong buhay kong ikinubli ang dugong Kampon na dumadaloy sa aking mga ugat. Ngunit nagbago ang lahat nang—”
            “—mabuksan ang piitan?” Dugtong ng binata. Ngayon naman ay nag-iba ang tingin niya sa pangyayari. Pakiramdam niya tuloy, kundi nabuksan ang piitan, hindi lalabas ang katotohanan ukol kay Legana. Naalala niyang bigla si Radha. Batid niyang ang Musa ang may kagagawan ng hindi inaasahang pagbubukas ng yungib.
            “Wala akong alam ukol sa piitan. Sa bagay, maraming bagay ang hindi napigilang maganap. Hindi ko rin gaanong maunawaan ang lahat. Yaon ang dahilan kaya nais kong magtungo tayo sa Pinatubo. Nais kong malinawan at nang malaman ko ang dapat na hakbang.” Bumangon si Legana mula sa pagkakaupo at minasdan ang dalampasigan mula sa kalayuan.
            Yumukod ang binata at napailing. Nais rin niyang mabuo ang basag niyang kaalaman.
            Sinundan siya ni Serapin at inilapat ang kaniyang palad sa butuhing balikat ng dalaga. Sinubok niyang ngumiti, pilit ibinabalik ang magaang pakikitungo sa kasangga sa paglalagalag.
“Alam mong isa rin akong Kampon, tama?” Naalala ng binata ang naging paghaharap nila ni Legana sa Hamtik, nang nasa anyong Balawis siya sa kalagitnaan ng gabi.
            Nagkibit-balikat si Legana at saka nagwika. “Oo naman. Walang katutubo ang may gayong anyo kapag gumagabi.” Ngumiti pa ito.
            “Kapag bilog lang ang buwan. Pero alam mo na kung ano ako?”
            Kapwa sila natigilan sa loob ng ilang saglit. Magkalapit ang kanilang mga mata.
“Isang hangal na Kampon?” Si Legana naman ngayon ang nag-umpisang mamilosopo. Nais sanang makisabay ni Serapin sa kaniyang bungisngis ngunit umiikot sa isipan ng binata ang kaniyang anyo kapag gabi.
            “Hindi rin ako sigurado, ngunit may palagay akong ako ang tinatawag na Balawis.” Marahan ang paraan ng pagwika ni Serapin. Seryosong-seryoso siya at may bahid ng pangamba ang kaniyang tinig.
            “Ang Balawis? Isang daang taon na ang nakakalipas nang mapaslang ng mga ninuno ng Hamtik ang Balawis at naipinid ang piitang yungib.” Pabalat-bunga ng dating babaylan. Sa pagkakataong ito’y hindi pa rin niya kayang aminin ang lahat ng katotohanan.
            “Ngunit isinilang ako sa kawalan, at ang aking anyo, maaaring yaon ang anyo ng sinasabing Balawis sa kasaysayan.” Inalala ng binata ang mismong mga kataga ng mga kaibigang naiwan sa piitan.
            “Serapin, ang Balawis ang pinakamalakas na uri ng Kampon. Kung ikaw nga yaon, labis na nanganganib ang buong kapuluan sa iyong pagtuntong sa labas ng sinasabi mong piitan.” Napakagat pa si Legana sa sariling mga kuko, nagpapakita kung gaano siyang kinakabahan sa ginagawang panlilinlang.
            Hindi niya alam ang tungkol sa aking tunay na katauhan. Subalit ang aking panaginip ay siyang nagtuturo na bahagi si Legana ng Kuta. Naguguluhan na ako.
Hindi kaya siya lamang ang tinutukoy na tagapagligtas? Yaong maglalayo sa akin sa aking malagim na landas? Sa taas ng kanyang pag-asa ay sinubok niyang iparamdam kay Legana kung gaano siya kabangis, isang pagsusulit kung talagang tapat si Legana bilang isang kasangga.
“Alam kong mapanganib ako, dahil kumakain ako ng—” Hindi pa agad matanggap ni Serapin ang katotohanan sa kanyang tunay na likaw ng bituka bilang halimaw.
“—laman ng tao. Nakakapagtakang hindi mo alam ang tungkol sa pagiging pinakamalakas. Sigurado ka bang ang Balawis ang tinutukoy mo?” Usisa ni Legana. Ngayon ay tumataas na tiwala ni Serapin sa mga kaalaman ni Legana bilang dating babaylan, at lumuwag ang kanyang kalooban nang walang masipat na takot o panlilinlang sa mga mata ng kausap.
            Bagama’t hindi niya ipinapakita, nag-uumpisa ng kilabutan si Legana. Naglilikot na ang kaniyang mga mata hanggang sa mapalingon sa kalangitan. Dumidilim na.
            “Dapat pala akong mag-ingat sa’yo kung gayon,” pinilit ni Legana na bumuo ng isang ngiti, “Lagalag—o Balawis.” At natigilan ang Manggagaway nang mapatingin siya sa pisngi ng binatang Kampon. May mga hibla ng buhok roon na tila ba wala naman kanina lamang.
            Muli siyang tumingin sa langit.
Balawis. Sinong mag-aakalang takipsilim na pala?
“Bakit?” Ani Serapin.
Para bang naglahong bigla ang mga hibla sa mukha ng binata.
Namamalikmata lamang ba ako?
“Kanina ka pa nakatitig sa akin, Legana.” Nakangiti pa ang binatang Kampon.
“Kasi—” Tanging saad ni Legana.
“Nangangamba ka, eh hindi naman bilog ang buwan.” Ngumiti si Serapin. Sa ngiting yaon tuluyang napawi ang lahat ng pangamba ng dalaga—na nagpabagting ng bagong ritmo para sa sayaw ng kanyang damdamin. Nakakayamot talagang tumitig sa isang maamong mukha habang iniisip ang bangis ng kabaligtaran nito.
Mabilis na iniwas ni Legana ang kanyang mga mata sa anyong tao ng kinatatakutang halimaw. “Nasaan na nga tayo?”
“Ang tungkol sa Balawis. Marahil ay dapat nga tayong magtungo sa sinasabi mong Pinatubo. Baka doon ay malinawan tayo ng husto ukol sa mga tunay nating kakayahan bilang mga Kampon.” Ani Serapin.
Umiling si Legana, “Hindi ko sana nais palawigin ang aking kakayahan bilang Kampon. Ang tingin ko nga sa dugo ko’y isang sumpa.”
“Subalit malakas ka, at higit pa roon, itinakwil ka na ng iyong kinikilalang lahi.” Tutol na tugon ng binata. Matapos ilang sandali’y napakibit-balikat ito. “Sa bagay, hindi naman talaga mabuti ang layunin ng mga Kampon. Pero ikaw, mabuti ang layunin mo. Nais mo lamang naman ayusin ang lahat ng kamalian.” At maaari mo rin akong tulungang pigilan ang kanilang nagbabadyang pagdating sa kapuluan.
Natawa si Legana. “Alam mo kung minsan, mistula kang sugo ni Bathala. Minsan nama’y tunay ngang halimaw ka.”
“Gayon talaga kapag may dalawang katauhang namumuhay sa iisang katawan. Nangangamba lamang ako sa pagdating ng panahong malulukob na ako ng lagim at tuluyan akong mawawalan ng katiting kong kabutihan.” Nabigla si Legana sa nangilid na luha sa bilugang mga mata ng binatang Kampon. Halos basag ang tinig ng Serapin nang siya’y magpatuloy, “Ayokong dumating ang pagkakataong ikaw na ang aking magiging biktima, kaibigan.” Sa pagkakataong ito’y mukhang seryoso si Serapin.
Mas dapat mong pangambahan ang kabaligtaran, Serapin. Hindi alam ni Legana kung siya ba’y mapapangiti o maduduwal sa labis na kaba. Dinaan na lamang niya sa buntong-hininga ang lahat.
Pagkasinghot at pagkatuyo ng mga luhang kamuntikang tumulo ay nagwikang muli ang binata, “Kung gayon, walis. Paano natin ito sisimulan?”
    “SAAN BA TAYO PUPUNTA?” Ani Minana nang mapansing matagal-tagal na rin silang naglalayag ni Alon sa karagatan. Lalo siyang pinamahayan ng kaba ng mawari ang pamilyar na mga ulap at hampas ng karagatan.
            Namahinga ng sandali si Alon sa pagsagwan. “Iuuwi na kita.”
            Tama nga ang kaniyang hinala. “Ano? Kung dahil na naman ito sa kapalpakan ko, maaari bang kalimutan na lang natin iyon? Maganda raw ang baybayin ng Paraguwa, doon nalang tayo magtungo.” Bakas sa mukha ni Minana ang yamot at suklam sa kanyang tunay na tahanan. Labis ang galit niya sa kanilang tinubuan, ang Kagaian.
            “Narinig mo ako, Minana.” Tanging bulong ng Taga-Ilog.
            Nagsusumigaw na si Minana, “Bakit kinakailangan mo pa akong ibalik sa piitang yaon?!”
            “Mas magaan ang buhay mo sa Kagaian, hindi gaya nitong nahihirapan ka sa aking mga paglalakbay. At isa pa, ang Kalasag ni Bita, mapanganib ang pagdaraanan kong pagsasanay upang makamtan ang rurok ng kakayahan ko bilang tagapamahala nito.” Paliwanag ni Alon.
            Nakakapagtaka ang biglang pasya ng Taga-Ilog. Hindi maunawaan ni Minana ang biglang pagbabago sa kaniyang kababata. Maluha-luhang nagwika si Minana matapos balikan ng saglit ang nakaraan, “Hindi naman iyan ang iyong sinabi kamakailan lang. At lalong hindi naaayon iyan sa pangako mo noong lisanin natin ang Kagaian.”
            Napahinga ng malalim si Alon, “Hay, inisip ko na ring isusumbat mo sa akin iyan.”
            “Pinanghahawakan ko lamang ang iyong pangako. Ang sabi mo’y lalakbayin natin ang buong kapuluan ng walang paglingon sa lugar na yaon na yumurak sa ating pagkatao. Ang sabi mo’y kailanman ay hindi mo ako ituturing na pabigat. Ang sabi mo—”
            Kapwa na sila natahimik sa pagkakataong yaon.
    SINA ALON AT MINANA ay kapwa bahagi ng pangkat ng mga Mandaragat sa Kagaian. Kaiba sa ibang katutubong pangkat ng lahi, hindi ang kayumangging lupa ang tinubuan ng pangkat ng mga Mandaragat. Nababasa kaagad sa kanilang bansag ang layon ng kanilang kabuhayan, ang karagaratan. Kilala rin sila bilang Taga-Tubig at Mamamangka. Nakatira at isinilang ang karamihan ng mga Mandaragat sa Kagaian, kung nasaan ang pinakamahabang ilog sa buong kapuluan. Subalit nagkalat na rin ang kanilang pangkat sa kung saan may anyong tubig, gaya ng Irong-Irong, Maragundon at iba pa.  Ayon sa Tableta ng Katotohanan, sa tubig mismo isinisilang ang mga nilalang na ito, at mas malalim, mas maharlika. Halos kulay mais na ang kanilang buhok dahil sa tapang ng asin ng karagatan at mamula-mula ang kanilang mga balat. Mahuhusay sila sa paglangoy, pagsisid, paglalayag at panghuhuli ng kayamanang-dagat (pagkain, perlas at iba pa). Karamihan sa kanila ay nagtayo na rin ng tirahan sa ibabaw ng tubig, maaaring tiyakad o kasko. Hanggang puso ang kanilang pagkakakilala sa tubig, kilatis ang bawat hampas ng alon, maging ang pagsasayaw ng mga palikpik ng isda sa mga sapa at ilog. May agam-agam naman na may tuwid silang kaugnayan sa kabihasnan sa ilalim ng Karagatang Atlantiko, ang Atlantis.     
            Bahagi si Minana ng maharlikang pamilya sa kanilang pangkat. Apo siya ng pinakamatandang Mandaragat na siyang itinuturing na datu. Pinangalanan siyang Minana, dahil minana niya ang natatanging kakayahan ng kaniyang nasirang ina, ang pagiging isang Sirena. Subalit gamit ang kuwintas na bughaw na tulya, bigay ng kaniyang ina bago ito mamatay, naikukubli ni Minana ang pagkakaroon ng buntot, kahit pa yumapak siya sa tubig.
            Nagmula naman si Alon sa Maragundon, at ipinadala siya ng kaniyang pamilya sa Kagaian gaya ng iba pang batang lalaki ng kanilang pangkat, upang maging mahusay na mandirigma at maninisid. Nanguna si Alon sa lahat ng kasabayan niyang magsanay. Nandahil sa kaniyang kahusayan, agarang naging maharlika ang dating timawang musmos. Sa edad na sampu, naging bahagi na siya ng hukbong tagapagbantay ng Kagaian.
            Sa pagsasanay na ito nagtagpo ang landas ng dalawa. Musmos pa lamang si Minana ay hinuhubog na siya ng kaniyang lolo upang maging mahusay na babaylan ng pangkat. Nakilala niya ang walang imik subalit may kakaibang husay na si Alon, na siyang inatasang magturo sa kaniya ng pakikipaglaban. Naisip kasi ng matanda na mas matututo si Minana kung halos ka-edad lamang niya ang magtuturo sa kaniya, na maaaring mag-umpisa sa laru-laro at magtapos sa natatanging kagalingan. Naging magkasundo ang dalawa at sabay silang lumaki.
            Naging babaylan na nga ng Kagaian si Minana at si Alon naman ay naging mahusay na daranganan. Sa kanilang panahon, si Minana ang itinuturing na Dakilang Babaylan ng Lahing Kayumanggi. Bukod sa kanyang angking kariktan, mayroon siyang tapang at karismang hindi matawaran ng kahit sinong babae sa buong kapuluan. Si Alon naman ang naging imahe ng tunay na daranganan sa buong kapuluan. Matipuno, magandang tindig, at higit sa lahat, mahusay sa digmaan. Kumalat ang kanilang kuwento at mga larawan sa mga umalohokan ng bawat pangkat. Maraming lalaki at babae ang siyang nanghihinayang na tungkulin ang kanilang isinapuso at hindi ang paghahanap ng kabiyak. Dahil sa pagiging bantog ay naging abala sila sa kani-kanilang mga tungkulin na halos hindi na sila nagkakausap o nagkikita. Subalit sa rurok ng kanilang tagumpay bilang mga kilalang pinuno ng mga Mandaragat, isang pangyayari ang tila ba sumira sa kanilang nagniningning na mga ngalan.
              Nagdiriwang ang lahat para sa pagdami ng isda sa Ilog Kagaian. Katatapos lamang ng hapunan nang hindi inaasahang magkasalubong sina Minana at Alon sa liwasan ng pangkat.
            “Hindi kita napansin sa isang tingin.” Bulong ni Alon nang makita ang dalagang babaylan sa likod ng magarang kasuotan at mga makukulay na seda at maliliit na perlas na tumatabing sa kaniyang mukha. Saglit na naglaro sa isip ng binata ang nakakatuwang pag-iyak nito sa tuwing madadapa sa pagsasanay.
Nanlaki ang mga mata ni Minana nang makita ang daranganan. Nagkikita sila paminsan-minsan subalit masyado silang abala upang magkausap. Sinulit ni Minana ang pagkakataon.
“Halika, magtungo tayo sa pampang,” Anyaya ni Minana sa binata. Yumukod naman si Alon at sumama sa kaniya. Nang marating nila ang pampang, naging maligaya ang kanilang usapan, lalo’t tungkol ito sa mga nakatutuwang karanasan nila nuong sila’y mga bata pa.
“Inakala kong wala kang binatbat sapagkat isa kang babae. Ngunit aminin mo, utang mo sa akin ang iyong kahusayan, Dakilang Babaylan.” Pagbibiro ni Alon na nagpatawa kay Minana.
“Mayabang ka pa rin, hindi ka na talaga nagbago.” Tugon naman ng babaylan. May munting ritmo na nabubuo sa kaniyang puso na matagal-tagal na ring nananahimik.
“Sa palagay ko’y nalalaman ko na ang lahat tungkol sa iyo.” Saad ng dalaga. “Umamin ka, ako ang nagpiga ng mga kataga diyan sa manhid mong dila.”
“Marahil. Madaya ka kung tutuusin. Pinilit mo akong magkuwento ng magkuwento dahil hawak mo ang kapangyarihan ng iyong lolo. Subalit hindi naman ako nabigyan ng pagkakataong makilala ka ng husto.” Hindi man nakabusangot si Alon ngunit bakas sa kaniyang tinig ang tampo. Ngumiti si Minana.
“Wala naman akong masyadong ikinubli sa iyo. Dalawang bagay lamang ang hindi mo nalalaman tungkol sa akin.” Sa pagkakataong ito’y pinagmasdan ni Minana ang kaniyang anyo sa sa mala-salaming tubig. Noon lamang niya nawari ang panibagong hubog ng kaniyang anyo, malaki na talaga ang kaniyang pinagbago. Napatingin din siya kay Alon, hindi na ito gaya ng butuhing musmos nang huli silang magtagpo. Matipuno na ito at bakas na ang maraming napagdaanang digmaan.
“Hindi pa ba panahon para malaman ko ang mga lihim na yaon?” Nakangiti si Alon. Bihira lamang siyang ngumiti. Mukhang hindi lang kataga ang napiga ni Minana mula sa daranganan.
Napalalim ang hinga ni Minana sa sinabing yaon ni Alon. Tinanong ni Minana ang kaniyang sarili kung karapat-dapat ngang malaman ni Alon ang kaniyang mga ikinukubli. Tumayo siya at inilapit ang mga paa sa pampang.
Nang mapansing nadidimlan na siya ng malalabay na puno sa may pampang, inumpisahan na niyang hubarin ang mga sedang bumabalot sa kaniyang katawan.
Namula si Alon. “Minana, batid mo naman sigurong malalaki na tayo ngayon. Hindi na tayo maaaring maligo ng sabay.”
Lumingon lamang si Minana at ngumiti. Maya-maya pa’y tuluyan na siyang walang saplot. Tanging naiwan ay ang kuwintas na tulya sa kaniyang leeg. Marahan niyang inilubog ang kaniyang sarili sa tubig. 
Ngatal na nagwika ang binata at mabilis na tumalikod. “O sige, dito lamang ako sa pampang. Hindi ako titingin.”
“Masdan mo ako, Alon.”
Namutla ang daranganan. Umiling siya at utal na tumugon. “Nahihibang ka na ba? Ang iyong katawan—hindi ko maaaring makita—kasi—basta—mapang-akit—ay!—ang ibig kong sabihin ay—”
Mahinhing tawa ang tugon ni Minana. “Ang aking lihim. Ang sabi mo’y gusto mo itong makita”
“H—hindi bale na lamang—ako ay aalis—”Natigilan si Alon nang batuhin siya ni Minana ng kung ano. Halos pikit na lumingon si Alon upang salatin ang ibinato sa kaniya ng kaibigan. Ang kuwintas na tulya. Kumikinang ito sa ilalim ng bilog na buwan.
Lalong ikinagulat ni Alon ang lumulutang na kariktan sa ilog. Matingkad ang pagkabughaw ng kumikinang na mga kaliskis. Mistulang pilak ang mga malalaking palikpik. At ang mahiyaing mukha ni Minana na halos natatabunan ng mahaba niyang buhok.
“Ikaw ay isang—”
“Sirena.” Iginala ni Minana ang malikot niyang buntot sa ilog. Nakakagiliw pagmasdan. Kahit ang gulat na puso ni Alon ay lumambot dahil sa nakakaaliw na kagandahan ng mistulang nimpa ng dagat.
“Huwag mong sabihing nahuhumaling ka na sa akin?” Mapaglaro ang tinig ni Minana. Napalunok lamang si Alon.
Lalong nanlambot ang mga tuhod ng matatag na mandirigma nang magsimulang bumuo ng mapang-akit na musika ang kilalang uri ng nilalang na may malamyos na tinig.
“Ang iyong tinig, tila ba simoy ng hanging amihan.” Lumapit si Alon, hindi man lamang batid ang nababasa niyang kasuotan. Lumubog siya sa tubig, hinabol ang tinig ng nakakagiliw na sirena. Nang magkatagpo sila, agad na inilapat ni Minana ang kaniyang maiinit na palad sa pisngi ng binatang tila ba panandaliang nawala sa kaniyang sarili.
“Maganda, labis na kagandahan.” Tanging mga kataga mula sa hibang na binata.
“At ang aking ikalawang lihim ay,” nginig pa si Minana nang ilapat niya ang kaniyang kulay rosas na mga labi sa labi ni Alon. Pakiramdam ng dalaga’y isa siyang isdang nakawala sa bakol, malayang nakakasayaw at nakikipagbuno sa mabilis na ragasa ng alon sa tubig.
“Mga talipandas!” Isang malagong na tinig ang tila ba pumitik sa harapan ng binata. Mabilis na inilubog ni Minana ang sarili sa ilog. Naiwan si Alon na nakatitig sa kawalan, nagtataka ng labis kung paano siya nakarating sa gitna ng tubig.
“Ang aking tiwala’y niyurakan mo ng husto, hangal.” Sa wakas ay nakilala rin ni Alon ang nagmamay-ari ng tinig. Mula ito sa kagalang-galang na datu ng Kagaian.
“H—hindi ko maunawaan.” Yaon na lamang ang nasabi ni Alon. Hindi na siya nakaalma pa. Buong-buo na sana niyang tatanggapin ang anumang parusa dahil sa mataas na paggalang niya sa datu. Subalit ang mga sibat ng mga mandirigma ay mabilis na hinarang ng kanilang babaylan. Kapwa silang basambasa ni Alon.
“Ang naganap ay hindi gaya ng inyong iniisip, mahal na datu. Ako ang may sala. Ako ang umakit sa kaniya.”
Namutla si Alon sa kaniyang narinig. Saka lamang niya naalala ang hubad na katawan ni Minana na nadidimlan ng malalabay na puno ng bakawan.
“Ikaw babae, sulong sa kasko. Ngayon din!” Mariing utos ng datu. Nanatili si Minana sa harapan ng lahat na may tingin ng pagkamuhi sa kanila ni Alon.
“Hindi. Kung sasaktan niyo ang daranganan, kalimutan niyo na ang inyong babaylan.” Alam ni Minana na hindi siya matitiis ng matandang Mandaragat.
            “Minana, hindi mo nalalaman ang iyong sinasabi!” Si Alon naman ang nagsalita. “Dalhin niyo na ako kung saan niyo man balakin. Ang babaylan ay walang kaugnayan sa akin.”
            “Alon?!” Bulalas ni Minana.
            “Magsitigil kayo! Makinig kayong lahat. Mula sa araw na ito, hindi na kikilalaning bahagi ng mga Mandaragat ang hayup na lalaking ito. Ang sinumang babali sa aking mariing utos ay mauutas.” Napuno ng takot ang lahat sa utos ng datu. Napayukod na lamang si Alon sa labis na kahihiyan. Malakas siya at maaaring ipaglaban ang kaniyang karapatan sa pamamagitan ng kaniyang natatanging kahusayan bilang isang mandirigma, subalit sa pagkakataong ito’y pinili niya ang inaakala niyang wastong hakbang.
            Ngunit sa oras ng paglisan ni Alon, hindi napigil si Minana na talikdan ang kaniyang tungkulin para lamang sundan ang binata.
            “Ayokong sumama ka sa akin dahil ayokong pagsisihan mo ang pasya mong ito balang araw.” Malumanay na sabi ni Alon habang itinataboy ang dalagang handang-handa na sa paglisan.
            “Mas magsisisi ako kung hindi ako sasama sa iyo.”
            “Tatapatin na kita. Kapatid lamang ang tingin ko sa iyo. Maaaring naakit mo ako sa anyo mong sirena ngunit yaon ay bahagi lamang ng iyong kakayahan bilang—”
            Natawa si Minana. Halos maluha siya sa katatawa. “Alam mo, kaibigan, hindi mo alam ang sinasabi mo. Mapaglaro ang mga sirena. Ipinakilala ko lang sa’yo kung ano talaga ako. Yun lang. Pero ano pa man, sasama pa rin ako sa’yo, bilang isang tunay na kaibigan.”
            Hindi alam ni Alon ang itutugon. Pakiramdam niya’y napahiya siya, ngunit gumaan din ang kaniyang dibdib dahil hindi niya nasaktan sa anumang paraan si Minana sapagkat hindi naman pala siya mahal nito.
            Ngumiting palibak si Minana at saka biglang nagwika sa mas mataas na tinig, “Isasama mo ba ako, o ipagsisigawan kong dala ko sa’king sinapupunan ang ating magiging—”
            Agad na binusalan ng binata si Minana ng kaniyang kamay.“Magtigil ka nga. Ayoko ng isipin, nakakapangilabot. Sige na. Kasya pa naman siguro ang isang makulit na sirena sa aking balsa.”
            Hinatak ni Minana ang kanang kamay ng binata at inilapat ang palad nito sa kaniyang dibdib.
            “Ano na namang kahangalan—?!”
            “Mangako ka na lalakbayin natin ang buong kapuluan ng walang paglingon sa lugar na ito na yumurak sa ating pagkatao. At mangako ka na kailanman ay hindi mo ako ituturing na pabigat. At mangako ka na hinding-hindi mo ako iiwan.” Mistulang datu kung mag-utos ang Tiga-Batis.
            Dahil sa kaba na kung ano na naman ang maganap sa paglapat ng kamay niya sa dibdib ng babae, agad na tumugon si Alon, “Sige, pangako. Pangakong hindi kita iiwan. Maaari mo na bang lubayan ang aking kamay?”
            Ngumiti si Minana at kapwa nila nilisan ng tuluyan ang lupain ng Kagaian.
  “DINAAN MO KASI AKO SA PASPASAN.” Tanging bulong ni Alon matapos nilang balikan ang nakaraan.
            “Hindi ka naman umalma nang araw na yaon.” Napahalukipkip si Minana sa tampo, “Nakilala mo lamang ang Musa, nagkaganyan ka na.” At busangot na bumulong ng, “Kung tutuusin naman, mas kaakit-akit ako sa kaniya.”
            “Anong sabi mo?” Matalas man ang pandinig sa kumpas ng tubig, bingi naman si Alon sa mga katagang dapat marinig.
            “Ayokong umuwi. Maaari naman akong sumama sa iyong pagsasanay, napakayabang mo talaga.” Diin ni Minana. Halata na ang panginginig ng kanyang kalamnan.
            Tumingin sa kalayuan si Alon, “Mapanganib nga.”
            Tumayo si Minana sa may gilid ng balsa. Halos ipagtulakan na siya ng lakas ng hangin. “Ilang taon na tayong naglalakbay ng magkasangga, anong mayroon at bigla mo akong itinatakwil ng ganito?”
            Ni hindi siya nilingon ng Taga-Ilog. Tahimik lang ang binata at walang itinugon kahit ano. “Itigil mo na ang kahangalang ito, Minana.”
Natahimik na lamang si Minana at maya-maya’y napahikbi.
            Nabigla si Alon. Matagal-tagal na rin niyang hindi nakikitang lumuha si Minana. Mukhang sa pagkakataong ito’y nasaktan siya ng husto. Matapos ang ilang sandali’y humagikhik ang dalaga habang pinapawi ang luha sa kanyang bughaw na mga mata. “Kung aakitin kita sa anyong sirena, wala kang magagawa kundi sundin ang nais ko.”
            “Hindi ko maunawaan kung bakit kinakailangang umabot sa ganito.” Itinigil ni Alon ang balsa.
            “Ikaw ang hindi ko maunawaan. Nakakainis ka na.” Walang anu-ano’y tumalon si Minana sa dagat, at inihagis ang kuwintas na tulya sa ibabaw ng balsa. Nabigla na lamang ang binata sa pagtalsik ng tubig-dagat sa kanyang mukha, mula sa hampas ng kumikinang na buntot ng nakatampuhang sirena. Hindi man siya inakit ni Minana nang magpalit-anyo, napag-isip rin siya kung dapat nga bang iuwi ang kaibigan pabalik ng Kagaian.
  ~…~
1 note · View note
Photo
Tumblr media
“Sa wari ko’y may suliranin kayo sa apoy~”  -  Liyab
2 notes · View notes
Text
Narito na ako ulit.
Mainit-init pa. Chapter 4: Init
Salamat!!!
Tumblr media
1 note · View note
Photo
Tumblr media
"Patutunguhan sa buhay, sa palagay ko’y wala ako niyon." - Serapin
2 notes · View notes
Text
Chapter 4: Init
-4- Init
"Makinig ka sa akin, Legana!" Sa kabila ng mabigat na katotohanang bumabalot sa isipan ng Balawis ay hindi siya natigilan sa pagpapakalma sa itinuturing niyang kasangga sa kagubatan. Lalo pa siyang nagulumihanan nang makita sa di-kalayuan ang papalapit na mga sulo ng apoy, siyang tangan ng mga palabang Pintados. 
Patuloy na tumakbo si Legana. Wala na rin siyang sapat na lakas upang makabuo ng itim na anino. "Naloko na, mukhang ako pa ang napag-initan ng halimaw na ito. Bahala na." Hindi pa rin tumitigil sa alulong at atungal ang Balawis. May takot na sa puso ng dalaga. Hindi na niya alam ang kasunod na gagawin.
"Ang itinakwil!" Sigaw ng mga katutubo sa kabilang dako ng kagubatan. Lumalim ang paghinga ng dalaga.
"Peste. Hanggang sa pagkakataong ito'y ako pa rin ang nakita nila!" Ngayon ay sinubok niyang patunguhan ang masukal na bahagi ng gubat. Ngayo'y isang malalim na ilog na ang tumambad sa kanya. "Hindi ako marunong lumangoy," Bulong niya. Lumingon siya. Naroon na ang Balawis sa kanyang likuran, matalim ang tingin, tila mamamaslang ng walang pakundangan. Nanigas siya ng tuluyan nang mapukol ang kanyang mga mata sa matatalim na ngipin nito.
Tahimik lamang na tinitigan ng dalaga ang Balawis, habang patuloy na nag-iisip ng paraan. "Magpasalamat ka, hindi kita maaaring iwan. Ano na ang gagawin natin ngayon? Sa laki mong iyan, hindi na kita maaaring bitbitin ng aking anino. At baka bago pa tayo makalayo'y naubos mo na ako..." Aniya sa kanyang isipan.
"Ikaw ba ang hinahabol nila? Ngunit bakit?"
Makapanindig-balahibong ungol ng halimaw.
Dahan-dahang umatras si Legana. Hindi na niya mapigil ang panginginig, lalo't malamig ang gabi.
"Pakinggan mo akong mabuti, kaibigan. Makinig kang mabuti. Ako si Serapin. Ako ito, Legana. Tatakutin ko ang mga katutubo. Kung ikaw nga ang hinahabol nila'y kailangang tumakbo ka na ng patakas ngayon habang may pangamba pa sa puso ng mga may bitbit ng sulo nandahil sa aking pagsalakay...!"
Nanatiling nakatitig sa kanya ang kaaba-abang Manggagaway. Tahimik at matamang nag-iisip. Muli'y nangibabaw ang hiyaw at dagundong ng mga hakbang ng mga katutubo. Nangingilid na ang luha sa mga mata ni Legana subalit pilit niyang pinigil ito.
"Bilis, mga kasama, mag-uumaga na!”
Nandahil sa pagwikang yaon, kapwa napatingin sina Legana at Serapin—ang Balawis, sa maliwanag na buwan. Minasdan nila ang silangan. Nagbabadya na sa pag-angat ang haring araw.
Patago ang ngiti ni Legana. Ipinagpatuloy naman ng Balawis ang kanyang binabalak. Sumugod siya sa mga katutubo at walang humpay na inalulungan ang mga ito upang lumayo sa itinakwil na babaylan sa kanyang likuran (bagama't hindi pa niya alam yaon). Ngunit sa gitna ng kanyang pananakot at kaunting pananakit sa mga Pintados ay nakadama na siya ng panghihina. Lumalabo na ang kanyang paningin. Bumabagal na ang kanyang pagkilos. Nangangalahati na ang bilog na buwan. Unti-unting naging malinaw ang mga kanina pa iwiniwika ng halimaw na kasalukuyan nang naliliyo sa gitna ng kagubatan. Umalis ka na, "Legana, umalis ka na!" At tuluyan na niyang nilisan ang mundo ng kamalayan.
"Sa wakas. Nahimbing ka rin." Agad na niyapos ni Legana ang butuhing binata at saka nag-umpisang ibuo ng isang matinding panlipat-lugar ang natitira niyang lakas.
"Ikaw—" Si Akgi, siyang namumuno sa pangkat at muhing-muhi sa kanyang kaharap.
"Ano? Taksil o takwil? Pareho." Sabay kumpas. Kapwa sila naglaho sa kagubatan ng Irong-Irong. Nagsisigaw na lamang sa galit ang mga katutubo. Naguluhan na naman s Akgi at muli'y muhing-muhi kay Legana sapagkat magiging kahiya-hiya na namang daranganan sa harap ng kanyang datu.
    ANG MGA KRISTALES na butil ng tubig sa maamong mukha ni Alon ay utay-utay na natuyot habang nakadipa niyang iniaalay ang bawat patak mula sa kanyang katawan, patungo sa nakangiting kalangitan, kasama na rito ang patak ng kalungkutan mula sa kanyang bughaw na mga mata. Marahan niyang ipinukol ang mga matang nangungusap ng hapis sa nakahimlay na kariktan sa loob ng magarang kasko. Pinagmasdan niya muna si Radha sa loob ng ilang sandali, at saka kinuha ang kanyang salakot, pamingwit at tampipi. May isa pang balsa sa tabi ng pergola kung saan siya marahang sumakay at tumindig upang panatilihin ang pagkalutang ng payak na sasakyan. Isa na namang sulyap ang iginawad niya sa natutulog na Musa, at sa huli'y napabuntung-hininga na lamang habang nagsisimulang magsagwan patungo sa kabilang bahagi ng batis. Nagpaalam siya sa mga isdang naging nakatutuwang pagmasdan sa tuwing siya'y mamimingwit. Nagpasya na siyang lumayo mula sa bagong paraiso, nagbabaka-sakaling mas magiging magaan ang kanyang kalooban kung hindi na muna niya magigisnan ang mapanuksong kagandahan ng kasalukuyang isinisigaw ng kanyang kalooban. Pag-ibig? Hindi niya batid, subalit hindi na niya kayang damhin pa ang pait habang patuloy ang pagtatangi ni Radha sa halimaw na yaon.
    "SAAN MO SIYA BINABALAK DALHIN?" Nakakapangilabot na naman ang bulong ng Nimpa ng Babaylan sa tainga ni Legana habang ikinukubli niya ang binatang Kampon sa kakahuyan.
"Mariposa?" magkahalong gulat at pangamba ang naglalaro sa isipan ni Legana ng mga oras na yaon.
"Nagmamabagal na ang paghilom ng kanyang mga sugat. Mukhang naabutan ng bukang-liwayway na sugatan ang binatang ito. Halina't dalhin natin siya sa aking paraiso!" Hindi pa rin nagmumulat si Serapin at napakarami ng kanyang galos. Sinaplutan siya ni Legana ng kanyang talukbong at pinahiga muna sa magabok sa lupa. Iiling sana siya ngunit agad na nagwika ang Nimpa, "Kailangan mo ang tulong ko, kaya kahit man lamang sa oras na ito'y kaligtaan mo muna ang ating pagkakaiba. Halika na at sumama na kayo sa akin." Pagkasaad ay agad na ibinuka ni Mariposa ang magara nyang pakpak. Nakakagilalas ang paglapad nito upang maging sapat na pansamantalang himlayan ng walang malay. Naupo naman si Legana sa tabi ng binata upang agapayan ito. Mabilis lamang ang kanilang naging paglalakbay. llang sandali lamang ay narating na nina Legana ang parang langit na paraiso ng Diwata ng mga Babaylan.
    "TUNAY NGANG LUMISAN NA SIYA." Napatingin siya sa siga. Basa na ang bakas ng apoy ng kinagabihan.
"Hindi ko ninais na saktan ang kanyang damdamin. Sinabi ko lamang naman ang katotohanan." Nag-ikot siya sa paligid ng paraiso at nang hindi na talaga masilayan ang binatang kanyang naakit ng husto, tanging buntung-hininga na lamang ang kanyang naiwika. Pagkaraan ng mahaba-habang katahimikan ay muling nagbigay ng mga kataga ang Diwata sa kawalan, "Tanging katotohanan ang magpapalaya sa sinuman..."
"Kahit paano'y sang-ayon ako diyan..." Ang pagwikang yaon ay agad na sinundan ng kahina-hinalang pagkukusot ng mga siit sa kagubatan. Matapos ang kaluskos ay ang pagkasira ng napakagandang larawan ng kalangitan sa napakalinaw na sapa nang biglang pinagtalsikan ng kawayang pamingwit ang tubig sa paligid. Saka lamang napalinga si Radha sa biglaang bisita. Bata-bata pa ang dalagitang ito na nababalot ng bughaw na nakahabing saplot at ilang nakatirintas na hibla ng baging sa kanyang baywang, leeg, mga binti at maging sa kanyang ulo. Kapansin-pansin rin ang isang bughaw na tulya na nakakuwintas sa kaniyang leeg. May pagkalungkot sa kanyang mga mata, ngunit pansin sa kanyang kamao ang tindi ng kanyang pagkamuhi sa kasalukuyang kaharap.
"Anong ginagawa mo sa aking paraiso?" Agad na tanong ni Radha.
"Baka naman," Muli niyang itinaas ang pamingwit upang magpalupot sa mahabang buhok ng nagulumihanang Diwata ang manipis na lubid at idinugtong ang, "—paraiso ni Alon." Ang munting pagkakamali'y nagpakita na mas may tsansa si Radha sa dalaw niyang ito. Kay gilas pa ng pagkakadulas ng magagarang hiblang itim mula sa lubid na baging. Napangiting palibak lamang ang siyang nagkamali.
Ngayon na nangatwiran si Radha, "Hindi kita kinakanti o ni hindi kita nakikilala at ngayo'y nilalabanan mo ako?"
"Sabihin na nating nagmamalasakit lamang ako sa isang kaibigan..." Sinakmal niya si Radha at hindi binitiwan habang idiniit ang ulo ng Diwata sa kanyang pisngi. Nasamyo ni Radha ang alingasaw ng isda sa babaeng bisita. Isang mandaragat, aniya sa sarili.
"Ako si Minana."
Si Radha naman ang pambihirang nanlibak, "Malinaw pa sa tubig ng sapang ito ang tunay na pagmamalasakit mo kay Alon. Tila ba nais ko nang hindi paniwalaang kaibigan ka nga lamang ng Taga-Ilog. Nasisiguro kong kilala mo na ako, kapansin-pansing nagmamasid ka na ng matagal-tagal dito sa paraiso. Ngunit hindi ako nasisiyahan na naririto ka, Binibining Minana." Nanlumo si Minana nang biglang iniangat ng nagliliparang waling-waling ang Diwata ng mga bulaklak. Binitbit siya ng mga ito hanggang sa tuluyang mailagak sa kanyang kasko. Napuno ng talulot ng iba't ibang bulaklak ang sapa na siyang umangat upang magmistulang dingding sa bukasan ng malaking balsa na siyang nagsara ng daanan para kay Minana.
"Sabi nila'y hayok sa pagkakaibigan ang mga Musa." Sigaw ng babaeng mandaragat. "Ngunit mukhang hindi bakas sa iyo!" Nagpapalit-palit ng katayuan si Minana upang tuluyang mapabagsak ang nakaharang ngunit labis ang katibayan ng kalasag ni Radha. Paulit-ulit niyang tinira ng kanyang pamingwit ang mataas na pader ngunit walang naganap na pagbabago sa kanyang pagpapagod.
Patuloy ang katahimikan ni Radha sa loob ng kasko. Ipinikit niya ang kanyang mga mata habang patuloy na naririnig ang mga masasakit na pangungusap mula kay Minana, "Binigyan ka ng pagkakataong hindi man lamang dumaan sa akin ngunit ibinasura mo lamang iyon. Ngayo'y hindi mo masusukat kung gaano karurok ng pagkamuhi ko sa iyo!" Tuluyan nang naghalo ang luha at tubig nang mabasag na ang mga maharlikang mata ng Musa. Natahimik sandali ang paghahampas sa pader. Mas bumaba ang tinig ni Minana ngunit mas naging matalim ang mga ito, "Inakit mo siya ngunit itinuring na parang kasangkapan. Hindi ka na dapat nabigyang-buhay pa..."
Nakalupasay na sa sapa si Minana nang buksan ni Radha ang kanyang harang. Nanatili siya sa kalangitan habang marahang nagwika, "Kung nais mo ang pagmamahal niya, umalis ka na at siya'y sundan mo't maging maligaya kayo."
Sa kabila ng kalamigan ng sapa at ng hampas ng hangin ng kinaumagahan, nananatili ang init ng nag-aapoy na mga mata ng nakasadlak sa babayin, "Ni hindi yaon ang aking sadya sa iyo."
    MADILIM ANG BUONG KAGUBATAN. Mistulang yungib ng lagim ang anyo nito habang mag-isang tinatahak ni Serapin ang masukal na daan. Bilog na bilog ang buwan subalit hindi siya nagpalit ng kanyang anyo. Nanatili ang kanyang mga mata sa kinang ng langit sa loob ng ilang saglit.
            “Balawis.” Binigla siya ng isang mababang tinig. Napalingon siya. Nasisiguro niyang lupa lamang ang kanyang tinatapakan kanina lamang.
            Subalit ito’y ginto na ngayon. Nagkalat ang mga piraso ng ginto sa lapag, ang ilan ay tumutunog pa sa tuwing ilalapat niya ang kanyang talampakan.
            “Kumusta ang mga unang araw mo sa labas?”
            Batid niya kung saan nagmumula ang tinig, subalit hindi niya nasisiguro kung sino ang nagmamay-ari nito. Lalo umigitng ang kanyang pagkilala sa tinig nang sundan ito ng hagikhik ng tila isang kabayo.
            “Bakit kayo naririto?” Wari’y nagwiwika sa wala, umalingawngaw lamang ang nangangambang boses ng binatang Kampon sa kawalan.
            “Nakakatawang isipin na sa iyo pala namumuhay ang ating pinuno. Wala kaming pagpipiliian kundi ang hubugin ka.” Usok naman ngayon ang kumalat sa buong kagubatan. Marahang naubo ang butuhing baguntao.
            “Hindi ko maunawaan.”
            “Dahil wala ka naman talagang nalalaman, Serapin. Isa ka lamang payak na manyikang pinamumugaran ng mataas na antas ng kapangyarihang itim. Isang kagamitan.” Matinis na ang sumunod na tinig. Dinig na dinig ni Serapin ang pagaspas ng pakpak kasabay ng magaralgal na tinig.
            Nanindigan si Serapin. “Kung iniisip niyong maaagaw  niyo ang aking pagpapasya, nagkakamali kayo. Mananatili akong walang alam kung ang layunin nito’y ang iwasan ang pananakit ng iba.”
            Naghalakhakan ang mga tinig. Nabanas ang binatang Kampon sa ginawa nilang panliliit sa kanyang tuwid na paniniwala.
            “Parating na kami. Nariyan na ang ilan. Ilang panahon na lamang at uubusin na natin sila.” Anang Kapre habang ngatab ang kanyang tabako.
            “Pansamantala, ang Kuta ay nasa paligid lamang, binata. Handa na ang iyong hukbo anumang oras. Kinakailangan mo lamang na yapusin ang katotohanan.” Mistulang tigidig ang tinig ng Tikbalang.
            “At sa pagkakataong yaon, haharapin mo, sa ayaw mo’t sa gusto, ang iyong kapalaran—ang wakasan ang Lahing Kayumanggi.” Umalingawngaw ang nakakarinding tawa ng Aswang.
            Nanghina si Serapin sa kanyang narinig. Pinilit niya sa kanyang sarili na kaya niyang pigilan ang pag-usbong ng kasamaan sa kanyang budhi, sa kabila ng kasuklam-suklam na halimaw na namumuhay sa kanyang katawan. Pumikit siya.
            Wala na ang mga tinig sa kanyang muling pagmulat. Mag-isa na siyang muli sa kagubatang yaon. Subalit may mga papalapit na nilalang mula sa kalayuan.
            Limang nilalang ito na pinalilibutan ng naghahalu-halong makukulay na liwanag. Sinubok niyang umatras, subalit bumibilis ang kanilang pagdating, at hindi niya maikilos ang kanyang mga paa.
            Lumapit sa kanya ang isa sa kanila, yaong pinakamatikas at mistulang pangunahing mandirigma sa katipunuan. Subalit habang papalapit ito sa kanya ay nagpapalit ito ng hubog, hanggang sa tuluyang maging isang ganap na dalaga.
            Si Legana.
            Lumapit ito sa kanya at bumulong sa mahinahong tinig, “Huwag kang mag-alala, Serapin. Gagawa tayo ng mainam na hakbang. Magiging maayos din ang lahat.” 
      MARAHANG NAGBUKAS ang mga bintanang kanina pa nakapinid. Halos walang lakas si Serapin sa payak na pagmulat ng kanyang mga mata. Nang maalimpungatan ay agad niyang hinanap si Legana na siya namang natutulog sa isang malapad na papag sa di kalayuan.  Kahit paano'y nakahinga ng maluwag ang binata nang mapansing hindi naman nagalusan ang dalagang kasangga nang gabing nagdaan.
Si Legana? Anong kinalaman niya sa mga Kampon?
Dahan-dahan siyang bumangon, mahigpit ang kapit sa malaking haligi sa kanyang tabi, unti-unting kinuha ang kanyang balanse. Winari niya ang sarili kung naliliyo ngunit hindi naman masyadong umikot ang paligid nang umpisahan niyang humakbang. Napatingin siya sa kanyang sarili.
Malinaw na malinaw ang kanyang panaginip, gaano man kalabo ang pahiwatig nito. Nangamba siyang baka dumating na ang araw kung kailan hindi na niya kilala ang kanyang sarili, kagaya ng mga oras kung kalian nagawa niyang saktan si Radha. Mas lalo siyang nangamba nang maunawaan niya ang ipinahihiwatig ng kanyang panaginip. Darating sila, at sa ngayon, masyado siyang mahina upang pigilang mangyari yaon. Maaaring malakas ang Balawis, subalit kilala niya ang mga Engkanto. Alam niyang ang kanilang pagdating ang siyang wawakas sa Lahing Kayumanggi, kahit pa wala ang tulong ng kinatatakutang Balawis. Hindi maaari.  
Umiling siya at pilit na iwinaksi ang lahat. Itinuon niya ang sarili sa ibang bagay. Nang umagang yaon ay mayroon siyang magarang saplot. Yari pa yata sa ginto ang ilang nakakabit sa pula at kulay-kapeng tela na nakabalot sa kanyang nanghihinang katawan. Nagkaroon na ng maraming tanong sa kanyang sarili, nasaan sila at paano siya nadamtan ng gayon. Halos magsisigaw na ang binata nang gulatin siya ng nagliliwanag na Nimpa sa kanyang harapan na may napakahabang buhok, si Mariposa.
"Sino ka?" Paos ang kanyang tinig at nangangati nga ang kanyang lalamunan.
"Ako si Mariposa, ang Diwata ng mga Babaylan. Mukhang naaliw ka sa iyong bagong suot, Lagalag." Hindi nabubura ang ngiti ng Diwata habang siya'y nagwiwika.
"Serapin ang aking ngalan. Bakit kami naririto? Ikaw ba ang nag-aruga sa amin ni Legana? Bakit? Huwag mong sabihing isang babaylan si—" Sadyang naputol ang pangungusap ni Serapin at napatingin na lamang sa nahihimbing na dalaga.
"Siyang tunay. Isa nga siyang babaylan. Dating babaylan. Tinulungan ko si Legana sa paglalayo sa iyo mula sa kamay ng mga katutubo. Mabigat ka rin, kahit butuhin, binata." Humagikhik pa si Mariposa na siyang nagpapula sa tainga ng binatang Kampon. "Ito nga pala ang aking paraiso."
Ginambala ang maikling pag-uusap ng mahinhing pag-ubo ng dating babaylan. Gising na pala si Legana. Naniningkit pa ang kanyang mga mata habang inaaninag ang binatang kasangga, "Serapin? Gising ka na pala..."
Parang nawalang-bisa ang pahinga ni Legana nang biglang lumakas ang tinig ng binatang Kampon, na nagsisigaw na pala. "Ilang beses kitang sinabihan at sinigawan na tumakas ngunit hindi ka nakinig! Tumitig ka lang, nanatiling tila haligi! Ikaw ang nagpahamak sa ating dalawa, kay bagal mo kasing mag-isip! Tinatakot ko ang mga katutubo upang makatakas ka't makaligtas ngunit anong ginawa mo? Nanatili kang parang puno ng akasya! Gaano ba kabagal ang takbo ng utak mo? Ha? Ha?!"
Kapwa napaatras ang Diwata at Manggagaway sa lakas ng galit ni Serapin. Napakarami pa ng nais niyang sabihin. Ngunit hindi nagpadaig si Legana.
"Teka nga muna." Banas na pasubali ni Legana nang bumangon siya sa pagkakahimlay. Mabigat ang kanyang mga paghakbang patungo sa binatang Kampon. Uminit ang kanyang ulo at saka gigil na umalma.
"Hindi mo ako sinigawan, Lagalag. Inalulungan mo ako. Rarararar. Gayon. Sa tingin mo ba'y maiintindihan ko ang pag-atungal mong hindi naman wika ng tao?"
Nanatiling pula ang tainga ng binatang Kampon.
"At bakit ka ba nababalisa? Nakaligtas tayong dalawa. May kaunti tayong galos at bahagyang nanghihina pa, ngunit ang mahalaga'y ligtas tayo." muling pangangatwiran ni Legana. Napakibit-balikat lamang si Mariposa sa nagtataasang tinig ng dalawang magkasangga—nga ba?
"Hindi mo ba naiintindihan? Maaaring pinili mo ang madaling paraan—yaong hindi tayo magagalusan ng ganito. Kung naunawaan mo sana kahit papaano ang—" pilit na paliwanag ni Serapin.
"—ang ano? Wala ngang kauna-unawa sa mga inalulong mo sa akin. Ano ba ang bumabagabag sa iyo? Wala na tayong suliranin, ako naman sana ang unawain mo, binatang Kampon!" hindi na nakapagpigil ang dalaga.
"Anong sabi mo?" bumaba ang tinig ng baguntao.
"Kampon. Hindi ba tama ako? Isa kang Kampon. Isa kang salot. Ikaw ang dahilan ng kabuktutan sa kapuluang ito. Kung hindi ka sana lumabas, wala sanang nangangamba sa pagkahayok mo sa laman ng tao." Mahina ang tinig ng Manggagaway ngunit sintalim ng punyal ang dating nito sa binatang kaharap.
"Kampon. Halimaw. Tama. Alam mo naman talaga. Ano ba naman ang maikukubli ko sa isang kagaya mong Babaylan...?!" ngayo'y si Serapin na ang nagbukas ng lihim na nabunyag.
Namayagpag ang pakpak ng Nimpa sa gitna ng nagbabangayan. Nagliwanag siya na siyang nagpayukod sa dalawang Kampon, kung tutuusin. Ang isang Manggagaway at isang Balawis ay kapwa mas malakas sa kabilugan ng buwan. Nalalaman yaon ng Diwata ngunit hindi na niya inihayag pa sapagkat husto na ang bangayang nagaganap sa kanyang paraiso. "Husto na. Kapwa kayo naglinlangan. Kapwa kayo hindi nagkaunawaan. Yaon ang kabuuan ng usapang ito. Ngayon ba'y maaari na kayong humanap ng makakain?"
Palibak na ngumiti si Legana. Busangot pa rin si Serapin. "Tama si Mariposa, hangal. Tena't mangaso!"
Nag-init muli ang mga tainga ng binatang Kampon at nag-umapaw muli ang kanyang poot, "Aba ako talaga'y—subukan mong mangaso at ika'y aking—"
Kumumpas na si Legana. Naglaho na siyang bigla bago pa man matapos ni Serapin ang kanyang matinding pagbabanta. Ngayo'y naiwan siyang inis na inis sa paraiso ng Diwata. Bagama't Kampon, namumuhi si Serapin sa mga nilalang na nagmamalupit sa mga hayop, lalo na ang mga mangangaso.
Napahagikhik ang Nimpa, "Simulan mo na sigurong magsibak ng kahoy." At iniladlad na rin niya ang kanyang magarang pakpak upang sundan ang dating babaylan.
    KASALUKUYANG NASA LAOT NA ANG TAGA-ILOG nang maisipan niyang ipahinga ng sumandali ang kanyang balsa. Mataimtim niyang sinalat ang tubig. Nanlaki ang kanyang mga mata. Ngayo'y sinanghap niya ang hangin. 
"Hagupit ng pamingwit at samyo ng walingwaling? Hindi maaari. Minana?" Ipinikit niya ng mariin ang kanyang mga mata at matamang nagbigay-tuon sa kanyang kalooban habang ang mga mumunting kusot sa tahimik na laot ay utay-utay na naglakihan bilang mapanalasang alon. Mabilis niyang sinagupa ang taliwas na agos ng tubig, pabalik sa paraiso ng nililiyag na Musa.
Malayo pa'y tanaw na ni Alon ang lakas ng ipu-ipo at ang makukulay na talulot na kumukuyom sa paraiso. Naulinigan na rin niya ang mga mapanirang kutya ni Minana sa Musa na siyang pinapalabo ng malalalim na paghinga.
"Minana!" Sigaw niya. Naantala ang anaki'y bagyo. Nanatiling nakalutang ang Musa sa kalangitan. Lumuwag ang kapit ni Minana sa kawayang pamingwit. Matikas na tumindig si Alon sa lumulutang na balsa na marahang dinuduyan ng kabughawan ng sapa, habang pinawawalan ang mariing utos, "Sakay sa balsa."
Namuo ang luha sa sulok ng mga mata ng dalagang mandaragat habang halos hindi mahulma ang mga nararapat niyang sambitin, "Hindi marunong tumanaw ng utang na loob ang babaing—!"
"Wika ko, sakay sa balsa!" Kapwa napaangat ang mga balikat ng dalawang dilag sa gulat. Walang isinusumpong na awa ang mga mata ni Alon habang pinasasakay si Minana sa nasabing balsa.
Magwiwika sana si Radha ng kanyang tanging katag subalit si Alon pa rin ang bumasag sa katahimikang siya ang lumikha. "Hindi ko naipaalam ang aking paglisan, patawad. Susubukin kong linangin ang aking nalalaman ukol sa ibinahagi ni Bita sa akin."
Nagwika rin sa wakas si Radha, "Alon, ang iyong pinapalawak na kakayahan ay dulot ng kasamaan. Si Bita ay kalasag ng Kampon, Taga-Ilog." Ni hindi na niya naisip na itanong muli ang ginawa ng Balawis sa kanya nang nagdaang gabi.
"Lilisan na kami." Tugong walang pakiramdam. Ang namumula't labis na napahiyang si Minana'y mistulang pagong na nagkukubli sa kanyang bahay. Sumakay siya sa balsa. Tungkulin ni Radha na pangalagaan ang kapuluan at maaari niyang tapusin ang hindi pa nasisimulan ng Taga-Ilog na ngayo'y pumapanig sa Kampon. Ngunit hindi. Batid niyang layunin ni Alon ang maging mas makapangyarihan kaysa sa nakasagupang halimaw kamakailan. At sa huli'y hinayaan niya itong makaalis.
    "KAMPON! NGAYON AY NANINIWALA AKONG isa siyang tunay at walang bahid-buting Kampon!" Paulit-ulit na usal ni Legana habang namimitas ng mais.
"Mais? Sa wari ko'y sinambit mong mangangaso ka, dili kaya, Manggagaway?" Usisa ni Mariposa sa kanyang paglapag sa bukirin, habang kinakandili sa kanyang mga daliri ang isang ginintuang paruparo.
"Panlilinlang, Mariposa. Kahit papaano'y nailahad sa akin ng hangal na yaon ang pagtatangi sa mga hayop. Mamatamisin ko ang mga ito." Sa wakas, ang sinag ng kaligayahn ay namutawi sa namumutlang labi ng Manggagaway. Matapos bumuntung-hininga ay muli siyang nagwika, "Inaamin ko. Labis akong nasisiraan ng loob sa dami ng mga naganap at maaaring maganap. Alam kong hindi kami titigilan ng mga Pintados hangga't hindi nila kami napapatay ng binata."
"Maaari kayong manatili sa aking paraiso, ngunit hindi gaanong matagal sapagkat batid kong malapit nang humingi ng tulong sa aming mga Diwata." Handog ni Mariposa ng may kibit-balikat. Lumipad ang paruparo at sa isang munting bulaklak naman nahumaling ang Nimpa.
 “Alam ko. Ang pananatili rito’y hindi naman panghabambuhay. Kailangan ko ng mga sagot, Mariposa. Ako ang nabukas ng pagkakasalang ito, ako ang dapat na magbalik ng lahat ng dati.” Nawalan na naman ng ngiti si Legana. Muling bumilis ang tibok ng kanyang puso habang minamasdan ang tirik na araw.
 “Kanina lamang ay ibinunton mo ang sisi sa Lagalag. Nakakatuwa ka talaga.” Nakingiting paningit ni Mariposa.
Naupo si Legana at bumunot ng isang damo habang patuloy na tumataas ang kanyang emosyon. “Batid kong mali. Ang mga nauna kong balak sa kanya—ni hindi ko na masabi kung ano. Nalalaman mong hindi ko na kaya pang ituloy yaon na siya naman taliwas sa layunin kong ibalik ang lahat sa dati. Salamat sa pagkukubli, Mariposa. Kahit sa bagal kong mag-isip, naunawaan kong yaon ang tinutukoy mong panlilinlang kanina lamang.” Humigpit ang kapit ni Legana sa mais na kanyang pinitas.
 “Wala ako sa lugar upang sabihin kay Serapin ang nalalaman ko ukol sa mga bagay na iyan. Sa bagay, tulad ng tingin ko sa iyo, naniniwala ako sa mabuting kalooban ng binatang iyon, at sa kawalan niya ng kaalaman ikol sa mga kaya at dapat niyang gawin.” Buntung-hininga ni Mariposa. Nahulog ang mais sa lapag nang lumuwag ang kapit ni Legana rito.
 “Sinasabi mo bang hindi siya lumabas ng yungib upang maghasik ng lagim sa buong kapuluan dahil hindi niya alam yun?” Napatingin si Legana sa direksyon ng Hamtik.
Patutunguhan sa buhay, sa palagay ko’y wala ako niyon.
Naglaro ang mga katagang ito sa ulirat ng Manggagaway habang marahang pinupulot ang masi na kanyang nailaglag.
 “Yaon na nga, marahil. Natahimik ka, bakit? Naguguluhan ka bang muli?” saad ni Mariposa ng may ngiti.
 “Labis. Sa lahat. Kahit itong mais na ito.” Buntong-hininga.
    WALANG NAGAWA SI SERAPIN kundi ang magsibak ng kahoy habang patuloy na bumubulung-bulong kung gaano siya kainis at kung gaano niya kinaiinisan ang babaeng iyon. Nagbalik si Legana at inilapag ang bungkos ng mais na kanyang inani. Sa isang kumpas muli’y naglaho’t bumalik si Legana, bitbit naman ang isang tali ng tubo. Napalunok si Serapin dahil inaasahan na niyang darating na ang kaaba-abang hayop sa muling pagbabalik ng dalaga.
 “Tsk. Pagkahirap buhatin ng mga niyog na ito. Sa bagay, naging malamig ang hangin sa itaas ng puno.” Kausap ni Legana si Mariposa. Nanatiling tahimik ang binata. Bitbit niya ang limang ulo ng niyog at muli na namang naglaho. Sa kanyang pagbabalik, maingat na ang kanyang lakad upang hindi mabubo ang tubig-ilog sa loob ng sisidlang kawayan.
 “Ang hayop? Nasaan?” nginig na tanong ni Serapin.
“Minatamis na mais. Yaon ang ating kakainin maya-maya lamang. Sindihan mo na ang inihanda mong siga habang kinakayod ko itong niyog.” Paliwanag ni Legana.
Patagong ngumiti ang talusaling binata. Inumpisahan niya ang siga. Matagal siyang magsindi. Malakas ang hangin. Hirap na hirap siyang makabuo ng apoy.
 “Sa wari ko’y may suliranin kayo sa apoy~” Isang mabalasik na tinig na may pagmamataas sa kabila ng pagiging pandak ng nagwika.
Hindi naman nangamba ang Diwata. Sa halip ay nilapitan niya kaagad ang hindi inaasahang bisita. Bahagyang nadimlan ng itim na talukbong ang ningning ng may-ari ng paraiso.
“Hindi lingid sa iyo ang aking pagdating, hindi ba, Mariposa?” Iginala ng panauhin ang kanyang mga mata at natigilan nang mapukol ang tingin sa isa pang dalaga sa loob ng paraiso. Minasdan niya ang kasuotan ng dating babaylan.
“Siya ba?” Anang bagong dating.
“Siya si Legana, ang dating babaylan ng mga Pintados. Kung nagtungo ka dito mula sa iyong bagyuhing isla pasa sa dalagang ito, natitiyak kong hindi ka matutuwa sa kanyang naging kalagayan.” Marahang saad ni Mariposa. Natigilan ang binatang Kampon sa pagsisindi ng siga upang pakinggan ang napipintong balak ng bagong dating.
“Nalalaman mong mas ikinasisiya ko sa tuwing hindi ako natutuwa sa kalagayan ng isang babaylan.” At sa muling paghinga ng bisita, halos nasawi sa gulat ang Lagalag nang biglang magliyab ng walang pagsisindi ang nasabing siga. “Hayaan mo akong magpakilala sa iyong mga naninirahan, dakilang kasangga.” Kapwa nadama nina Legana at Serapin ang pangambang dumaloy sa kanilang mga ugat habang patuloy na namukadkad ang pula at kahel na bahid ng apoy, na siyang nagpainit sa kaninang mahalumigmig na paraiso. “Ako si Liyab.”
“Maghunus-dili ka, Anak-Araw. Palamig ng kalooban, maaari ba?” Hindi pa rin natitinag si Mariposa sa nag-aapoy na pagdating ni Liyab. Nagmula sa bagyuhing tipak ng Camiguin, bantad ang mga Anak-Araw para sa matinding pagtatangi sa mga babaylan. Taliwas sa Kodigo ng Lahing Kayumanggi, inilalagay nila ang mga babaylan sa rurok ng pagtatangi, ibinibigay ang lahat ng nais nito, maging ang karapatang mag-asawa. Ang pagtatanging ito’y hindi lamang para kanilang mga sariling babaylan kundi para din sa lahat ng babaylan sa buong kapuluan. Dumating si Liyab sa paraiso ni Mariposa upang mailigtas ang itinakwil na babaylan ng Hamtik at upang maghasik ng kanyang paghihiganti sa mga Pintados. Binabalak niyang dalhin si Legana pauwi sa kanyang bagyuhing tahanan.
Ang kaanyuan ni Liyab ay kagaya ng mga payak na Anak-Araw, ang kanyang mala-ulap sa puting balat ay nababalutan ng itim na talukbong bilang panangga sa sinag ng kanilang “ama”, ang Araw. Kabalintunayan, ang mga Anak-Araw ay may balat na hindi maaaring masinagan ng araw, kung kaya’t tanging ang mga mata nilang walang bahid itim ang nasisilayan sa tuwing bihis sila ng kanilang mga talukbong. Halos ginintuan ang kadilawan ng kanilang buhok at ang mga labi nila’y mapuputla subalit daig pa ang dugo sa pagkapula kapag sila’y napopoot. Hindi pangkaraniwan, iyan ang madalas na sabi ng iba ukol a mga nilalang ng Camiguin.
Ngunit higit pa sa pagiging payak na Anak-Araw, si Liyab ay isang natatanging mandirigma sa kanilang bayan. Matalas ang kanyang kaisipan at may mataas ng antas ng pisikal na lakas. At higit pa riyan, siya ang nakakuha ng Elemental na Kalasag ni Ayo, na siyang nagbigay sa kanya ng kabalintunayang paraan ng paggamit ng apoy, lalong nagliliyab sa tuwing iniisip niya ang mga malalamig na bagay. Konntroladong galit ang susi sa kapangyarihan ni Ayo, kung kaya’t habang nananatiling niloloob ng binatang ito ang kaniyang poot, lalo siyang mangingibabaw sa kapangyarihan ng apoy.
“Maniwala ka, nakanginginig ang lamig ng aking kalooban.” Ngiting palibak. Bawat kataga niya’y may impit na nakababanas. Kung hindi lamang sa matinding pagtatangi niya sa mga babaylan, maaari siyang mapagkamalan bilang lalaking hayok sa laman. 
      “BAKIT KA BA NARIRITO?” Saad ni Legana, nakapamaywang at kunot muli ang noo sa sobrang irita. Banas na banas siya dahil ginawang uling ng hangal na Anak-Araw ang kanilang tanghalian. Lumapit din si Serapin ngunit nanatiling tahimik.
            “Dakilang babaylan ng Hamtik, paumanhin sa pagsira sa iyong hapag. Hindi mo ba talaga nalalaman kung bakit ako naririto?” Pulang-pula ang mga mata ng Anak-Araw.
Nagliyab din ang damdamin ni Serapin sa kanyang nasaksihan. Tama sila, nasa paligid lamang ang Kuta ng Kampon.
            “Umalis ka na, Liyab.” Ani Mariposa. Minsan niyang naisip sukuan ang kapusukan ni Legana, lalo nang malaman niyang isa itong Manggagaway. Ito ang dahilan ng pagdulog ng Nimpa sa mga Anak-Araw, ngunit nang makilala niya ang dalaga ng lubos, binawi na niya ang pakikipagkasundo sa mga tiga-Camiguin. Lalo na’t batid niya ang ginagawa ng mga nilalang ng araw sa mga itinakwil na Babaylan kapalit ng magandang buhay na ibinabalandra nila para sa mga babaeng ito.
            Humadlang si Serapin, tila binabakudan si Legana ng kanyang butuhing braso. “At sino naman ang butuhing binatang ito?” Usisa ni Liyab habang pinagmamasdan ang Lagalag mula ulo hanggang paa.
            Tumitig ng may bahid tapang si Serapin pabalik kay Liyab kahit pa namamawis ang mga palad ng binatang Kampon sa kaba. Sabi nito, “Hindi mo ikatutuwang malaman.” Matuto kang gumalang sa iyong pinuno—ano ba ang aking pinag-iiisip?!
            “Lagalag, hindi gabi ngayon. Hindi mo siya kakayanin.” Bulong ng Manggagaway.
Ngumiti si Serapin, “Sinong may sabing susubukan ko? Kumpas!”
            Niyapos ni Serapin ang dalaga habang nilalamon sila ng itim na anino upang dalhin sila palayo sa bagsik ng apoy ni Liyab.
            Limampu, limampu at limampung dipa muli at sa wakas ay narating nila ang dalampasigan. Nanatiling nakakulong si Legana sa mga bisig ng binatang Kampon at nang masumpungang ligtas na sila, biglang nawalan ng ulirat ang pagod na dalaga. Inakala ni Serapin na pagod lamang ang pinagmulan ng pagkawala ng malay ni Legana subalit nagngalit siya ng husto nang masilayan ang nagliliwanag na baga ng apoy, gumuguhit sa leeg ng abang Manggagaway.
“—sumpain ka, Anak-Araw.”
  ~…~
0 notes
Text
Tuluy-tuloy na :)
Chapter 3: Pagkakakilanlan, narito na. :D
Tumblr media
Wala ng atrasan ito. :D
0 notes
Text
Chapter 3: Pagkakakilanlan
-3- Pagkakakilanlan
"May inihaw na tulingan sa siga..."
"Hindi ako nagugutom." Nagmasid si Radha sa buong nilalagian ng Taga-Ilog. Napakaganda. Tahimik. Banayad ang agos ng tubig sa sapa at tila musika ang hampas ng hangin sa mga dahon. Bahagya siyang napapikit sa kulay kahel na sinag ng umagang yaon. Naging nakagigiliw rin ang awit ng mga ibon. Napatingin siya sa mga munting talulot sa lupa. Bigla siyang natauhan.
Tumblr media
"Ano ang nangyari kagabi?" agad na usisa ng Diwata. Tulad kagabi'y nakatitig na naman ang Taga-Ilog sa sapa at sukob na naman ng salakot ang kanyang mukha. Biglang naglaro sa isip ni Radha ang bughaw na mga mata ng binata at ang nakagigimbal na pagsunod ng tubig sa kanyang mga kumpas. Binasag ng binata ang kanyang pagtitig sa kawalan.
"Inamin mo lang naman ang iyong pagkakasala sa buong kapuluan." Napahugot ng hininga si Radha sa itinugon ng binatang mandaragat.
“Inamin ang alin?” Nagimbal si Radha. Alam niyang napakarami niyang ikinukubli na hindi maaaring malaman ng iba.
“Hindi na yaon mahalaga, hindi ko rin naman gaanong naunawaan.” Nanatili pa rin ang mga mata nito sa tubig. “Ang nakakapagtaka lang, nagawa mong ipagtanggol ang halang na halimaw.”
"Isa siyang kaibigan. Hindi niya nalalaman ang kanyang ginagawa." Matigas na tugon ni Radha. Bahagyang nayamot ang binata.
Tuluyan nang nabaling ang usapan sa kaligtasan ng Musa. "Wala sa sarili. Hindi pa rin sapat upang ipahamak ang iyong sarili..."
Agad na napatingin si Radha sa kanyang katawan. Saka lamang niya napukol ang mga mata sa mga pasa at galos sa kanyang mga braso. Bigla niyang nadama ang hapdi ng malalim na kalmot sa kanyang leeg.
"Sinaktan niya ako?"
"Sapat na sigurong patunay ang mga galos na iyan. Wala sa katinuan ang sinasabi mong kaibigan, binibini." Tugon ng Taga-Ilog.
Napabuntung-hininga ang Diwata. Alam ko, tugon niya sa kanyang isipan. Subalit wala siyang pakialam. Basta't nalalaman niya ang katotohanan ukol sa halimaw ay wala siyang pakialam. Lumapit siya sa binata at saka nagkomento sa mga isda.
"Hindi kaibigan ang mga isda kundi pagkain. Ngunit minsan, nagagawa nila akong mapangiti dahil sa makukulay nilang mga palikpik. Oo nga pala, anong uri ng Diwata ka?" tugon at tanong ng binata.
Nangamba si Radha bago siya tumugon.
“Huwag kang mag-alala, hindi naman ako taga-rito. Hindi nila paniniwalaan sakaling dumulog ako sa tribunal ukol sa iyong ginawa. Maaaring maraming bagay ang hindi ko maalala kagabi, subalit malinaw ang iyong pag-amin. Lalo akong nalinawan nang marinig ko ang balita mula sa umalohokan kaninang umaga.” 
Ngumiti sa wakas ng Diwata at saka nagpakilala ng may pagyukod, "Musa. Musa ng mga Bulaklak. Ako si Radha."
"Tinanong ko lamang ang iyong uri at hindi ang iyong ngalan. Kung nagbalik na ang iyong lakas ay maaari ka nang lumisan. Mahilig ang mga Diwata sa paraiso. Maghanap ka ng iyo..." nakangiti ang Taga-Ilog na tila nakakaloko. Napakunot ang noo ng Musa. Mukhang namumuro na ang binatang ito.
"Lilisan ako kung nais ko. Wala namang nagawa ang tubig mo sa aking salamangka kagabi. Maaari ko yaong ulitin kung itataboy mo akong muli." banta ni Radha. Tumawa lang ang binata. Lalong nabanas si Radha.
"Paumanhin, binibining Musa, mawalang-galang na, subalit sa aking palagay ay hindi mo batid ang mga kaya kong gawin. Tama na yaong iniligtas kita mula sa halimaw. Ang pananatili dito'y ibang usapan na." Isa na namang sampal sa mukha at parang nanunumbat pa. Ngumiti lang si Radha at pilit ikinubli ang pagkayamot.
"Nakakatawa ka. Kung tutuusi’y mas kilala ko ang kakayahan mo kaysa sa’yo." Kumunot ang noo ng Taga-Ilog.  Batid niyang sa kanya nga sumanib ang Elemental na Kalasag ng Tubig na si Bita subalit ang mga pangyayari kagabi ay mistula bang panaginip lamang. Alam niyang magkakaroon din siya ng ibayong lakas gaya ngsiyang lumaban kagabi, subalit kailangan pa niya ng sapat na oras.
Napabilib pa rin si Radha ng ipinamalas ng binata kagabi. Mukhang pinahanga si Bita ng malalim na pag-iisip ng binatang mandaragat kung kaya't agad siyang natipuhan ng kalasag. Tunay ngang ang banayad na tubig ay sa ilalim umaalon.
"Hindi man kami nagugutom sa pagkai'y hayok naman kami sa makakausap at makakapiling. Hindi ko lilisanin kaagad ang iyong lugar, binata. Sa bagay, tunay na mapang-akit ang lugar na ito at sapat na upang maging paraiso. Ano sa palagay mo?" Hayan na. Ang kapangyarihang nagmumula sa rikit at sinag ng ngiti kasabay ng malambing na tinig ng isang Bathaluman ng Kagubatan. Unti-unting tumingala ang mga bulaklak kay Haring Araw habang ang samyo ng waling-waling ay bumalot sa nakagigiliw na kalikasan. Ang tibok ng puso ng Taga-Ilog ay lumikha ng isang tunay na kaibig-ibig na musika. Langit. Napakahirap tanggihan. Tunay na mahirap pigilan.
"Sana'y may ngalan ka, binata." sabi ni Radha.
"Alon ang aking ngalan." tugon ng binatang di mawaglit ang titig sa mistulang Diyosa sa kanyang harapan.
"Ikinagagalak kitang makilala...at makasama, Alon."
HIKAB. Unat. Sa wari'y napakasarap ng himbing. Magabok ang lupa ng umagang yaon.
"Aray." Dahan-dahan niyang kinuha ang panimbang habang tinitiis ang kirot ng kanyang butu-buto't kalamnan. Lumingon-lingon siya sa kanyang kapaligiran. Hindi pamilyar.
"Mukhang mahirap makibagay rito, ngunit ano naman ngayon sa akin?" kausap pa ni Serapin ang kanyang sarili. Bahagya na siyang nakaramdam ng pagkalam ng sikmura. Naging banidoso na siya't hinipo na ang kanyang mukha. Nang masalat ang ilang siit at gabok sa sa kanyang mapang-akit na mukha'y agad niyang hinanap ang pinakamalapit na pagkukunan ng malinis na tubig. Natagpuan niya ang isang batis. Nagmamadali niyang pinawi ng tubig-batis ang bawat piraso ng tuyong dahon at alikabok at siit ng mga sanga mula sa kanyang mukha. Di kaginsa-ginsa'y sumigaw ang binatang Kampon.
"B--ba--bakit naganap ito???! Ako'y hubad na hubad!" Tulad nung una, kausap na naman ng binata ang kanyang sarili. Hindi tuloy siya mapakali sa kahahanap ng maaaring nakakita sa kanyang maseselang bahagi. Sinisid niya ang ilalim ng batis upang sana'y makakita ng malapad na dahon man lamang upang maikubli ang kanyang pribadong mga bahagi. Sinabayan pa ito ng paghalukay sa kanyang alaala kung ano ang tunay na naganap na siyang nagdulot ng sorpresang gaya nito. Nabigo siya. Walang dahon ang nakita, walang alaala ang nahugot.
Isang hinabing balabal ang bigla na lamang nahulog sa may pampang . Nang makita yao'y agad na hinanap ni Serapin ng tingin ang pinagmulan nito. Subalit hindi niya natagpuan ang mabuting-loob. Inisip na lamang ng binata na hulog ng langit ang nasabing balabal.
"Mukhang mahal pa rin ni Bathala ang mga tulad kong Kampon." Ngiti niya habang mabilis na itinatapis ang balabal na yaon. Sa wakas ay makakapag-uli na siya sa kakahuyan upang humanap ng makakain at hindi naman magmumukhang katawa-tawa.
SA DI-KALAYUAN ay nagmamasid ang itinakwil na babaylan at naging tuon ng kanyang pakikipagsapalaran ang paghuli sa mapanganib na halimaw.
"Tama ang kutob ko, siya nga. Sinong mag-aakalang ang isang butuhing binatilyo'y nagkukubli ng mamamaslang na Balawis sa kanyang pagkatao? Nakatutuwang bagay sa kanya ang aking tapis." Nanatili lamang sa itaas ng puno ang dalaga buong magdamag at dito niya napatunayan ang lihim ng dayong Kampon. Luntian ang balabal ni Legana, kung kaya't tila hunyango siya sa itaas ng puno habang minamasdan ang binatang Kampon mula sa kalayuan. Hinahangad niya ang pagkilala ng buong Hamtik sakaling maialay niya sa kanila ang ulo ng mapanganib na delubyo.
"Kung nais mo ang kanyang kamatayan, bakit hindi sa ganyang anyo?" Nakakapangilabot na nagmula ito sa isang kumukusap na nilalang sa likuran ng Manggagaway.
"Tiyang?" gulantang na usisa ni Legana.
Tila ba nag-apoy sa galit ang pisngi ng kausap, "Mariposa. Yaon lang ang itawag mo sa akin, maaari ba?!” Si Mariposa ay isang Nimpa. Siya ang Bathaluman ng mga Babaylan. Nang mga panahong hindi pa nalulukob si Marilen—ang ina ni Legana—ng Salamangkang Itim, isa rin siyang Nimpa. Magkaibigan sa loob ng mahabang panahon sina Mariposa at Marilen. Ngunit sa anyo ni Mariposa na hindi nagbabago sa loob ng maraming dantaon, wari’y magkasing-edad lamang sila ng dating Babaylan.
Natawa si Legana.
“Huwag mo nga akong pagtawanan!” Inis pa rin ang Diwata.
Panay ang halakhak ng Manggagaway. “Hindi ko mapigil ang aking sarili. Kung hindi mo ako pinakikialaman, hindi ka sana naiinis, Tiyang.” Mapaglaro pa rin ang tinig ni Legana.
"Bakit ba kasi ayaw mong tulungan kita?" Hindi na nakatiis na magtanong ang Diwata ng mga Babaylan.
"Una, hindi na ako ang Babaylan ng Pintados kaya wala ka na dapat pakialam sa lahat ng ginagawa ko. Ikalawa, hindi tayo dapat nag-uusap dahil hindi angkop sa kodigo. Puti ka, itim ako. At ikatlo, walang pakikipagsapalaran kung sasamantalahin ko ang kahinaan ng Kampong iyan at kung magpapatulong ako sa iyo." paliwanag ni Legana na halos hindi na pinag-iisipan ang kanyang mga sinasabi.
"O, kay rahas naman. Sa una, hindi kita nilapitan dahil babaylan ka at lalong wala itong kinalaman sa kodigo. Sa ikatlo naman, sumasang-ayon ako sa iyo ngunit mahal ko ang iyong ina." ngiti ang isinalubong ng Diwata kasabay ng panama sa pambabara ni Legana.
"Bahala ka." Sa isang kumpas, muli'y nilamon si Legana ng kanyang Itim na anino. Bagama't hindi kalayuan ang kanyang narating, hindi na rin siya sinundan pa ni Mariposa at nagbalik na siya ng puno ng sigla sa kanyang paraiso.
Ang Nimpang si Mariposa, na kilala sa kanyang kakaw na buhok na umaabot sa kanyang tuhod, ay ang Diwata ng mga Babaylan. Nabubuhay siya sa loob ng ilang dantaong di na kayang sukatin ng sinuman nagpapakasaya sa kanyang Paraiso. Sa kalikasan siya kumukuha ng sapat na lakas upang pag-ibayuhin ang kanyang Salamangkang Puti. Ang kanyang salamangka ay ang naging katuwang niya sa pagtupad sa kanyang tungkulin bilang tagapangalaga ng mga kaluluwa ng mga yumaong babaylan, mga itinakwil at yaong mga may karamdaman. Isa rin siya sa mga napili ni Bathala upang labanan ang mga Kampon na siyang sumisira sa kapayapaan ng Lahing Kayumanggi.
Sa kasawiang palad, hindi gayon kalakas ang kanyang kakayahan at hindi siya naging bihasa sa kanyang salamangka. Subalit sa haba ng kanyang itinagal niya sa mundong ibabaw ay dumarami na rin naman ang kanyang mga tsamba. Kung tutuusin, mas malakas pa noon si Marilen sa kanya nang sabay silang kumikilos sa pangangalaga ni Bathala.
Mangyari'y mas malala lamang ang kalagayan ni Legana sa kanya dahil walang sinuman ang naglinang ng kanyang kakayahan bilang Manggagaway mula nang mapadpad siya sa mga Pintados. Minsan ay sinisisi niya ang inang si Marilen na siyang nang-iwan sa kanya sa isla ng Panay. Batid niya kung saan siya mas matututo ng Salamangkang Itim, walang iba kundi sa Maragundon.
Napabuntung-hininga si Legana. Pilit niyang inalala ang Pitong Muktas na siyang inaawit pa nila ng kanyang ina upang kanyang makabisado ng husto. "Muktas berangi, sinong mag-aakala na ang payak na tsambang yaon ang sisira sa buhay ko? Hindi bale, napakarami ng dapat kong pagtuunan ng pansin. Kailangan kong mag-aral."
Namutol siya ng isang sanga at saka nagsulat sa isang palapa ng punong saging.
Muktas Berangi. Barang.
Kahit paano'y marami rin pala siyang natutunan bilang isang babaylan ng Hamtik. Ang pagsulat sa paraang baybayin ay isa sa mga kaalamang ito.
Muktas Leviteri. Lutang.
Bilang isang babaylan, naging napakarami ng naipasok ng mga matatandang Pintados sa kanyang isipan. Ang kasaysayan ng kanilang pangkat, ang Kodigo ng Lahing Kayumanggi, mga dasal at sayaw para sa Anito, maging ang paggamit ng punyal at sibat.
Muktas Halimunya. Halaman.
"Nagugutom na ako..." bigla niyang naisabi. Oo nga pala, sa haba ng gabi at sa dami ng kanyang naging pagsubok ay nalimot na niya ang gutom. At ngayong namamahinga siya'y heto na't nagpapapansin ang kanyang sikmura. Napansin niyang nawala na ang binatang Kampon sa may batis ngunit hindi na niya natiis ang gutom. Agad na siyang naghanap ng makakain. At sa kanyang paghagilap ay bigla siyang nakarinig ng kaluskos ng mga halaman. At isang mahinang tilaok. "Isang manok."
Minasdan niya mula sa malayo ang manok at pakubling naghanda para sa paghuli sa kanyang tanghalian.
"Muktas igipatri." Ang ikalimang ilusyon. Mga lubid.
Nanatiling nakawala ang manok. Nayamot si Legana.
"Peste...hindi umuubra ang salamangka sa hayop!" bulong niya habang nag-iisip ng bagong plano.
"Ang aking gulok!" Ang bawat babaylan ay may isang gulok, isang pinatulis na bato na pitong hinlalaki ang haba at dalawang hinlalaki ang lapad. Ang gulok ay para sa sapilitang pagkitil ng sariling buhay ng isang babaylan, dahil ang bawat isa ay sumumpang magpapakamatay na lamang imbis na magtraydor sa pangkat.
Hinugot niya ang kanyang gulok at saka tinantsa ang sikmura ng manok. "Hay naku, nagtraydor na ako at hindi ako murit para magpakamatay."  bulong niya. Akma na niyang ibabato ang patulis na sandata nang mapigil siya ng isang sigaw na tinapos ng isang piyok!
"Waaaaaaaaaaaag~!"
Hindi na nakakilos muli si Legana nang makilala ang tinig. Isang nakapanlulumong kapit sa kanyang braso ang nagpaantala sa balak niya sa gulok at sa manok. Nahulog ang gulok sa madamong lapag. Lalong nagulumihanan ang dalaga nang mapansin ang dalawang berdeng saging na dumuduro sa kanyang mukha.
"Magprutas ka na lang. Una, hindi ka dapat manganti ng hayop. Ikalawa, mainam ang prutas sa pagpapabata ng nangungulubot na balat." ngiti pa nito.
Hindi makapaniwala si Legana nang tuluyan niyang makilala ang tagapagtanggol ng manok. Walang iba kundi ang binatang Kampon. Namuo ang malamig na pawis sa kaniyang sentido. Maaari niyang gamitin ang kanyang salamangka subalit tila may tinig na pumigil sa kanyang gawin yaon. Napaisip si Legana. Hindi na siya nagpahalata.
"Pinupulaan mo ba ako?"
"Hindi pa naman, ngunit kapag itinuloy mo ang iyong balak sa kalunus-lunos na manok—"
"—at sino ka para—"
Tinapos ng binatang Kampon ang kanyang pangungusap, "Hindi kita titigilan hanggang kabilang buhay, Matandang Hukluban."
Nag-usok si Legana sa banas! "Anong—?! Sinong tinatawag mong matandang hukluban!? Hindi ako matanda!"
"Dalawa lamang tayo rito. Alangan namang ako?" lalong nagngalit si Legana. Agad niyang kinuha ang kanyang gulok. Halos nalimot na niya ang pambihirang panggulat dahil sa labis na  pagkainis.
Akma na sanang aalis si Legana nang muling magwika ang binata, "Iyang kunot mong noo? Mukha ka nang pitumpung taong gulang sa aking paningin—"
"Tigilan mo ako kung ayaw mong itarak ko ito sa'yo!" Itinutok ni Legana ng walang kiyeme ang gulok sa dibdib ng binata.
Hindi na tumugon ang binata at sa halip ay nagsumigaw, "Takbo, manok, takbo!" Tumakbo nga ang manok palayo. Tila pa yumukod ito ng pasasalamat sa binata bago io tuluyang tumakas.
"Ah! Anong—!" Naubusan na naman ng sasambitin ang dalaga nang muli siyang gulatin ng mga saging na nakatuhog sa kanyang gulok, at hindi sa dibdib ng Kampon.
"Sinabi ko na kasi sa iyo, magsaging ka na lamang. Kung nais mong tigilan kita, maging mabuti ka sa aking mga kaibigan. Lagalag ako rito subalit busog na ako sa mga prutas at halamang ligaw dito. 'Nga pala, ako si Serapin."
Palibhasa, maraming laman ang pinagpepyestahan mo kapag bilog ang buwan.Halos hindi narinig ni Legana ang sinabi ni Serapin. Muli na namang nagkabuhul-buhol ang diwa ng Manggagaway. Halos matunaw siya sa kanyang kinatatayuan. Masyadong matindi ang malasakit ng binatang Kampon sa likas na yaman. Tila napakalayo ng halimaw na hayok sa dugo't laman ng tao kapag gabi.
"Ikaw, sino ka?" Yaon lang yata ang nakapasok sa utak ni Legana sa haba ng sinabi ni Serapin.
"L-legana." Di na nga niya namalayang tumugon siya sa tanong na yaon.
Tumango si Serapin at muling ngumiti. Muli rin siyang nagtanong, "Lagalag ka rin?"
Hindi na tumugon si Legana. Agad na siyang umalis. Tinawag siyang muli ni Serapin ngunit hindi na siya lumingon. Tumakbo siya palayo sa binatang Kampon at saka lamang tumigil sa ilalim ng isang puno ng akasya. Tumingin siya sa langit at muling binalikan ang liwanag ng bilog na buwan. Saka niya muling naalala kung paano siya muntik na lamunin ng pambihirang halimaw.
Sa loob ng binatang mapagmalasakit ay isang walang sinasantong mamamatay-tao, aniya sa kanyang isipan. Sa tindi pa ng gutom niya'y lalo siyang nahirapang mag-isip.
"Naguguluhan ka?" Isa na namang nakapangingilabot na tinig.
"Ah! Sigurado akong hindi ako nagwika at narinig mo ako?!" tumayo ang mga balahibo ni Legana habang ngumingiting makabuluhan ang Diwata sa kanyang likuran.
"Salamangkang Puti. Dinig ko maging ang pag-agos ng dugo sa iyong nagsisikip na mga ugat. Mayroong ganito sa salamangkang itim. Mukhang hindi mo pa alam yaon." Naupo si Mariposa sa tabi niya at saka itiniklop ang kanyang makukulay na mga pakpak.
"Ang totoo niyan ay marami akong hindi nalalaman sa mga kaya kong gawin." Isa na namang buntung-hininga. "Ano na naman ang ginagawa mo dito?"
"Naisip ko lang na baka kelangan mo ng makakausap."
"Bilib din ako sa tibay ng loob mong kausapin ako." Kahit paano'y may maliit nang ngiti sa mga labi ng Manggagaway.
"Mas bilib ako sa iyo dahil kapansin-pansin ang pagkalambot ng puso ng babaeng nagnanais ng anghang ng buhay." muling mapaglarong ngiti ang kasabay nito.
Muling nabanas si Legana. "Tumahimik ka. Layas. Di kita kelangan dito." Bigla namang naglaho si Mariposa ng walang paalam.
"Aba, kadarating ko lamang ay pinaaalis mo na ako?"
"Lagalag?" Kadarating lang ng binatang Kampon. Ngayon ay kamatis naman ang dala. Mukhang wala na siyang ibang ginawa kundi ang kumain. Hindi yata nakikita ni Serapin si Mariposa o sadyang mabilis lamang itong nakaalis.
Inosenteng mukha ang iniharap ni Serapin sa dalaga. "Kung gayo'y hindi ako ang kausap mo kanina. Kakaiba ka talaga." Muling kumagat si Serapin ng bitbit niyang kamatis.
"At ano naman iyon sa'yo?" baltik ni Legana.
Napaigtad si Serapin sa muling pagputok ng butse ng kausap. "W-wala naman. Aalukin lamang sana kita nitong kamatis. Mainam din ito sa tumatandang kutis."
Ano pa, eh di muling nag-init ang dugo ng babae. Agad siyang naghimutok, "Bakit ba pirmi mo na lamang inaalipusta ang aking balat?!"
"Pagkat parating kulubot..." agad na sagot ni Serapin.
"Aba talagang ako'y—!" kunut-noong tugon ni Legana.
"Totoo naman. Hindi naman ako nagbibiro." Hindi nga nakangiti si Serapin sa pagkakataong ito. Ang totoo'y bakas pa sa maamo niyang mukha ang pag-aalala. Natameme si Legana. Di niya akalaing ganoon siya kabagal mag-isip at kabilis humusga. Nakuha rin niya. Tinutukoy ni Serapin ang kanyang kalungkutan. Parang ilog sa bilis ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata. Humarap siya sa langit at hinayaan ang hanging amihan na tuyuin ang mga kristales na ito kaagad.
Sa wakas at nagwika rin si Legana, "Naging marahas ang nagdaang gabi, kaya ganoon."
"Nagdaang gabi?" Doon na nag-umpisang makaramdam si Serapin ng biglang paghugot ng dugo mula sa kanyang ulo. Nakadama na rin siya ng pagkalutang ng isipan at ang paligid ay nag-umpisang umikot. Napahawak siya sa kanyang ulo. Makirot ito. Ilang segundo lang ay nawala rin naman kaagad.
"May dinaramdam ka ba?" nag-aalala si Legana. Kapwa pala silang tahimik sa loob ng ilang patay na segundo.
"Ah, wala. Naliyo lamang ng saglit. Maaaring gutom pa ako. Halika, sa palagay ko ay mas kumakalam ang iyong sikmura kaysa sa akin. Nangungusap na ang iyong tiyan kanina pa." Sa mga oras na yaon ay naging payapa ang kalooban ni Legana bagama't hindi pa rin nawawaglit ang kaniyang lihim na pagkamuhi sa ikinukubling halimaw ng binatang Kampon. Hinayaan niya munang makapasok sa kanyang puso ang nagkukumatok na pagkakaibigan.
“DYASKENG BATA. Kung hindi dahil sa kanyang kabuktuta'y disin sana'y hindi magiging ganito kapariwara ang pangkat." Ang isang nakagugulat na hampas sa mesa ng konseho ay nagpakita ng labis na pagkamuhi at pagkawala ng paraan bilang tugon sa lumalaganap na krisis.
"Hindi naging madali ang pagkilala ng nagkukubli sa nasabing halimaw sapagkat hindi naabutan ng aking mga tauhan ang ganap na pagpapalit-anyo." Hindi maitatanggi ni Akgi ang kahihiyan habang habang iniuulat niya ang kinahinatnan ng kanilang minalas na misyon.
"Hindi nakalilipad ang Balawis at walang matibay na balsang makakalayo sa Kabisayaan ang mabububo sa araw na ito. Mukhang kinakailangang palaganapin ang ating mga mandirigma sa bawat sulok ng Panay. Bibigyan ko kayo ng mga pilas ng molave upang maging patunay na kayo'y sugo ng Hamtik sakaling pagdudahan kayo ng Irong-Irong at Kalibo." Nag-iinit na sa sidhi ng poot ang datu ng Hamtik. Hindi pa rin nakakahirang ng bagong babaylan sapagkat kahit pa sadyang kay lupit ng puso ng kanyang anak-anakan ay di pa rin matatawaran ang angkin nitong dunong at husay sa larangan ng pagbababaylan. Naging salat naman sa makakain ang kampo dahil sa ilusyon ng barang, na siyang nagtulak sa mga katutubong isakripisyo ang kanilang mga pagkain nang gamitin nila ang apoy laban sa mga "barang." Lalong nagngalit ang mga katutubo nang malamang hindi talaga sila sinalakay ng barang kundi mga naglalaglagang dahon lamang pala.
"SAAN KA NAGMULA? Ang ibig kong sabihin ay saan ka isinilang?" tanong ni Serapin habang hiyang na hiyang sa kanyang upong-sandal sa isang malapad na bato. Sa totoo lang, ang ayos niyang ito'y nakapanliliit. Lalo tuloy naging balisa si Legana sa kanilang pag-uusap, lalo na't pinag-iigting pa ang kaguluhan ng sarili niyang masalimuot na sitwasyon na nangangailangan ng pagpili. Subalit pilit na nilalabanan ni Legana ang kanyang isipan. Mukhang hinahayaan na muna niyang mamukadkad ang kanilang umuusbong na pagkakaibigan. 
"Hindi sa lupaing ito. Sa kabilang kampo. Ay, hindi. Sa isang malayong isla na nga pala. Basta. Isipin mo na lamang na lagalag rin akong kagaya mo." Ngumiti si Legana upang pagtakpan ang kanyang pagkabalisa. Napukol ang mga mata niya sa lupa pagkawika. Napabuntung-hininga naman ang binatang Kampon.
"Ninanais ko na ring mamahay rito sa kagubatan, subalit kung titigil ako sa isang pook ay hindi ko masusumpungan ang aking hinahanap." nakatitig si Serapin sa may rumaragasang ilog. Nahihirapan namang tumingin si Legana sa kausap, lalo't naghahalo ang bughaw na tubig at kahel na kalangitan sa mala-perlas niyang mga mata.
"Hinahanap? Ikaw ba? Saan ka nagmula?" maang-maangan ng dating babaylan.
"Hindi rin sa lugar na ito. Nakakatuwang isipin na nagtagpo ang landas nating mga dayuhang lagalag. Huwag mo nang alamin ang aking pinagmulan at baka ako'y tuluyan mong layuan. Oo nga pala, patutunguhan sa buhay ang hinahanap ko." Halos walang tonong tugon ni Serapin na ingat na ingat sa kanyang mga isinisiwalat na katotohanan ukol sa kanyang sarili. Nalalaman niyang kinasusuklaman sa lugar na kanyang kinatatayuan ang mga Kampong kagaya niya. Hindi niya mawari kung paano siya nakalabas mula sa madilim na yungib kung kaya't pinangatawanan na lamang niya ang pagkalagalag sa kapuluan ng mga tao. Hanggang sa kasalukuya'y hindi niya alam kung ano siya. "Wangis ko ang mga nilalang na ito. Maaaring ang lugar na ito ang magtuturo ng katotohanan ukol sa akin," minsan niyang ibinulong sa kanyang sarili.
Napabalik ang isipan ni Serapin sa usapan nang mag-usisa si Legana, "—sa palagay ko naman ay mayroon kang patutunguhan."
"Sa tingin ko, wala. Maraming bagay ang hindi ko nalalaman tungkol sa aking sarili—o yaong hindi ko maalala." aniya matapos ihagis ang isang maliit na bato sa ilog. Natilamsikan ng tubig si Legana sa pisngi.
"Mukhang marami ka lamang hindi naaalala." hindi napansin ni Legana na lumakas ang kanyang tinig.
"Ha?"
"Wala. Tara na't kumain." anyaya ni Legana.
"Sa wakas at umamin ka ring nagugutom ka." biro ni Serapin. Kapwa silang tumawa. Mahirap maglihim sa isang taong (o Kampon) iniisip mong maaari mong maging kasangga sa pagiging takwil sa gubat. Ngunit sa pagkakataong ito, yaon ang nararapat.
Gabi na.
            Himbing na himbing pa ang binatang Kampon nang maalimpungatan si Legana na nasa di-kalayuan din namahinga. Bumangon ang dating babaylan at napangiting wala sa sarili nang masilayan ang mukha ng binatang naging bago niyang kasangga sa kagubatan. Napaka-banayad ng kanyang mukhang tila tupang nahihimlay sa ilalim ng bilog na buwan.
"—bilog na buwan? O, hinde." natauhan si Legana, lalo nang unti-unti naring tinutubuan ng makapal na balahibong itim ang pisngi ng mala-anghel na Kampon. Agad siyang tumakbo sa malayo at nagkubli sa likod ng isang malaking puno ng apitong.
"Muktas halimunya." Ilusyon ng halaman. Sa orasyong ito'y mababalot si Legana ng kung anong sa tingin ng iba'y magiging mga malalaking halaman na may malalaking dahon.
Maya-maya pa'y narinig na niya ang alulong ng kabagsikan. Nanginginig niyang minasdan ang Balawis na tila nagpapasalamat kung masdan ang Bilog na Buwan.
  "NAGPALIT NA SIYA." napakahinhing saad ng rurok ng kariktan habang inilalagay ang huling piraso ng bulakalak sa kanyang kaaya-ayang kasko. Napatingin kasi si Radha sa repleksyon ng buwan sa banayad na sapa. Buong pagod siyang iginawa ni Alon ng isang maharlikang pergola upang kanyang tirhan. Gawa ito sa matibay na narra at yantok ngunit natapos ito ni Alon sa loob ng wala pang isang araw. Mukhang ang iniisip ng mga Pintados ukol sa pagbuo ng balsa ay hindi akma sa mga mandaragat na kagaya ng Taga-Ilog.
"Sino?" usisa ng Taga-Ilog. Muli'y sa sapa at sa mga isda nakapukol ang mga mata ng binatang ito. Nanatiling maningning ang mga bituin ngunit inaagaw na ng maliwanag na buwan ang kariktan sa kalangitan.
"Si Serapin." anang Musa na hindi mailayo sa buwan ang tingin.
"Gayon nga. Ang kaibigan mong halimaw." matigas na sabi ng binata. Pumitik ng bahagya ang manipis na sinulid ng kanyang pamingwit habang pilit niyang ikinukubli ang pait sa kanyang pananalita.
"Hindi mo dapat siya itinuturing na ganyan, Taga-Ilog. Ispesyal siya para sa akin at ako'y nasasaktan sa tuwing pinupulaan mo siya sa aking harapan." bumangon si Radha at lukot-noong hinarap ang Taga-Ilog.
Tumawa ang Taga-Ilog. "O sige. Ang ispesyal na kaibigan mong halimaw. Puwede na ba yaon?" Hinatak ng binata ang naglulumikot na isdang nahuli ng kanyang pain. Kaagad niyang ikinulong sa bakol ang nahuling tulingan.
Lalong nabanas ang Musa. Lumakas ang hangin at lalong bumango ang kapaligiran dahil sa samyo ng waling-waling. “Nasisiyahan ako sa ginawa mong tirahan para sa akin, Alon. Maraming salamat. Ngunit hindi yaon sapat upang tuluyan mo akong alipustahin ng tulad nito.” Lumipad ang mahabang buhok ng Diwata ng mga bulaklak. Napahawak si Alon sa kanyang salakot sa lakas ng hangin ngunit hindi natinag ang binatang ito.
“Hindi ko alam kung bakit, ngunit tila lumalakas ako habang lumilipas ang mga araw. At hindi ikaw ang aking inaalipusta. Hindi ko yaon kayang gawin—” nagbadya na naman ng pag-alon ang tubig sa sapa pagkawika ng binatang mandaragat. “Basta.” Napabuntung-hininga si Alon. Muling namahinga ang mga alon sa sapa.
"Hindi ko pa rin mapapayagan ang paglalapastangan mo kay Serapin, Taga-Ilog." matigas na ang tinig ng Diwata. Hindi maitatangging nagngangalit na ang galit nito.
"Bakit? Napakabalintunayang mahalaga sa iyo ang halimaw na iyan." Sa wakas ay inilayo na ni Alon ang mga mata sa sapa. Hinarap na niya ang dalagang nangingilid na ang luha sa galit. "Sa lahat ng ibang bagay ay maaari mo akong asahan, ngunit kahit anong mangyari'y hindi mo mababaluktot ang aking hangaring paslangin ang halimaw na nanakit sa iyo—" ibinaba ni Alon ang kanyang tinig habang dama na niya ang luha sa kanyang mga mata, "—at sa buong kapuluan."
Naging bingi si Radha sa matinik na paliwanag ni Alon. Sa halip ay pinakawalan niya ng buong puso ang matagal nang nais lumabas rito, "Iniibig ko siya. O ano? Masaya ka na?"
Nangibabaw ang pag-agos ng tubig at pagaspas ng mga dahon sa kakahuyan.
"Ano?" Ang mga wika ni Radha'y siyang linaw subalit hindi maitatangging nagdudulot ng labis na pasakit sa kanyang nananahimik na kalooban.Napayukod ang binata. Parang may kurot sa kanyang puso na hindi niya maunawaan kung ano. Ilang araw pa lamang niya nakikilala ang Musa. Ngunit bakit ganito na kabigat ang kanyang nadarama?
"Batid kong narinig mo ang aking pangungusap." Kapwa sila naubusan ng sasabihin, lalo na ang Musang hindi na mapigil ang hikbi at pagluha.
Bumangon na lamang bigla ang Taga-Ilog at walang lingunang binitbit ang kanyang pamingwit, tampipi at bakol. Ni hindi na siya makabuo pa ng pangungusap dahil sa paggapang ng labis na kalungkutan at pait sa kanyang mga ugat habang tuluyang inulubog niya ang sarili sa lumalalim na sapa.
"Alon!" Hiyaw ni Radha habang humahalo ang tubig ng sapa sa kristales mula sa kanyang nagsusumamong mga mata.
"Hangal akong naghangad ng hindi maaaring maganap."
Hindi na nagwika pa si Alon matapos ng bulong na iyon. Wala na rin siyang kailangang marinig pa. Nanatili na lamang siya sa katubigan sa ilalim ng maharlikang kasko, dinadama ang hampas ng tubig na siyang bumabalot sa kanya sa kailaliman ng sapa. Saka lamang niya napagtanto ang kakayahang makahinga sa ilalim ng tubig.
UMAALINGAWNGAW NA SA BUONG PANAY ang nakagigimbal na atungal ng halimaw na hayok sa laman habang nanlalaban ang awit ng mga dahon sa kagubatan. Papalapit ng papalapit ang mga kaluskos sa pandinig ng mga pinturadong katutubo. Dali-dali namang nagsikublian ang mga katutubong makaririnig nito kahit pa batid nilang wawasakin rin naman ng Balawis ang kanilang mga dampa sakaling masanghap nito ang kanilang sariwang laman. Kung anu-anong mahahalagang bagay at ari-arian ang kanilang yakap habang naghahangad ng kaligtasan mula sa hindi mapigil-pigilang pasakit na bitbit ng kinatatakutang Balawis.
Hindi naman tumigil si Legana sa paghabol sa kinatatakutang delubyo. Bawat puno'y kanyang ginagawang panangga habang patuloy ang paggamit niya ng Itim na Anino at ang kanyang Muktas Halimunya. Sa kabila ng kalakihang bulas ay simbilis ng nasabing halimaw ang pinakamabilis na sibat ng kapuluan. Nangingibabaw pa rin sa kanyang pandinig ang hinagpis ng karamihan habang walang pakundangan sa pagwasak ng kanilang mga ari-arian ang Balawis. Ang kanyang paghahangad ng makakain at ang laway sa kanyang karimarimarim na bunganga ang nagpakita kung gaano siya ka-desididong humanap ng laman--laman ng kaawa-awang katutubo.
Si Serapin ang kaisa-isang natira mula sa kanyang mga kapwa Balawis. Ang iba ay napaslang na ng mga katutubong mandirigma at ng mga Diwata kasabay ng tuluyang pagpinid sa mga Kampon. Kada isang-libong taon, isang Balawis ang isisilang mula sa kawalan. Bilang pinakamalakas sa lahat ng mga Kampon, ang mabagsik na nilalang na ito ay karapat-dapat na mamuno sa mga Kampon at sa kanya nakasalalay ang kaligtasan ng kanyang mga kalahi mula sa mga itinuturing nilang kalaban mula sa daigdig ng mga tao. Ang pagkakalayo mula sa bilog na buwan sa loob ng ilang dantaon nandahil sa pagkakapinid sa loob ng Piitan ng Kampon ang siyang nagkubli sa kung sinuman sa mga Kampon ang isinilang na maging Balawis mula sa lahat ng mga isinilang mula sa wala. Ang mga tyanak at ilan pang Kampon  ay isinisilang rin mula sa kawalan kung kaya't hindi nakapagtatakang malito ang karamihan.
Nandahil sa hindi inaasahang pagbukas ng pintuan ng piitan, nakalabas si Serapin mula sa yungib ng walang kamuwang-muwang at walang sapat na pagsasanay ukol sa pagiging ganap na Kampon--o pagiging pinuno ng mga Kampon. Kawalan ng kaalaman ang pinaka-matinding katunggali ni Serapin sa kasalukuyan, dahil walang anumang nilalang ang nagturo sa kanya ng kanyang saysay sa mundong ibabaw.
Tarok naman ng mga matatandang katutubo ang ukol sa nagbabadyang panganib sa katauhan ng Balawis, at naikalat na nila ang batis na ito sa karamihan sa kapuluan. Nag-umpisa na silang paghandaan ang paparating na hidwaan.
"Kinakailangan kong tapusin ang kanyang bangis. Maaaring wala akong muwang sa aking kakayahan ngunit kailangan kong kumilos kahit man lamang mapatigil siya pansamantala." Pagpupursigi ang siyang susi upang mabigyang-pansin ang nabubuong lakas sa puso ng dating babaylan, ang Elemental na Kalasag ni Hora.
"At bakit naman siya lumalapit sa akin ngayon? Nawala na ba ang bisa ng aking muktas?!" Nayanig ang buong Kalibo, Irong-Irong at Hamtik. Ninanais ni Legana na tapusin ang pangamba ng karamihan subalit wala siyang maisip na sapat na hakbang.
Sa wakas. Sa pagkakataong ito'y wala na ang mga mumunting bulong mula sa dumadaloy na dugo sa kanyang mga ugat. Nagliwanag na tila mga munting gintong piraso ng bato ang kanyang mga mata habang unti-unting umangat ang bawat muyag at salubsob ng dahon at kahoy sa kanyang kapaligiran, umiikot, umiikot at nakakaliyo kung iyong susundan, bumibilis. Isang ipuipo, hindi dalawa, naging tatlo. Marami at dumarami pa. Umangat na ang dalagang ganap na Kampon. Pumaibabaw na siya sa kinatatayuan ng kinatatakutang halimaw at walang pakundangang hinampas ng matatalas at mabibilis na ipuipo ang kasuklam-suklam nitong kabangisan. Sampal. Napakaraming pagtama ng hangin sa mukha ng halimaw.
Isang pagbasag. Lamat. Tulad ng lamat na unang pumitik nang mag-umpisang bumukas ang lagusan palabas ng Piitan ng Kampon. "Paano ko ito nalalaman ngayon? Paano ko naiisip na ako'y nagmula sa piitang yaon.. Si Radha, hinahabol ko si Radha...."
Nakawala ang lahat ng alaala. Kagaya ng paghampas at pagbalot ng ipuipong dulot ng Manggagaway sa kanyang harapan ay nagsumabog ang kanyang alaala mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Naningkit ang mga mata ng halimaw. At sa huli, nang madiskubre ang kakaibang talas ng kanyang paningin ay kaagad niyang namasdan ang nakatalukbong na dilag na nakalutang sa kanyang harapan.
"Legana?" Natigilan siya. Namanhid siya sa paghampas ng malupit na hangin.
"Legana! Huwag!" hiningal siya. "Ako ito! Si Serapin!"
Nawala namang parang bula ang hangin sa paligid at mala-gintong mga mata ng dalaga. Nalaglag siya sa magabok sa lupa.
"Ako ito! Napapansin mo ba? Ako ito, Legana!"
Nagsitayuan ang mga balahibo ni Legana sa batok at braso. Kinilabutan siya. Sabay kumaripas ng takbo.
"Huwag kang tumakbo, ako ito, si Serapin!"
Natigilan ang Balawis. "Bakit ganito? Hindi ko marinig ang aking tinig? Tinatakot ko pa siya sa aking pagwika." Lumalabas na atungal ang kanyang mga wika. Nagtilamsikan ang mga patak ng tubig habang patuloy na tumatakbo si Legana palayo sa kanya sa may sapa. Natigilan lang ang halimaw nang mamasdan ang sariling anyo sa bawat patak ng tubig na mapapadaan sa kanyang mga mata. Nawalan ng lakas ang halimaw na magpatuloy pa sa pagtakbo. Lalo't biglang pumasok sa kanyang isipan si Radha.
"Kaya pala ako pilit na inilayo ng binatang yaon mula kay Radha. Isa akong halimaw. Ako nga yata ang sinasabi nina Nuno at Buri. Ako nga yata ang Balawis."
~…~
0 notes
Photo
Tumblr media
Mga Babae sa Buhay ni Alon: Ang Nakaraan, Ang Kasalukuyan, at Ang Hinaharap. 
1 note · View note
Text
Kumusta?
Sa wakas. :) Heto na ang Chapter 2: Liwanag ng Buwan. :)
Tumblr media
Bahala na kung may magbasa o wala, basta tuluy-tuloy na ito. :)
0 notes
Text
Chapter 2: Liwanag ng Buwan
-2- Liwanag ng Buwan
Minsan nang sinubok ng mga Diwata na tuluyang iwaksi ang mga bilanggong Kampon sa loob ng piitan subalit hindi sila naging matagumpay. Nagsitalbugang pabalik lamang ang salamangkang nagmula as mga sagradong palad ng mala-Diyosang mga Nimpa, nandahil sa isang matibay na kalasag ng limang elemental na espiritu ng kadiliman, ang Kuta ng Kampon. Ang Kuta ay binubuo ng limang malalakas na mga Kampon, ang limang binuo ng nasira nilang pinuno, ang kauna-unahang Balawis. Ang maalamat na Balawis na yaon lamang ang may kakayahang mas higit ang antas kaysa sa limang ninuno, alinsunod na rin sa mitong (mito: myth) siya ang naghirang sa kutang ito. Subalit dumating ang panahong nalipon ang lahat ng Kampon sa loob ng piitan, at doon tuluyang naging abo ang magiting na halimaw. Ang kuta ay binubuo nina Hora, Bita, Ayo, Yabu at Pesa, na kumakatawan sa hangin, tubig, apoy, buhay na lupa at patay na lupa. Sa pagdaan ng mahabang panahon, sila ang nagsilbing hadlang sa magkabilang-panig, naghihintay at nag-aabang lamang ng nilalang na maaring pumaibabaw sa kanila, bago sila tuluyang kumawala. Ang posibleng kalayaan ng limang ito ang higit na pinangangambahang panganib ni Radha nang maisakatuparan niya ang kanyang planong pagtakas.
  SA HARAP NG GUMUGUHONG LAGUSAN. Nanatiling gulat ang walang muwang na binatang Kampon habang nakatitig sa kakaibang liwanag sa kabilang bahagi ng gumuguhong bato. Sa loob ng kuweba’y mistulang tipak ng lupa lamang ang kahoy na pintuang yaon.
“Radha? Sandali! Ako’y hintayin mo! Hindi ka maaaring mawala! Hindi ngayon!” Napangiti si Radha sa pagdapo ng tinig ng binata sa kanyang tainga. Napagpasyahan niyang hintayin ito subalit nang maramdaman niya ang pagyanig ng lupa na nagbabadya ng paglusob ng mga katutubo, nagbago ang kanyang pasya. Pinangunahan siya ng pangamba, at saka kumaripas ng takbo palayo sa piitan. Nakipagsiksikan si Serapin sa di-mahulugang karayom na lagusan, kasabay ng mga halang ang kaluluwa na buong sugapang nagsilabas na piitan, habang nilalasap ang linamnam ng kalayaan. Ngayo’y hayok na hayok sila sa mabibiktima at ito na ang mitsa ng nagbabadyang kabuktutan sa bawat sulok ng kapuluan.
Sumalubong kay Serapin ang isang nakasisilaw na hadlang sa lagusan. Pilit binubunggo’t winawasak ito ng mga Kampon ngunit ni isa man sa mga masasamang loob ay hindi nagawang makalusot dito. Minasdan niya ang tila kristales na harang. Makulay. Mainit. Idinampi ng binatang Kampon ang kanyang putikang daliri sa liwanag. Napaigtad siyang bigla nang maramdaman ang labis na nakapapasong dingding. Pinansin niya ang kanyang daliri. Bagama’t ramdam niya ang init, hindi man lamang nagalusan ang kaniyang daliri. Mahapdi, ngunit hindi niya masipat ang sugat kung mayroon man. Naging bingi na siya sa hiyaw ng mga kapwa Kampon. Patuloy na umiikot sa kanyang kamalayan ang pagkapawi ng napakarikit na imahe ni Radha sa kanyang paningin. At hindi na niya naalintana ang kirot na bumalot sa kanyang buong katawan nang tahakin niya ng walang alinlangan ang kabilang bahagi ng pader, ang lupain ng Lahing Kayumanggi.
Walang kaabog-abog na nilagpasan ng binatang Kampon ang makulay na pader at tila naghahalakhakan pa ang limang bahagi ng kuta sa kanilang pagkalas. Inaasahan na rin ang pagsabog ng kalasag at ang paglipana ng limang elemento sa buong Perlas ng Silanganan. Kagimbal-gimbal ang mga maaaring maidulot ng pagkakamaling ito ng napiit na Musa ngunit abut-abot ang kanyang paghingi ng tawad sa kinikilalang Bathala.
Matapos ang pader, dalawang uri ng liwanag ang nagpasulo sa binatang Kampon. Ang isa ay kumikinang ng puti, na nagmumula sa sagradong tisa ng pinakamataas na pinuno ng mga Pintados, siyang hinulma ng mga mahihiwagang palad ng mga Nimpa. Ang pagdating ng mga Pintados ay naglalayong maisarang muli ang yungib at mapigilan ang patuloy na pagtakas ng mga Kampon. Ang isa pang liwanag ay nagmula sa Bilog na Buwan at tila gintong kayamanang nagpapalamuti sa kalangitan. Ang Buringkantada at ang Nuno ay napabilang sa mga muling napiit sa bilangguan, kapwa buong gulat na masaksihan na ang kanilang hinala ay tunay at nagaganap.
SA KAGUBATAN SA LABAS NG PIITAN. Naiwang nakahandusay ang babaylan ng Pintados sa harap ng bunganga ng yungib, kaaba-abang patay sa lahat ng kamalayan, hindi wari ang lahat ng kaganapan.
Isang nakakapangilabot na iyak ng pumukaw sa nahihimbing na babaylan. Kasunod nito’y ang mahinhin ngunit malalim na pag-ubo ni Legana. Pagmulat niya’y tanging usok ang sa kanya’y tumambad at mga nagsisisayawang dahon ng punungkahoy. Tahimik niyang inalala ang mga naganap bago siya nawalan ng ulirat. Subalit hindi na niya narating ang unang pangyayari nang basagin ang kanyang muni-muni ng isa na namang iyak mula sa pusod ng kagubatan.
Agad niyang hinanap ang pinagmulan ng iyak. Maaaring may naiwang sanggol dahil sa pagkakagulo sa kampo, aniya sa kanyang sarili. Sa wakas, natagpuan niya ang munting nilalang na ngumiti naman sa kanya pagkaraan ang ilang sunud-sunod na uha.
“Batang munti, bakit ka naririto? Nasaan ang iyong inay?” Pinaliit pa ni Legana ang kanyang tinig bilang panlalambing sa musmos. Magiliw pa rin ang ngiti ng sanggol.
Subalit agad na nanlaki ang mga mata ni Legana nang bigla na lamang siyang sakmalin ng sanggol. Nakakapangilabot na ang anyo nito. Pilit na inilayo ni Legana ang munting Kampon sa pagkakalmot sa kanyang pinturadong balat. Nagsisigaw siya habang inuunti-unti ang mga kukong bumaon sa kanyang katawan.
Saka lamang niya napagtanto ang lahat. Ang kanyang kamalian, ang siyang pagbubukas ng piitan ay tuluyang nagdulot ng delubyo sa buong kapuluan. Nakawala ang mga Kampon at nagkalat sila upang maghasik ng lagim sa Lahing Kayumanggi.
Naloko na.  
Sa pagkamuhi ay nagkaroon siya ng lakas. Nang tuluyang mapatalsik ang tiyanak sa lapag, hingal niyang pinagmasdan ang nagpapanggap na sanggol. Nagkaroon ng pangamba sa mga mata nito at sa huli’y naglaho na lamang sa anino ng dilim. Saka lamang ginulat ang dalaga ng isang makapanindig-balahibong alingawngaw na tila hayok na hayok sa lagim.
Hindi na nakawika si Legana. Sa halip ay gumapang siya paatras mula sa kinatatakutan, kahit tarok na niyang anuman ang gawin niya’y nalalapit na ang kanyang katapusan. Habang umaalingasaw ang pangamba ni Legana ay lalong naging magilalas ang mga atungal. Sa gulantang ay tinakpan ni Legana ang kanyang mga mata. Nakaramdam siya ng kakaibang init na gumapang sa kanyang mga ugat, habang ang mistulang bulong ng kanyang kaluluwa ay patuloy na umuusal ng mga katagang hindi niya maunawaan sa sobrang bilis.
“Ano?” usisa niya. Ngunit tila huli na ang lahat.
Unti-unting nahawi ang bawat hibla ng buhok ng dalaga palayo sa kanyang namumutlang mukha. Humarap siya sa kalangitan. Para bang binibigyang-lakas siya ng matagumpay na pagningning ni Luna at ng mga estrelyas nang gabing yaon.
"Muktas berangi..." sa wakas at napawalan ang tinig sa kalooban ng likas na Manggagaway. Lumalim ang kaniyang mga mata at tuluyang naglaho ang puti sa paligid ng mga bilog nito. Humaba at tumulis na wangis ng mga munting punyal ang kanyang mga kuko. Nag-umpisa namang mabanas ang halimaw, wari'y may pinapalo ito at hinahawi sa kanyang paligid. Sa paningin ng nasabing delubyo'y sinasalakay siya ng pinakamababangis na insekto ng kanilang panahon, ang mga barang.
Tawa. Isang nakaririnding hagikhik.
Kahit pa binabalot na ng barang ay hindi nagpasindak ang halimaw. Muli itong nanlaban na lalong nagpalakas sa dagundong na bumalot sa buong kagubatan. Sinabayan naman ni Legana ng talim ng tingin ang kanyang pagbangon mula sa pagkakasalampak sa lupa.
"Hanggang sa muli." at tuluyang nilamon si Legana ng isang itim na aninong biglang lumabas sa kanyang putikang palad. Sa isang iglap ay nagbalik na siya sa Kampo ng Pintados. Doon lamang siya natauhan. Ang naging malalim niyang mga mata'y nagbalik sa dati nitong hugis at gayundin ang kanyang mga kuko.
Naiwan naman ang nakasagupang halimaw ng Manggagaway sa pusod ng gubat, pilit na winawaksi ang pagsalakay ng mga tuyong dahon, na sa kanyang paningin ay mga mababangis na barang.
  NAGKUKUMPULAN ANG MGA KATUTUBO SA Kampo ng Hamtik nang mag-umpisang maulinigan ang makapanindig-balahibong atungal ng mabangis na halimaw. Maraming ina ang nagsusumamo para bigyang-ligtas ang kanilang mga munting sanggol, lalo’t kumakalat ang balitang ang halimaw na gumagala ay kumakain ng tao. Ang kaninang mahihimbing ay halos hindi mapapikit sa tindi ng pangamba.
Hangos pa si Legana nang marating ang kampo ng kanyang tribo. Pinagpapawisan siya ng husto kahit napakalamig ng simoy ng hangin nang gabing yaon. Muli siyang napatingin sa kalangitan. Bilog na bilog pa rin ang buwan. Patuloy ring binubuo ng babaylan ang mga katagang isisiwalat sakaling tanungin siya ng kapwa pinturado. Nakatungo niyang pinasok ang arko ng maharlikang bahagi ng Hamtik. Sumalubong sa kanya si Akgi, ang daranganan ng kanilang pangkat. Kinikilala ang daranganan bilang pinakamalakas at natatanging kawal ng isang tribo o pangkat. Napakatikas ng tindig ng daranganan sa kanyang pinayusang yari sa abaka at pudung na pula sa kanyang ulo.
Ang lahat ng pangkat sa kapuluan ng Lahing Kayumanggi ay sumusunod sa Kodigo, at may malakas na paniniwala sa Tableta ng Katotohanan. Pinamumunuan ang bawat pangkat ng isang Datu, at sinusundan ng tatlong pinakamalalakas at pinakamatatalas ang kaisipan, sumunod sa kanilang pinuno.
Ang Daranganan, o ang punong mandirigma ng pangkat, ay ang pinakamalakas na nilalang kung pagbabasehan ang dami ng kaniyang napatumba sa labanan. Hawak niya ang lahat ng mandirigma at alipin sa kanilang nasasakupan at labis siyang kinatatakutan ng lahat ng nakatira rito dahil sa angkin niyang lakas at kakayahan. Ang Babaylan, na kabahagi rin ng mga Diwata, ay ang pinakamahusay at pinakamalakas na babae sa pangkat. Nakakubli lamang ang babaylan sa loob ng kubo ng anito upang dasalan ito ng walang tigil subalit isa siya sa mga tinatawagan sa tuwing magkakaroon ng matinding pagkasira sa kaayusan ng pangkat. AngUmalohokan, o ang punong tagapamalita, ay ang may pinakamaraming nalalaman ukol sa kasaysayan, sa kodigo at sa nilalaman ng Tableta ng Katotohanan. Trabaho niya ang paghahatid at pagkalap ng tamang kaalaman sa buong pangkat at minsan, maging sa buong kapuluan. Ang lahat ng sumusunod sa angking kapangyarihan ng mga pinunong ito ay nagmimistulang payak na timawa lamang at hamak na alipin sa loob ng kanilang tribo. 
“Mainam nang huwag ka ng tumuloy sa loob, Babaylang Legana. Ito na rin ang huling pagkakataong tatawagin ka sa gayong bansag.” Napatameme lamang si Legana sa winika ng pangunahing mandirigma. Maya-maya’y nangiti pa ang babaylan, “Hindi ako maaring pumasok? Hindi yata angkop ang pagbibiro sa panahon ng pangamba, Akgi.”
Kumunot ang noo ng daranganan habang ang mga matatalim na kawayan ng mga kawal ay tila nagbabantang wakasan ang buhay ng sinuman sakaling manlaban ang babaylan.
“Napipikon na ako, Akgi. Kailangan kong makausap ang aking ama!” lalong lumapit ang mga punyal ng kamatayan. Nanatiling mariin ang utos ni Akgi sa kanyang kawal at gayundin si Legana sa hangaring makausap ang ama.
“Lisanin mo na ang Hamtik, Legana!” anang punong kawal.
“Hindi ako natatakot sa’yo.” Ang mga tinig sa kaibuturan ng puso ng likas na Manggagaway ay muling nangusap. Muli’y napakaraming katagang mula sa ibang wika ang namutawi sa puso ng dalaga, nagsusumigaw, nagpupumilit na kumawala. Napaatras si Akgi. Sa harap ng kumikinang na hiyas sa pudung ng daranganan ay namasdan ni Legana ang kinang ng kanyang mga mata. Nagliliwanag sa ginto.
“LEGANA!”
Nabasag ang nagsusumigaw na mga kataga at katahimikang nakabibingi ang pumalit. Ang datu ang nagwika. Siya ang kataas-taasang pinuno ng mga tinaguriang pinturado ng Diyos. Siya ang amang nagpalaki sa inampong ulila bagama’t hindi nalalaman ang tunay na pinagmulan ng musmos. Siya ang amang nagkubli ng katotohanang mismong siya ang nakasaksi, upang mapangalagaan ang nililiyag na anak-anakan. Siya ang amang di mapigil ang pagkamuhi ng labis sa kanyang kinikilalang anak.
“Hindi maitatangging may namumuhay na hindi kaaya-aya sa iyong pagkatao,” nilapitan ng ama ang kanyang anak at saka bumulong, “Saksi ako sa tunay mong kinabibilangan, Legana, subalit ikinubli ko ang lahat dahil mahal kita, anak ko.” Tuluyan nang pumatak ang mga luhang kanina pa pinipigil sa pag-agos. Naglaho ang pagka-ginto ng mga mata ng itinatakwil. Minasdan niya ang mukha ng ama.
“Ama…hindi ko sinasadya ang naganap at hindi ko rin maunawaan kung paano nangyari ang lahat—”
“Talipandas!” Isang napakapait na hampas ang pinakawalan ng namumuhing ama. Sinalo naman ito ni Legana ng buong puso pagkat nalalaman niyang siya ang tunay na may sala. Hindi na siya nakawika. Dinama niya hanggang sa kailaliman ng kanyang kaluluwa ang pait ng galit ng kanyang minamahal na ama. Hindi na niya namalayan ang pagtulo ng kanyang luha. Natahimik ang mga nagkukumpulang tao sa buong liwasan ng kampo.
Tanging ang mga mata ni Legana ang nakiusap sa kanyang ama, lumuluha siya ng labis, subalit hindi mapawi ng kanyang pagmamakaawa ang poot ng kanyang pinuno.
“Naging mali nga marahil ang aking pasya na ampunin ka at ituring na bahagi ng pangkat na aking nasasakupan. Natatanto mo bang inilagay mo sa labis na kapahamakan ang bawat nilalang ng Lahing Kayumanggi? Hindi ako nagkulang ng pagpapaliwanag sa iyo, tampalasang nilalang, subalit binigo mo pa rin ako.”  Pagdidiin ng datu. Naging mas matatalim ang tingin ng lahat sa kanilang babaylan. Lalong nanliit ang sawimpalad na si Legana.
“Huwag niyo naman itong gawin sa akin, pakiusap. Maniwala kayo, nilinlang ako ng kung anumang espiritu, inaalam ko lamang naman ang pahiwatig ng aking mahal na ina…” hinahabol ng dalaga ang kanyang hininga habang nagwiwika. Subalit patuloy ang panunuya ng mga katutubo sa kanya.
“Wala kang karapatang magdahilan o makiusap sapagkat inilagay mo ang buhay ng aking nasasakupan sa matinding panganib. Ang mga nakalaya sa piitan, maaaring yaon ang mga pinakamababangis sa lahat. Paano kung isa doon ang—” natigilan ang datu. Napalunok ang karamihan nang matanto ang tindi ng nagawa ng itinatakwil na babaylan. Bigla namang nagbalik sa kamalayan ni Legana ang nakasagupa kamakailan lamang. Isang nakakapangilabot na halimaw.
IRONG-IRONG. Napakabanayad ng sapa at kitang-kita ang kabilugan ng buwan sa kristales na tubig.
“Alis.” Mababa at mahinahong tinig subalit nakapanliliit.
Hindi kalayuan sa kinatatayuan ng Diwata ng mga Bulaklak ang isang larawan ng katahimikan. Isang binatang halos nasusukob ang buong mukha ng kanyang malapad na salakot ang tila abalang nagmamasid sa mapang-akit na kumpas ng mga munting palikpik ng isda sa nananahimik na sapa. Mahigpit ang kapit niya sa kanyang pamingwit na yari sa kawayan, habang malayang nakalaylay ang sinulid sa mahinahong agos sa kanyang harapan. Isang munting bakol ang nasa tabi ng matamang nagmamasid at isang bao ng niyog na puno ng bulate sa kabila. Hindi gutom sa pagkain ang nagiging suliranin ng mga tulad ni Radha kundi ang paghahanap ng makakausap, ng masasalinan ng kanyang mga sentimyento, isang nilalang na handing makinig sa kanyang mga hinagpis. Inipon ni Radha ang kanyang lakas ng loob upang lapitan ang halos hindi nagwiwikang binata.
“Taga-Ilog, mukhang nakahuli ka na ng lima.” Bulong ng Musa. Ni hindi man lamang kumibo ang bilugang mga mata ng kausap.
“Ang sabi ko, alis.”
“Ngunit bakit? Wala naman akong intensyong—”
“—gawin mo na kung ayaw mong mapaslang.” Tunay na nakapanliliit. 
Sa wakas, lumingon din ang binatang tila masama ang timpla. Ngunit waring mas nangamba si Radha nang mamasdan ang mga mata ng Taga-Ilog. Dinaig pa ang tubig sa pagkabughaw.
Natulalang muli si Radha, Bita?
Nagbago ang higpit ng kapit ng Taga-Ilog sa kanyang pamingwit nang maramdaman ang pagpitik ng manipis na bitag.
“Ang sabi ko, alis!” Ang hampas na yaon ay ubod ng lakas. Naramdaman ni Radha ang tubig sa kanyang pisngi. Oo, tubig ang siyang humampas sa kaaba-abang Musa. Agad niyang hinanap ang direksyon ng buwan. Bilog na bilog pa rin ito.
“N—narito siya…hindi maari…” bulong ni Radha nang maramdaman ang yabag ng papalapit na panganib sa kanila ng Taga-Ilog.
“Tago!”Agad namang napasunod si Radha sa utos ng Taga-Ilog dahil sa takot. Nagkubli siya sa likod ng mayabong na punungkahoy na hindi kalayuan sa kinatatayuan ng Taga-Ilog. Tumayo ang tanod ng tubig at walang pangambang hinarap ang pinagmumulan ng nag-uumapaw na bangis at kahayukan.
Malaking bulas. Ang malahiganteng tindig ay hindi man sintaas ng mga kapre subalit ang bawat hibla ng kanyang nagdurugong kalamnan ay pinupupog ng nagrururok na lakas. Ang nanuyong dugo sa kanyang gulugod at mga daliri ay nagdudulot ng pagkasuklam subalit ang masulyapan ang katalasang tumubo mula sa mga duguang bahagi ay ang naghalo ng pagkasuklam sa nginig ng pangamba. Ang malasugat niyang mga mata ay nag-uumapaw sa salamangka na ang siyang tititig dito ay magsisimulang balikan ng kanyang pinakamalupit at pinakamapait na nakaraan na patuloy siyang babagabagin hanggang sa saktan ang kanyang sarili at sa huli ay kitlin ang sariling buhay. Bilis, liksi at lakas ang siyang nagbibigay-pagkakilanlan sa halimaw na ito bilang pinaka-kagimbal-gimbal na halimaw sa lahat ng Kampon at sa buong kapuluan.
“Ang Balawis!” hiyaw ni Radha.
Umatungal ang pambihirang halimaw.
Nanatiling nakatindig sa kanyang puwesto ang Taga-Ilog. Namasdan sa liwanag ng buwan ang kabuuan ng kanyang anyo. Katanaman ang kanyang taas at kumikintab sa liwanag ng buwan ang kayumanggi niyang balat na basa ng tubig. Ang hubog ng kanyang matipunong katawan ay nababakas mula sa manipis niyang puting kamisa na may burdang asul at berde, mga larawan ng alon at halaman. Nakabigkis sa kanyang baywang ang kanyang lambat kung saan nakasabit ang kanyang matalas na tabak. Yapak ang kanyang mga paang lubog sa sapa at sa sinag ng maliwanag na mga bituin, kumusap ang mumunting perlas sa kanyang leeg at tainga.
Bahagya niyang iniangat ang kanyang salakot at muli ay nasulyapan ng takot na Diwata ang bughaw niyang mga mata.
“Pinaghintay mo ako ng matagal, Balawis. Ang akala ko ay binigo mo na ako ng tuluyan.” Saka lamang nawari ni Radha ang siyang nagpapalagong sa tinig ng binata. Sa wari’y dalawang nilalang ang siyang nagwiwika. Magkahalong tinig ng isang lalaki at ng isang babae.
Muling umatungal ang Balawis. Napangiting palibak ang Taga-Ilog at saka marahang iniangat ang kanyang pamingwit. Tila mga ahas na nagpupuluputan at lumilingkis ang mga alon sa sapa sa kawayang pamingwit, na siyang unti-unting nagpapakilala sa kakayahan ng Elemental na Kalasag ng Tubig, si Bita, sa katauhan ng payak na tanod ng tubig, ang Taga-Ilog.
Ngunit tanging atungal lamang ang tinugon ng pambihirang halimaw. Natahimik ang mga alon sa sapa. Muli'y napayukod ang binatang Taga-Ilog habang si Radha ay nananatiling tulala sa pangamba. Hindi na muli pang nagwika ang Taga-Ilog. Agad na lamang sumampal ng walang hinay ang mga mala-latigong alon ng sapa sa mukha ng halimaw. Lalong nagpakabangis ang malupit na Balawis. Agad niyang nilapitan ang magiting na Taga-Ilog subalit tanging dingding ng kastigong tubig ang sumasalubong sa kanya.
Iniangat ng Taga-Ilog ang kanyang pamingwit at humabol sa pag-angat nito ang isang mataas na buhawi ng along nabuo mula sa kanina'y banayad na sapa. Akma na niyang kukulungin ang halimaw sa kanyang mapamaslang na buhawi nang bigla itong sinalubong ng ipu-ipo ng naglilipanang talulot ng rosas.
Nanahimik ang sapa. Ang tanging naririnig sa ngayon ay ang mahinhing paghikbi ng Diwata ng mga Bulaklak na pumigil sa katapusan ng halimaw sa kamay ng malupit na instrumento ni Bita.
"Huwag, Bita, pakiusap. Huwag mo siyang sasaktan..." mahinhing hikbi ni Radha.
Nanaig ang katahimikan sa loob ng ilang segundo. Patuloy ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ng Diwata ng mga Bulaklak.
“Ano?” Ang kanina’y kating-kating tapusin ang tunggalian ay biglang nanlumo. Nawala ang kusap ng bughaw sa kanyang mga mata. Nanlaki ang mga matang ito sa malaking bulas sa kanyang harapan at sa akma niyang pagsalakay sa halimaw na yaon. Lalo niyang ikinabigla ng ang luhaan subalit nakakahalinang anyo ng Diwata sa kanyang tagiliran, nakahipo sa kanyang basambasang balikat.
“Ako ang may sala kung bakit siya naririto, kung paano siya nakalabas. Ako…” Hindi tuluyang nagpanaig sa hinagpis ng babae ang halimaw.
“Wag!” Ang tinig ng Taga-Ilog, tuluyang nawalan ng lagong. Ang kapirasong kataga’y punung-puno ng pangamba. Sa isang iglap, halos ga-buhok na lamang ang layo ng matalas na kuko ng Balawis mula sa mga mala-dyamanteng mga mata ni Radha, at pihadong nagalusan na ang Diwata kundi lamang pumalupot ang lubid na pamingwit sa mabulas na kamao ng Balawis.
Nanaig laban sa katahimikan ang hingal ng Taga-Ilog.
"Matatalim ang iyong mga mata. Napakalayo sa maaamong mata ng kaisa-isang aninong nag-aabang sa karimlan, naghahangad ng aking ngiti. Serapin, ako'y iyong masdan. Narito ako. Nalalaman kong kaya mo naharap ang bilog na buwan ay dahil sinundan mo ako, mabuting puso. Ako si Radha, natagpuan mo na ako sa wakas." Ang pag-asang lalamig ang nag-iinit na sagupaa'y biglang natunaw na parang yelo. Ang pagbabalik sa napakapait na nakalipas ay biglang lumamon sa diwa ng Musa, habang utay-utay na naglaho ang matatalim na mga mata sa kanyang paningin.
TRIBUNAL NG HAMTIK. "Kung gayon, malinaw na. Bagama't malabo ang mga tunay na naganap, ang Balawis nga ang halimaw na yaon," mga katagang nabuo sa isipan ng itinatakwil na babaylan. Lalong nadiin sa kasadlakan ang tingin ni Legana sa kanyang sarili. Sadyang napakapait  ng gabing ito, aniya sa sarili.
"Bakit pagtatakwil lamang, mahal na Datu? Ang dapat sa gaya niya'y sinusunog ng buhay. Isa na siyang Kampon sa aming paningin!" pagkutya ng isang mamamayan. Sinundan na ito ng malawakang hiyawan ng mga tao. "Sunugin, sunugin!" anang karamihan.
Imbis na ipakita ang pangamba'y lalong nagpakatatag ng puso si Legana. Humarap na lamang siya sa kalangitan at pilit na binubuo ang larawan ng inang si Marilen na muli'y sakay ng walis upang siyang sunduin, subalit tanging ang bilog na buwan lamang ang kanyang nasisilayan sa kasalukuyan. "Kung dangan lamang ako'y hindi ninyo iniwan, disin sana'y nalalaman ko kung paano sila gagawing mga palaka..." bulong niya sa sarili.
"Umuusal ng dasal! Isa siyang Kampon! Isang Manggagaway!"  bulalas ng isa sa tribo.
"Nararapat ngang sunugin ang Manggagaway na iyan!" usig pa ng isa. Labis na ang pagkamuhi ng taumbayan sa itinuturing nilang babaylan. Ang Datu'y naluluha na rin sa labis na galit.
"Kampon? Manggagaway? Maaari. Sa bagay, kailanman ay hindi ako natanggap sa tribong ito. Pinigil ko ang aking sarili sa loob ng mahabang panahon upang maging ganap na Pintados sa inyong paningin subalit pilit niyo akong itinatakwil. Ang pagkabukas ng pinto ay nararapat lamang sa mga tulad niyong mararamot, palalo at walang malasakit sa kapwa!" Nag-aalab na sa puso ni Legana ang galit. Naging mabuti siya sa mga Pintados. Labis siyang nagpakumbaba upang matanggap nila siya sa kabila ng pagigiging hindi lehitimong bahagi ng pangkat. Bakit ba ang simpleng hindi sadyang pagkakamali'y hindi nila maunawaan? "Siguro nga'y hindi na ako nararapat dito..."
Nanginig ang kanyang buong kalamnan nang masdan ang tila sibat na titig ng mga tao. Hindi na rin siya binigyang-puso ng ama-amahan.
"Tampalasan! Binabago ko ang aking pasya," muling pumatak ang luha ng datu sa pait ng kanyang nadarama. "Gawin niyo na ang nais niyo sa kanya. Sunugin ang itinakwil. Huwag iiwan hangga't hindi nagiging abo."
Naghiyawang parang mga pakawalang baboy ang buong Kampo ng Pintados habang nagkulong na ang datu sa sarili niyang kubo. Agad na iginapos ng mga mandirigma si Legana sa haligi ng arko ng Pintados. Dumating naman ang iba pang katutubo na may dala-dalang mga sulo.
"Aba, lintik, susunugin nga ako ng mga ito!" sigaw ni Legana sa kanyang masalimuot na isipan. Nag-uumpisa na ring mamuhay ang takot sa kanyang puso. Bagama't patapon na ang kanyang buhay dahil sa dami ng pagkakasalang kanyang nagawa'y nangangamba pa rin siyang masawi. Sinubok na niyang magpumiglas.
Sa naipamalas na kakayahan ni Legana kanina laban sa Balawis napabilib ang elemental na kalasag na siyang namuhay sa kanyang katawan mula ng mabuksan ang piitan. Kanina pa ito nag-aabang ng pagkakataong magpakitang-gilas, na siya namang nagpapanatili ng pagkusap na tila ginto ng mga mata ng itinakwil. Bukod sa yumayabong na lakas mula sa dugo ng pagiging Manggagaway, nanirahan na rin sa labimpitong taung gulang na dalaga ang Elemental na Kalasag ng Hangin, si Hora.
Napakabilis ng mga kaganapan. Naging makapanindig-balahibo ang pagkakalikha ni Legana ng isang ipuipo na siyang bumalot sa kanyang butuhing katawan at nagkalag sa kanyang mga gapos. Ito ang siyang nagligtas sa kanya sa mga sulo ng karamihan. Tuluyan siyang inilayo sa Hamtik at saka napadpad sa may bandang Irong-Irong. Nilisan niya ang kampo kasabay ng pag-iwan ng isang Muktas Berangi sa mga katutubo, ang ilusyon ng mga barang.
Tumblr media
Ang Muktas Berangi ay ikatlo sa pitong salamangka na siyang natutunan ng musmos na Manggagaway bago siya tuluyang iniwan ng ina sa Isla ng Panay, ang Pitong Muktas o ang pitong ilusyon. Sa loob ng isang minuto'y makukulong ang mga biktima sa ilusyon kung saa sila sinasalakay ng mga barang, na pawang mga tuyong dahon lamang pala.
Sa edad na lima, hinayaan ni Legana ang mga pinturadong nilalang na binansagang mga Pintados na kupkupin siya sa paniniwalang hindi sila mga tao, lalo'y hindi bakas ang kanilang pagiging mortal sa likod ng pintura. Tinulungan siya ng tribo, binihisan, pinakain, at maging ang kanyang pangalang Legana ay nagmula sa kanila. Di nagtagal, naging pinturado na rin ang ampon at naging opisyal na kabahagi ng pangkat sa kabila ng halos sandamukal na pagtutol pagkat hindi raw si Legana ang tipo ng bata na siyang "may basbas ni Bathala." Pilosopo, pilya, matapang at maraming tanong ukol sa kanyang lahi at kalikasan kahit noong siya'y musmos pa. Natuwa ang kanilang datu sa pagiging bibo ng munting pilosopo kung kaya't hindi naging malayo ang pagkahirang kay Legana bilang babaylan ng Hamtik nang siya'y labintatlong taong gulang na. Subalit hindi pagiging babaylan ang pinangarap ni Legana para sa kanyang sarili. Naging maligaya siya nang unang sumayaw sa harap ng kanilang anito bilang pag-aalay subalit nang lumipas ang wala pang isang taon ay hindi na nakuntento ang dalagita. Ninais na niyang magkapamilya rin gaya ng ibang babae at inayawan na niya ang makulong sa loob ng isang kubo, sumasayaw at nagdarasal sa anito buong buhay niya. Gusto niya ng mas maanghang na kasalukuyan, yaong maraming pagsubok, maraming tunggalian na pilit niyang ipapanalo gamit ang kanyang ikinukubling kakayahan.
Walang sinuman ang nakakita sa tunay na pinagmula ni Legana maging ang patagong palilinang ng kanyang kaalaman sa itim na salamangka, maliban sa kanyang datung ama-amahan. Pinilit ng datu na itago sa madla ang katotohanang Kampon ang butihing musmos subalit naging mailap kay Legana ang mga pagkakataong patunayan ang kanyang pagmamahal sa kinikilalang pangkat na pinagkakautangan niya ng patung-patong. Sa sobrang ilap ay dumating nga sa puntong kinakailangan na siyang itakwil ng ama-amahan. At sa buyo naman ng mga tao'y lalong nasadlak si Legana sa mas matinding kaparusahan, ang kamatayan.
“Mukhang kinakailangan ko ng magpasalamat sa dugong nananalaytay sa akin. Ang Babaylan ng Pintados ay patay na. Kung inaakala nilang gagapang ako pabalik sa kanila'y nagkakamali sila. Humanda kayo sa inyong pagluhod para sa inyong buhay, mga mamamayan ng Hamtik. Humanda kayo sa pagbabalik ng Manggagaway." isang patak ng luha ang sinalo ng kayumangging lupain.
“Luha? Peste.”
~…~
2 notes · View notes
Photo
Tumblr media
“Maging ang namumuhi niyang mga mata’y hindi ko magawang iwaksi."
0 notes
Text
Mga Tauhan ♥
Wala naman, trip ko lang. :)
Tumblr media
Sumali ako at nawili sa online role-play at dahil dito, napaisip akong gumawa ng Character Profiles ng mga tauhan ng Kayumanggi. Kagaya ng role-play, inisipan ko rin ito ng mga Face Claims (sa totoo lang, matagal ko ng naisip at inipon ang mga face claim na ito, ngayon ko lang naisipang ilabas sa publiko ang mga pantasya ko. ;p)
Nawa’y magustuhan niyo. Hindi naman ako mag-uumpisa ng role-play, ngunit ito na siguro ang paraan ko upang ipakilala ang mga tauhan ng nobelang ito. :)
I-click ang "Mga Tauhan" upang tingnan ang buong listahan ng mga... tauhan. *kibit-balikat*
Salamat. ♥
2 notes · View notes